C3
Mga Talata sa Efeso Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi
EFESO 2:21 “isang banal na templo para kay Jehova”
Kingdom Interlinear: “tirahan ng Diyos na banal sa Panginoon”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Makikita sa konteksto na ang Panginoong tinutukoy dito ay ang Diyos. Sa talata 19, tinawag ang kongregasyong Kristiyano na “sambahayan ng Diyos.” Makikita sa talata 20 na si Jesus “ang pinakamahalagang batong pundasyon” ng gusaling ito, at sinasabi sa talata 22 na ang templong ito ay “bahay na titirhan [ng Diyos] sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” Isa pa, sa talata 20, binanggit ni Pablo ang hula tungkol sa Mesiyas sa Isaias 28:16, kung saan “sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Ginagawa kong pundasyon sa Sion ang isang subok na bato, ang mahalagang batong-panulok ng isang matibay na pundasyon.’” Gayundin, sa Hebreong Kasulatan, kadalasan nang may kasamang Tetragrammaton ang mga ekspresyong kahawig ng “templo para kay [o “ni”] Jehova.” (2 Hari 18:16; 23:4; 24:13; 2 Cronica 26:16; 27:2; Jeremias 24:1; Ezekiel 8:16; Hagai 2:15; tingnan ang study note sa Lucas 1:9 at ang paliwanag sa Lucas 1:9 sa Apendise C3.) Kapansin-pansin din na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os (Panginoon), na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya dahil sa konteksto, sa pagkakagamit ng katulad na mga ekspresyon sa Hebreong Kasulatan, at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, makatuwiran lang na iugnay ang templo dito sa pangalan ni Jehova.
REPERENSIYA:
Sinasabi ng The New Interpreter’s Bible, 2000, (Tomo 11, p. 402) tungkol sa ekspresyong “templo” sa Efeso 2:21: “Ang pagtawag sa gusaling ito na isang ‘templo’ ay batay sa sinasabi sa tal. 18 tungkol sa malayang paglapit sa Diyos.” Mababasa sa Efeso 2:18: “Sa pamamagitan niya [ni Kristo Jesus], tayo, ang dalawang bayan, ay malayang makalalapit sa Ama sa tulong ng iisang espiritu.”
Ganito ang paliwanag ng New Century Bible Commentary: Ephesians, ni C. Leslie Mitton, 1973, tungkol sa ekspresyong “sa Panginoon” sa talatang ito: “Puwede itong mangahulugan na ang kabanalan nila bilang templo ng Diyos ay dahil sa pag-aari sila ng Diyos at naninirahan sa kanila ang Diyos o na ang lahat ng nangyayari—ang paglago at pagtibay ng pagkakabuklod ng Simbahan—ay gawa ng Diyos.”—Sa amin ang italiko.
Sinasabi ng New International Biblical Commentary: Ephesians, Colossians, Philemon, ni Arthur G. Patzia, 1990, tungkol sa Efeso 2:21: “Sa teolohiyang Kristiyano noon, ang mga mánanampalatayá ay tinatawag na banal na templo ng Diyos, hindi sa literal na paraan, kundi bilang isang ‘espirituwal na gusali,’ kung saan naninirahan at kumikilos ang Diyos.”—Sa amin ang italiko.
Sinasabi ng Biblical Commentary on the New Testament, ni Hermann Olshausen at nirebisa ni A. C. Kendrick, 1858, tungkol sa talatang ito: “Inilalarawan dito ang simbahan bilang isang bahay, kung saan naninirahan ang Diyos.” Pagkatapos, binanggit nitong reperensiya ang 2 Corinto 6:16, kung saan ang kahawig na ekspresyong ginamit ay maliwanag na tumutukoy sa Diyos.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 16-18, 22-24, 28-31, 33, 36, 41, 47, 65, 66, 93-96, 100, 106, 115, 144, 146, 250, 322-324
EFESO 5:17 “ang kalooban ni Jehova”
Kingdom Interlinear: “ang kalooban ng Panginoon”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Kapag ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong Griego para sa “kalooban” (theʹle·ma) ay pinakamadalas na iniuugnay sa kalooban ng Diyos. (Mateo 7:21; 12:50; Marcos 3:35; Roma 12:2; 1 Corinto 1:1; Hebreo 10:36; 1 Pedro 2:15; 4:2; 1 Juan 2:17) Kaya makatuwirang isipin na ang Kyʹri·os (Panginoon) sa ekspresyong ito ay tumutukoy sa Diyos. Sa Septuagint, ang terminong Griego na theʹle·ma ay madalas na ginagamit na panumbas sa mga ekspresyong Hebreo para sa kalooban, o kagustuhan, ng Diyos, at makikita ito sa mga talata kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. (Awit 40:8, 9 [39:9 (8), 10 (9), LXX]; 103:21 [102:21, LXX]; 143:9-11 [142:9-11, LXX]; Isaias 44:24, 28; Jeremias 9:24 [9:23 (24), LXX]; Malakias 1:10) Kaya dahil sa pagkakagamit sa Bibliya ng salitang Griego para sa “kalooban,” sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at sa pagkakagamit ng terminong Kyʹri·os, ginamit sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos. May iba ring salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit ng pangalan ng Diyos dito.
