Zacarias 5:1-11

5  Pagkatapos, may nakita naman akong isang lumilipad na balumbon. 2  Tinanong niya ako: “Ano ang nakikita mo?” Sumagot ako: “May nakikita akong isang lumilipad na balumbon, na 20 siko* ang haba at 10 siko ang lapad.” 3  Pagkatapos ay sinabi niya sa akin: “Ito ang sumpa na lumilibot sa ibabaw ng buong lupa, dahil ang lahat ng nagnanakaw,+ gaya ng nakasulat sa isang panig nito, ay hindi napaparusahan; at ang lahat ng nananata,+ gaya ng nakasulat sa kabilang panig nito, ay hindi napaparusahan. 4  ‘Isinugo ko iyon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at papasok iyon sa bahay ng magnanakaw at sa bahay ng nananata sa pangalan ko nang may kasinungalingan; at mananatili iyon sa bahay at lalamunin ito at ang mga kahoy at bato nito.’” 5  At ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay lumapit at nagsabi: “Pakisuyo, tingnan mo kung ano itong lumilitaw.” 6  Kaya nagtanong ako: “Ano iyon?” Sumagot siya: “Ang lumilitaw ay ang lalagyang epa.”* Sinabi pa niya: “Ganiyan ang kanilang anyo sa buong lupa.” 7  At nakita kong iniangat ang bilog na takip na gawa sa tingga, at may isang babaeng nakaupo sa loob ng lalagyan. 8  Kaya sinabi niya: “Ito si Kasamaan.” Pagkatapos, inihagis niya ito pabalik sa lalagyang epa, at ibinalik ang takip nitong tingga. 9  Pagkatapos, may nakita akong papalapit na dalawang babae, at sila ay lumilipad. May mga pakpak silang gaya ng pakpak ng siguana.* At iniangat nila ang lalagyan sa pagitan ng lupa at ng langit. 10  Kaya tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Saan nila dadalhin ang lalagyang epa?” 11  Sumagot siya: “Sa lupain ng Sinar*+ para ipagtayo siya roon ng bahay; at kapag naihanda na iyon, ilalagay siya roon, sa lugar na nararapat sa kaniya.”

Talababa

Ang isang siko ay 44.5 cm (17.5 in). Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “ang epa.” Sa tekstong ito, tumutukoy ito sa isang lalagyan o basket na ginagamit para sukatin ang isang epa. Ang isang epa ay 22 L. Tingnan ang Ap. B14.
Sa Ingles, stork.
Babilonia.

Study Notes

Media