Ruth 2:1-23
2 Ang asawa ni Noemi na si Elimelec ay may kamag-anak, isang napakayamang lalaki na nagngangalang Boaz.+
2 Sinabi ng Moabitang si Ruth kay Noemi: “Puwede po ba akong pumunta sa bukid at mamulot* ng uhay+ kasunod ng sinumang magmamagandang-loob sa akin?” Sumagot si Noemi: “Sige, anak ko.”
3 Kaya umalis si Ruth para mamulot ng uhay kasunod ng mga mang-aani. Napapunta siya sa bukid na pag-aari ni Boaz,+ na kamag-anak ni Elimelec.+
4 Nang pagkakataong iyon, dumating si Boaz galing sa Betlehem, at sinabi niya sa mga mang-aani: “Sumainyo nawa si Jehova.” Sumagot naman sila: “Pagpalain ka nawa ni Jehova.”
5 Tinanong ni Boaz ang lalaki na inatasang mamahala sa mga mang-aani: “Sino ang babaeng iyon?”
6 Sumagot ang lalaki: “Ang babae ay isang Moabita+ na sumama kay Noemi nang bumalik ito mula sa lupain ng Moab.+
7 Nakiusap siya, ‘Puwede po ba akong mamulot* ng uhay*+ na naiiwan ng mga mang-aani?’ At mula nang dumating siya kaninang umaga, ngayon lang siya umupo sa silungan para magpahinga sandali.”
8 Pagkatapos, sinabi ni Boaz kay Ruth: “Anak ko, huwag ka nang pumunta sa ibang bukid. Dito ka na lang mamulot ng uhay, at huwag kang lalayo sa mga lingkod kong babae.+
9 Tingnan mo kung saan sila nag-aani, at sumama ka sa kanila. Sinabihan ko ang mga lalaki na huwag kang guluhin. Kapag nauhaw ka, pumunta ka sa mga banga at uminom ka ng tubig na sinalok ng mga lalaki.”
10 Kaya sumubsob si Ruth sa lupa at nagsabi: “Bakit napakabait ninyo sa akin, at bakit nagmamalasakit kayo kahit na dayuhan ako?”+
11 Sumagot si Boaz: “Ikinuwento sa akin ang lahat ng ginawa mo para sa iyong biyenan pagkamatay ng asawa mo. Nalaman ko ring iniwan mo ang iyong ama’t ina at ang lupain ng iyong mga kamag-anak para mamuhay kasama ng isang bayan na hindi mo kilala.+
12 Pagpalain ka nawa ni Jehova dahil sa ginawa mo,+ at bigyan ka nawa ni Jehova na Diyos ng Israel ng malaking gantimpala* dahil nanganlong ka sa mga pakpak niya.”+
13 Sinabi naman niya: “Patuloy nawa kayong magpakita ng kabaitan sa akin, panginoon ko. Pinalakas ninyo ako at nagsalita kayo nang nakapagpapatibay sa* inyong lingkod kahit hindi naman ako isa sa inyong mga mang-aani.”
14 Nang oras na para kumain, sinabi ni Boaz sa kaniya: “Halika, kumain ka. Isawsaw mo ang tinapay sa sukà.” Kaya umupo siya sa tabi ng mga mang-aani. Pagkatapos, binigyan siya ni Boaz ng binusang butil. Kumain siya at nabusog, at may natira pa siya.
15 Nang tumayo siya para mamulot ng uhay,+ sinabi ni Boaz sa mga lingkod niya: “Hayaan ninyo siyang mamulot ng uhay,* at huwag ninyo siyang guluhin.+
16 Bumunot din kayo ng ilang uhay mula sa tungkos, at iwanan ninyo ang mga iyon para mapulot niya, at huwag ninyo siyang pagbawalan.”
17 Kaya patuloy siyang namulot ng uhay sa bukid hanggang sa gumabi.+ Hinampas niya ang napulot niyang mga uhay ng sebada at nakaipon siya ng mga isang epa.*
18 Dinala niya iyon at bumalik siya sa lunsod, at nakita ng kaniyang biyenan ang dala niya. Ang pagkaing natira ni Ruth matapos siyang kumain+ at mabusog ay ibinigay rin niya sa biyenan niya.
19 Sinabi sa kaniya ng biyenan niya: “Saan ka namulot ng uhay? Saang bukid? Pagpalain sana ang nagpakita ng kabaitan sa iyo.”+ Kaya sinabi niya sa kaniyang biyenan kung kaninong bukid siya namulot: “Boaz po ang pangalan ng lalaking may-ari ng bukid.”
20 Sinabi ni Noemi sa manugang niya: “Pagpalain nawa siya ni Jehova, na laging nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga buháy at sa mga patay.”+ Idinagdag pa ni Noemi: “Kamag-anak natin ang lalaking iyon.+ Siya ay isa sa ating mga manunubos.”*+
21 Sinabi naman ni Ruth na Moabita: “Sinabi rin po niya sa akin, ‘Huwag kang lalayo sa aking mga mang-aani hanggang sa matapos ang anihan.’”+
22 Sinabi ni Noemi sa manugang niyang si Ruth: “Mas mabuti nga, anak ko, na sumama ka sa mga lingkod niyang babae dahil baka may gumawa sa iyo ng masama sa ibang bukid.”
23 Kaya hindi siya lumayo sa mga babaeng lingkod ni Boaz at namulot siya ng uhay hanggang sa matapos ang pag-aani ng sebada+ at ng trigo. At patuloy siyang nanirahang kasama ng kaniyang biyenan.+
Talababa
^ O posibleng “manguha ng uhay mula sa mga tungkos.”
^ O “ng hustong kabayaran.”
^ Lit., “at kinausap ang puso ng.”
^ O posibleng “manguha ng uhay mula sa mga tungkos.”
^ O “isa sa mga kamag-anak natin na may karapatang tumubos.”