REPERENSIYA:
Ganito ang sinasabi ng isang study note sa Efeso 5:17 sa NIV Faithlife Study Bible, 2017, tungkol sa ekspresyong “kalooban ng Panginoon”: “Kalooban ng Diyos na mapasailalim ang lahat ng nilalang sa awtoridad ni Kristo (Efeso 1:9-10).”
Sa The Anchor Bible—Ephesians, Translation and Commentary on Chapters 4-6, ni Markus Barth, 1974, (Tomo 34A), mababasa sa isang talababa sa pahina 584: “Ang pariralang ‘kalooban ng Panginoon’ (Efeso 5:17) ay lumilitaw na katumbas ng ‘kalooban ng Diyos’ (Efeso 6:6; Roma 12:2).”
Sinasabi ng Biblical Commentary on the New Testament, ni Hermann Olshausen at nirebisa ni A. C. Kendrick, 1858, na ang talatang ito ay tumutukoy sa “kalooban ng Diyos.”
Sinasabi ng Concordia Commentary, a Theological Exposition of Sacred Scripture: Ephesians, ni Thomas M. Winger, 2015, tungkol sa talatang ito: “Kapag lumilitaw [ang terminong Griego na theʹle·ma, na nangangahulugang ‘kalooban’] sa iba pang bahagi ng Efeso, karaniwan nang tumutukoy ito sa kalooban ng Diyos, ang Ama . . . Pagkatapos isaalang-alang ang lahat ng bagay, masasabing kalooban ng Diyos (ang Ama) ang posibleng tinutukoy dito ni Pablo.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 32, 65, 66, 94, 100, 101, 106, 115, 125, 139, 145-147, 309
EFESO 5:19 “umawit . . . kay Jehova”
Kingdom Interlinear: “umawit . . . sa Panginoon”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang Panginoon dito ay tumutukoy sa Diyos. Ang konklusyong ito ay sinusuportahan ng kahawig na ekspresyong ginamit ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Colosas, na isinulat niya nang mga panahon ding isinulat niya ang liham niya sa mga taga-Efeso. (Tingnan ang “Introduksiyon sa Efeso.”) Sa pinakalumang mga manuskritong Griego sa ngayon, ang mababasa sa Colosas 3:16 ay “umawit sa Diyos sa inyong puso.” (Tingnan ang paliwanag sa Colosas 3:16.) May iba pang basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa Efeso 5:19, gaya ng sumusunod: Maraming ulat sa Hebreong Kasulatan tungkol sa pag-awit at pagtugtog na may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. (Exodo 15:1; Hukom 5:3 at talababa; 2 Samuel 22:50 at talababa; 1 Cronica 16:23; Awit 13:6 [12:6, LXX]; 96:1 [95:1, LXX]; 104:33 [103:33, LXX] 149:1; Jeremias 20:13) Noong unang siglo, patuloy na ginamit ng mga Kristiyano ang mga awit sa Kasulatan sa pagpuri kay Jehova. Ang salitang Griego na isinaling “salmo” (psal·mosʹ) dito sa Efeso 5:19 ay ginamit din sa Lucas 20:42; 24:44 at Gawa 1:20; 13:33 para tumukoy sa mga salmo sa Hebreong Kasulatan. Gayundin, madalas gamitin ng Septuagint ang mga terminong Griego na isinalin ditong “umawit ng papuri” para ipanumbas sa mga ekspresyong Hebreo kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. (Tingnan ang mga tekstong binanggit sa itaas at ang study note sa Efeso 5:19.) Kaya ang kahawig na ekspresyon sa Colosas 3:16 at ang pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng mga ekspresyong ginamit ni Pablo sa Efeso 5:19 may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ng awit at musika ay sumusuporta sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto.
