Ang Katotohanan Tungkol sa Hinaharap
Napag-isipan mo na ba kung ano ang mangyayari sa hinaharap? Ipinapakita ng Bibliya ang mga pangyayaring malapit nang maganap na makakaapekto sa ating lahat.
Sinabi ni Jesus kung paano tayo “makakatiyak [na] malapit na ang Kaharian ng Diyos.” (Lucas 21:31) Inihula niya na magkakaroon ng malalaking digmaan, malalakas na lindol, taggutom, at mga epidemya—mga bagay na kitang-kita natin ngayon.—Lucas 21:10-17.
Ipinapakita rin ng Bibliya na magiging masama ang pag-uugali ng mga tao sa “mga huling araw” ng pamamahala ng tao. Mababasa mo iyan sa 2 Timoteo 3:1-5. Kapag nakikita mo na ngayon ang mga pag-uugali at paggawing ito, tiyak na sasang-ayon ka na natutupad na ang hulang ito ng Bibliya.
Ano ang ibig sabihin nito? Malapit nang gumawa ng malaking pagbabago ang Kaharian ng Diyos na magpapaganda sa buhay ng mga tao sa lupa. (Lucas 21:36) Sa Bibliya, makikita natin ang mga pangako ng Diyos para sa lupa at sa mga tao na titira doon. Tingnan ang ilang halimbawa.
MABUTING PAMAMAHALA
“At binigyan siya [si Jesus] ng awtoridad na mamahala, ng karangalan, at ng isang kaharian, para paglingkuran siya ng lahat ng bayan at bansa na iba’t iba ang wika. Ang pamamahala niya ay walang hanggan—hindi ito magwawakas, at hindi mawawasak ang kaharian niya.”—DANIEL 7:14.
Ang ibig sabihin: Magiging masaya ang buhay mo bilang mamamayan ng pinakamataas na uri ng gobyerno sa buong mundo na itinatag ng Diyos kung saan ang kaniyang Anak ang Hari.
MABUTING KALUSUGAN
“Walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako.’”—ISAIAS 33:24.
Ang ibig sabihin: Hindi ka na magkakaroon ng sakit o kapansanan; puwede kang mabuhay magpakailanman.
TUNAY NA KAPAYAPAAN
“Pinatitigil niya ang mga digmaan sa buong lupa.”—AWIT 46:9.
Ang ibig sabihin: Wala nang digmaan pati na ang lahat ng pagdurusang dulot nito.
ANG LUPA AY MAPUPUNO NG MABUBUTING TAO
“Ang masasama ay mawawala na . . . Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.”—AWIT 37:10, 11.
Ang ibig sabihin: Mawawala na ang masasamang tao; mga taong masunurin sa Diyos ang matitira sa lupa.
MAGIGING PARAISO ANG BUONG LUPA
“Magtatayo sila ng mga bahay at titira sa mga iyon, at magtatanim sila ng ubas at kakainin ang bunga nito.”—ISAIAS 65:21, 22.
Ang ibig sabihin: Pagagandahin ang buong lupa. Sasagutin ng Diyos ang ipinapanalangin natin na “mangyari nawa ang kalooban [niya] sa lupa.”—Mateo 6:10.