Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA

Bakit Magandang Basahin ang Bibliya?

Bakit Magandang Basahin ang Bibliya?

“Akala ko dati, napakahirap maunawaan ang Bibliya.”—Jovy

“Para sa akin, nakakabagot ang pagbabasa ng Bibliya.”—Queennie

“Kapag nakikita ko kung gaano kakapal ang Bibliya, nawawalan ako ng ganang basahin ito.”—Ezekiel

Naisip mo na bang basahin ang Bibliya pero nag-atubili ka dahil nadama mo ang gaya ng mga binanggit sa itaas? Para sa marami, ang hirap basahin ng Bibliya. Pero paano kung malaman mong makatutulong pala sa iyo ang Bibliya para maging mas maligaya at mas kontento sa buhay? At paano kung malaman mong may magagawa ka para maging mas kapana-panabik ang pagbabasa mo? Magiging interesado ka ba sa Bibliya?

Pansinin ang ilang komento ng mga taong nakinabang nang simulan nilang basahin ang Bibliya.

Sinabi ni Ezekiel, na mga 20 anyos: “Dati, para akong nagmamaneho ng sasakyan na wala namang pupuntahan. Pero dahil sa pagbabasa ng Bibliya, nagkaroon ng direksiyon ang buhay ko. May mga praktikal na payo ito na nagagamit ko sa araw-araw.”

Ikinuwento ni Frieda, na mga 20 anyos din: “May pagka-magagalitin din ako noon. Pero unti-unti kong [nabago] ito dahil sa pagbabasa ko ng Bibliya. Bihira na ngayon ang hindi ko nakakasundo kaya mas marami na akong kaibigan.”

Sinabi ni Eunice, mga 50 anyos, tungkol sa Bibliya, “Natulungan ako nito na maging mabuting tao, [at] baguhin ang pangit kong pag-uugali.”

Gaya ng napatunayan nila at ng milyon-milyong iba pa, ang pagbabasa ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mas kasiya-siyang buhay. (Isaias 48:17, 18) Makatutulong din ito sa iyo na (1) makagawa ng tamang mga desisyon, (2) magkaroon ng tunay na mga kaibigan, (3) maharap ang stress, at (4) higit sa lahat, malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos. Galing sa Diyos ang mga payo ng Bibliya, kaya hinding-hindi ka mapapahamak kung susundin mo ito. Laging tama ang payo na mula sa Diyos.

Kaya mahalaga na simulan ang pagbabasa ng Bibliya. Anong praktikal na mga mungkahi ang tutulong sa iyo para masimulan at ma-enjoy ang pagbabasa?