REPERENSIYA:
Ganito ang komento ng The Anchor Bible—Ephesians, Translation and Commentary on Chapters 4-6, ni Markus Barth, 1974, (Tomo 34A) sa pahina 584: “Ang pariralang ‘umawit sa Panginoon’ ay posibleng galing sa Lumang Tipan o ginagamit sa pagsamba noon sa templo, at posibleng tumutukoy ito sa Diyos sa halip na sa Mesiyas.”
Sinasabi ng Biblical Commentary on the New Testament, ni Hermann Olshausen at nirebisa ni A. C. Kendrick, 1858, sa pahina 131 tungkol sa talatang ito: “Ang pag-awit ng papuri sa Diyos sa publiko ay isang anyo ng pagpapasalamat sa Diyos sa ngalan ni Kristo.”
Ganito ang komento ng An Exposition of the Epistle to the Ephesians, in a Series of Discourses, ni Joseph Lathrop, 1864, sa pahina 528 tungkol sa ekspresyong ito: “Kung ang pag-awit ay bahagi ng pagsamba, ito, pati na ang mga panalangin natin, ay dapat na ipatungkol sa Diyos.”
Sinasabi ng Notes, Explanatory and Practical, on the Epistles of Paul to the Ephesians, Philippians, and Colossians, ni Albert Barnes, 1850, sa pahina 119: “Kapag umaawit tayo, dapat nating isipin na direkta nating kinakausap ang Diyos, kaya dapat na bigkasin natin ang pananalita dito nang taimtim at may matinding paggalang na karapat-dapat sa dakilang si Jehova.”
May kinalaman sa Efeso 5:19, sinipi ng Ancient Christian Commentary on Scripture ang iskolar ng Bibliya na si Jerome (mula noong ikaapat at ikalimang siglo C.E.) na nagsabi: “Ipinahahayag natin sa ating mga himno ang kapangyarihan at karingalan ng Diyos, pati na ang pasasalamat natin sa mga pagpapala at ginagawa niya. Makikita rin ang pasasalamat na ito sa ating mga salmo, dahil sinisimulan o tinatapos natin ito sa salitang Alleluia. . . . Umaawit tayo at naghahandog ng mga salmo at papuri sa Diyos.”—Ancient Christian Commentary on Scripture, New Testament, Vol. VIII, Galatians, Ephesians, Philippians, na inedit ni Mark J. Edwards, 1999, pahina 192.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 16, 23, 28-32, 65, 93, 100, 101, 115, 138, 139, 145-147, 163, 309, 310, 323, 324
EFESO 6:4 “ayon sa disiplina . . . ni Jehova”
Kingdom Interlinear: “ayon sa disiplina . . . ng Panginoon”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sa mga manuskritong Griego sa ngayon, “Panginoon” (sa Griego, Kyʹri·os) ang mababasa dito. Pero gaya ng ipinaliwanag sa Apendise C1, may makatuwirang mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Kyʹri·os ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Sinasabi sa Hebreong Kasulatan na ang Diyos na Jehova mismo ang nagdidisiplina sa mga lingkod niya. (Deuteronomio 11:2) Halimbawa, sinipi ni Pablo sa Hebreo 12:5 ang Kawikaan 3:11, kung saan mababasa: “Anak ko, huwag mong itakwil ang disiplina ni Jehova.” Sa tekstong ito na sinipi ni Pablo, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Kaya ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalang “Jehova” sa mismong teksto ng Hebreo 12:5. Ang pangngalang Griego para sa “disiplina,” na ginamit sa Hebreo 12:5 at dito sa Efeso 6:4, ang ginamit din ng Septuagint sa Kawikaan 3:11. Kaya lumilitaw na ang ekspresyong ginamit dito ni Pablo, “disiplina . . . ni Jehova,” ay galing sa kawikaang iyon sa Hebreong Kasulatan. Posible ring galing ito sa Isaias 50:5 batay sa Septuagint, kung saan ang pariralang Hebreo na “binuksan ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ang aking tainga” ay isinaling “binuksan ng disiplina ng Panginoon ang aking mga tainga.” Kapansin-pansin din na sa Efeso 6:4, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan at ang kawalan ng tiyak na pantukoy ay nagpapakita na ang Kyʹri·os ay ipinalit sa pangalan ng Diyos.
