Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makapagliligtas ng Buhay ang Pakikinig sa Babala!

Makapagliligtas ng Buhay ang Pakikinig sa Babala!

NOONG Disyembre 26, 2004, niyanig ng 9.1 magnitude na lindol ang Simeulue, isang isla sa hilagang-kanlurang baybayin ng Sumatra, Indonesia. Lahat ay napatingin sa dagat. Hindi normal ang mabilis na pag-urong ng tubig. Biglang nagtakbuhan ang lahat sa mga burol na sumisigaw, “Smong! Smong!” Ibig sabihin nito ay tsunami. Sa loob lang ng 30 minuto, humampas na ang napakalalakas na alon sa baybayin at winasak ang maraming bahay at nayon.

Ang Simeulue Island ang unang tinamaan ng mapangwasak na tsunami na iyon. Pero sa 78,000 residente, 7 lang ang namatay. Bakit iilan lang? * May kasabihan ang mga tagaisla: ‘Kapag lumindol nang malakas at umurong ang dagat, tumakbo sa burol, dahil mabilis na dadaluyong ang dagat sa pampang.’ Batay sa kanilang karanasan, nalalaman ng mga taga-Simeulue na may paparating na tsunami sa pamamagitan ng pagbabago sa dagat. Ang pakikinig sa babala ay nagligtas ng kanilang buhay.

Binabanggit ng Bibliya ang isang dumarating na sakuna, isang “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Pero hindi ito ang wakas ng planetang Lupa dahil sa iresponsableng gawa ng tao o sa kapaha-pahamak na likas na mga sakuna—sapagkat layunin ng Diyos na manatili magpakailanman ang lupa. (Eclesiastes 1:4) Sa halip, ang dumarating na kapighatian ay gawa ng Diyos para “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” Ito ang magiging wakas ng lahat ng kasamaan at pagdurusa. (Apocalipsis 11:18; Kawikaan 2:22) Kay laking pagpapala nga!

Isa pa, di-gaya ng mga tsunami, lindol, o pagsabog ng bulkan, walang mamamatay na inosenteng tao sa dumarating na pagkapuksa. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng Bibliya, at nangangako ang Diyos, na ang pangalan ay Jehova, na “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (1 Juan 4:8; Awit 37:29) Kaya paano ka makaliligtas sa malaking kapighatian at magtatamasa ng ipinangakong mga pagpapala? Kailangan mong makinig sa babala!

MAGING ALISTO SA LAHAT NG PAGBABAGO

Hindi natin matitiyak ang espesipikong petsa ng wakas ng lahat ng kasamaan at pagdurusa, sapagkat sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” Gayunman, hinimok tayo ni Jesus na “patuloy [na] magbantay.” (Mateo 24:36; 25:13) Sa ano? Inilalarawan ng Bibliya ang mga kalagayan sa daigdig bago wakasan ng Diyos ang mga ito. Kung paanong ang biglang pag-urong ng tubig ay nagbabala sa mga residente ng Simeulue tungkol sa dumarating na tsunami, ang malalaking pagbabago sa daigdig ay maghuhudyat sa atin na malapit na ang wakas. Itinatampok ng kalakip na kahon ang ilang malalaking pagbabago na binabanggit ng Bibliya.

Totoo, naganap na noon ang ilan sa mga pangyayari o kalagayang nasa kahon. Pero sinabi ni Jesus na kapag nakita nating nangyayari ang “lahat ng mga bagay na ito,” malalaman natin na malapit na ang wakas. (Mateo 24:33) Tanungin ang sarili, ‘Kailan sa kasaysayan na ang lahat ng bagay na inilarawan ay (1) nangyari sa buong daigdig, (2) nangyari nang sabay-sabay, at (3) patuloy na sumasamâ?’ Maliwanag, nabubuhay na tayo sa panahong iyon.

KAPAHAYAGAN NG PAG-IBIG NG DIYOS

“Ang mga sistema ng patiunang pagbababala . . . ay nakapagliligtas ng buhay,” ang sabi ng isang dating pangulo ng Estados Unidos. Pagkatapos ng tsunami noong 2004, naglagay ng sistema ng pagbababala sa apektadong rehiyon para huwag nang maulit ang pagkamatay ng napakaraming tao. Ang Diyos ay gumawa rin ng paraan para magbabala bago dumating ang wakas. Inihula ng Bibliya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.

Noong nakaraang taon lang, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mahigit 1.9 bilyong oras sa pangangaral ng mabuting balita sa 240 lupain at sa mahigit 700 wika. Ang pangyayaring ito sa ngayon ay matibay na patotoo na malapit na ang wakas. Dahil sa pag-ibig sa kanilang kapuwa, buong-sigasig na nagbababala ang mga Saksi ni Jehova tungkol sa mabilis na dumarating na araw ng paghatol ng Diyos. (Mateo 22:39) Makikinabang ka sa impormasyong ito, at patunay ito na mahal ka ni Jehova. Tandaan, “hindi . . . nais [ng Diyos] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Tutugon ka ba sa pag-ibig ng Diyos at makikinig sa babala?

TUMAKAS PARA MALIGTAS!

Alalahaning ang mga residente sa mga nayon sa baybayin ng Simeulue ay agad na tumakas tungo sa mas mataas na lugar nang makita nilang umuurong ang tubig; hindi na nila ito hinintay na bumalik. Ang kanilang pagkilos ay nangahulugan ng kanilang kaligtasan. Para makaligtas sa dumarating na kapighatian, kailangan mo ring tumakas tungo sa mas mataas na lugar, wika nga, bago maging huli ang lahat. Paano? Ipinasulat ng Diyos kay propeta Isaias ang tungkol sa nakaaantig na paanyaya na ipinaabot hanggang sa “huling bahagi ng mga araw,” ang panahong kinabubuhayan natin. Sinasabi nito: “Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova . . . tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.”—Isaias 2:2, 3.

Kapag pumunta ka sa tuktok ng bundok, makikita mo ang tanawin at ligtas ka roon. Sa katulad na paraan, sa pagbabasa ng Bibliya, malalaman natin ang mga paraan ng Diyos na nakatulong ngayon sa milyon-milyon sa buong daigdig na baguhin ang kanilang buhay. (2 Timoteo 3:16, 17) Sa paggawa nito, ‘lalakad sila sa landas ng Diyos’ at tatanggapin nila ang kaniyang pagsang-ayon at proteksiyon.

Tatanggapin mo ba ang paanyayang iyon at ang maibiging proteksiyon ng Diyos sa mapanganib na mga panahong ito? Hinihimok ka naming maingat na suriin ang katibayan mula sa Bibliya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw,” gaya ng makikita sa kalakip na kahon sa artikulong ito. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay matutuwang tumulong sa iyo na maunawaan ang mga teksto at kung paano ka makikinabang dito. O maaari mong makita ang sagot sa mga tanong mo sa aming website na www.isa4310.com/tl. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > SAGOT SA MGA TANONG SA BIBLIYA.

^ par. 3 Ang tsunami noong 2004 ay kumitil ng mahigit 220,000 katao—ang pinakamapangwasak na tsunami na naitala sa kasaysayan.