REPERENSIYA:
Sa A Non-Ecclesiastical New Testament, ni Frank Daniels, 2016, ganito ang salin sa Efeso 6:4: “At kayo, mga ama, huwag ninyong yamutin ang mga anak ninyo. Sa halip, palakihin sila sa pagsasanay at patnubay ni Yahweh.” Sa panimulang komento ng tagapagsalin, mababasa sa ilalim ng uluhang “Ang Pangalan ng Diyos”: “Sa tuwing lilitaw ang Tetragrammaton sa siniping teksto mula sa Bibliyang Hebreo (isinaling Κυριος [Panginoon] sa LXX), ginagamit ng saling ito ang pantanging pangalan na Yahweh. May iba pang bahagi sa Bagong Tipan kung saan ang Κυριος na walang pantukoy ay tumutukoy sa pangalan ng Diyos. Ginagamit din sa mga tekstong ito ang anyong Yahweh.”
Sa ΙΗΣΟΥΣ ΚΥΡΙΟΣ [I·e·sousʹ Kyʹri·os] Their Usage and Sense in Holy Scripture, ni Herman Heinfetter, 1857, nakalista ang Efeso 6:4 sa mga teksto kung saan “ang Kawalan ng Pantukoy bago ang Κυριος [Kyʹri·os] . . . ay nagpapakitang ang Titulo ay tumutukoy sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.”
Tungkol sa pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng pananalitang mababasa sa Efeso 6:4, sinabi ng Concordia Commentary, a Theological Exposition of Sacred Scripture: Ephesians, ni Thomas M. Winger, 2015: “Madalas na mababasa sa Lumang Tipan na ang ama ang may pananagutan sa pagsunod o pagsuway ng isa sa mga utos ng Diyos at sa pananatili niya sa tunay na pagsamba kay YHWH.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 22, 24, 32, 33, 65, 90, 94, 96, 100, 101, 106, 115, 309, 310, 322
EFESO 6:7 “parang kay Jehova kayo naglilingkod at hindi sa mga tao”
Kingdom Interlinear: “parang sa Panginoon at hindi sa mga tao”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sa natitirang mga manuskritong Griego, “sa Panginoon” (toi Ky·riʹoi) ang mababasa sa talatang ito. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, madalas gamitin ang Kyʹri·os (Panginoon) para tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Puwede rin itong tumukoy sa mga taong may awtoridad sa iba. Sa kabanatang ito, maraming beses na lumitaw ang terminong Griego na kyʹri·os (panginoon). Sa Efeso 6:5, 9, ang anyong pangmaramihan nito ay isinaling “mga panginoon”; sa Efeso 6:9, lumitaw ang kyʹri·os sa ekspresyong “sila at kayo ay may iisang Panginoon.” Dito sa Efeso 6:7, maliwanag na ang kyʹri·os ay hindi tumutukoy sa isang taong panginoon. Para malaman kung sino ang Panginoon na tinutukoy dito, makakatulong ang katulad na payo ni Pablo sa mga alipin na mababasa sa liham niya sa mga taga-Colosas. (Tingnan ang “Introduksiyon sa Efeso.”) Sa natitirang mga manuskritong Griego ng Colosas 3:22, ginamit ni Pablo ang pariralang “natatakot sa Panginoon.” Sa lahat ng iba pang paglitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ng pandiwang Griego para sa “matakot” na tumutukoy sa matinding paggalang, palagi itong patungkol sa Diyos. Kaya makatuwiran lang na isipin na ang “Panginoon” na binanggit sa Colosas 3:22 ay tumutukoy sa Diyos. Kahawig din ito ng pananalitang ipinanunumbas ng Septuagint sa salitang Hebreo para sa “matakot” na may kasamang Tetragrammaton. Ang ilang halimbawa ay mababasa sa Deuteronomio 6:13; 10:12, 20; 13:4 (13:5 [4], LXX). Kaya dahil sa pagkakagamit ng terminong Griego para sa “matakot” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, ginamit ang saling “may takot kay Jehova” sa mismong teksto ng Colosas 3:22. Sinusuportahan nito ang konklusyon na ang “Panginoon” sa kaparehong konteksto nito sa Efeso 6:7 ay tumutukoy kay Jehova. Isa pang patunay na ang Diyos na Jehova ang Panginoong tinutukoy dito ay ang pariralang “buong kaluluwang ginagawa ang kalooban ng Diyos” sa Efeso 6:6. Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang paggawa ng isang bagay nang buong kaluluwa ay palaging may kaugnayan sa Diyos na Jehova.—Deuteronomio 6:5; Mateo 22:37.
REPERENSIYA:
Sinasabi ng Biblical Commentary on the New Testament, ni Hermann Olshausen at nirebisa ni A. C. Kendrick, 1858, sa pahina 144 tungkol sa talatang ito: “Kung tinatanggap ng isang alipin ang kalooban ng Diyos, . . . [ang aliping ito] na naglilingkod sa kaniyang panginoon na parang sa Diyos siya naglilingkod ay hindi matutuksong unahin ang kalooban ng panginoon niya sa halip na ang sa Diyos.”
Sinasabi ng Notes, Explanatory and Practical, on the Epistles of Paul to the Ephesians, Philippians, and Colossians, ni Albert Barnes, 1850, sa pahina 137: “Dapat na gawin niya ang atas niya nang may katapatan, na iniisip na naglilingkod siya sa Diyos at napapasaya niya ang Diyos. . . . Magiging masaya ang isang masipag na alipin kung magpapasakop siya sa Diyos.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 32, 65, 100, 101, 106, 115, 125, 145-147, 310
EFESO 6:8 “gagantimpalaan siya ni Jehova dahil doon”
Kingdom Interlinear: “may makukuha siya para sa sarili sa tabi ng Panginoon”
DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang mga dahilan sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito ay halos kagaya ng mga dahilan kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa Efeso 6:7. (Tingnan ang paliwanag sa Efeso 6:7.) Kapansin-pansin din na walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Isa pa, ang ekspresyong Griego na pa·raʹ Ky·riʹou, na isinalin ditong “ni Jehova,” ay lumitaw din sa ibang mga bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, at sa lahat ng paglitaw na iyon, may makatuwirang mga dahilan para gamitin sa mismong teksto ang pangalang “Jehova.” (Mateo 21:42; Marcos 12:11; Lucas 1:45; 2 Timoteo 1:18) Lumitaw rin ang ekspresyong ito sa natitirang mga kopya ng Septuagint bilang salin ng mga ekspresyong Hebreo kung saan karaniwan nang ginagamit ang pangalan ng Diyos. Sa ilan sa mga tekstong iyon, inilalarawan si Jehova bilang Diyos na nagbibigay ng pagpapala sa mga tapat na naglilingkod sa kaniya at ng gantimpala para sa mabubuti nilang ginagawa, gaya sa Efeso 6:8. (Ruth 2:12; 1 Samuel 1:20; Awit 24:5 [23:5, LXX]; 37:39 [36:39, LXX]; 121:2 [120:2, LXX]) Kaya dahil sa konteksto, sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.
REPERENSIYA:
Ganito ang sabi ng isang study note sa Efeso 6:8 sa NIV Faithlife Study Bible, 2017, tungkol sa ekspresyong “gagantimpalaan ng Panginoon”: “Nakikita ng Diyos ang kabaitan at pagkabukas-palad na ipinapakita ng mga tao sa isa’t isa.”
Sinasabi ng Concordia Commentary, a Theological Exposition of Sacred Scripture: Ephesians, ni Thomas M. Winger, 2015, tungkol sa Efeso 6:8: “Dapat nilang ipaubaya ang sarili nila sa Diyos nang may pananampalataya.”
Sinasabi ng Notes, Explanatory and Practical, on the Epistles of Paul to the Ephesians, Philippians, and Colossians, ni Albert Barnes, 1850, sa pahina 138: “Kung sa tingin nila ay ginawan sila ng mali ng mga tao, puwede nilang tandaan na may gagawing mabuti sa kanila ang Diyos.”
Sinasabi ng The New Testament of Our Lord and Saviour Jesus Christ, in the Original Greek: With Introductions and Notes, ni Christopher Wordsworth, 1867, (Tomo 2) tungkol sa talatang ito sa wikang Griego: “Kung ano ang gawin ng bawat tao, iyon din ang tatanggapin niya mula sa Diyos. . . . Miyentras mas marami silang ginagawa at pinagdurusahan para sa Diyos, mas marami silang tatanggapin mula sa Diyos.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J22, 24, 32, 33, 65, 90, 94, 100, 101, 106, 115, 125, 145-147, 309, 322