Ruth 1:1-22

1  Noong panahong ang mga hukom+ ang naglalapat ng katarungan,* nagkaroon ng taggutom sa lupain; at isang lalaki ang umalis sa Betlehem+ sa Juda para mandayuhan sa lupain ng Moab+ kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak na lalaki. 2  Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec.* Ang asawa niya ay si Noemi,* at ang dalawa niyang anak ay sina Mahalon* at Kilion.* Mga Eprateo sila mula sa Betlehem sa Juda. Nakarating sila sa Moab at nanirahan doon. 3  Pagkalipas ng ilang panahon, namatay si Elimelec na asawa ni Noemi, kaya naiwan si Noemi kasama ang dalawa niyang anak. 4  Nang maglaon, ang mga lalaki ay nag-asawa ng mga Moabita; ang isa ay si Orpa at ang isa ay si Ruth.+ Nanatili sila roon nang mga 10 taon. 5  Pagkatapos, namatay rin sina Mahalon at Kilion, kaya si Noemi ay wala nang asawa at mga anak. 6  Kaya siya, kasama ang mga manugang niya, ay nagsimulang maglakbay paalis ng Moab, dahil nabalitaan niya noong nasa Moab siya na muling pinagpala ni Jehova ang bayan Niya at binigyan sila ng pagkain.* 7  Umalis siya sa lugar na tinitirhan niya kasama ang dalawa niyang manugang. Habang naglalakad sila sa daan pabalik sa lupain ng Juda, 8  sinabi ni Noemi sa mga manugang niya: “Bumalik na kayo sa bahay ng inyong mga ina. Magpakita nawa sa inyo si Jehova ng tapat na pag-ibig,+ gaya ng ipinakita ninyo sa mga namatay ninyong asawa at sa akin. 9  Bigyan nawa kayo ni Jehova ng kapanatagan* sa tahanan ng magiging asawa ninyo.”+ Pagkatapos ay hinalikan niya sila, at umiyak sila nang malakas. 10  Paulit-ulit nilang sinabi: “Hindi, sasama po kami pabalik sa inyong bayan.” 11  Pero sinabi ni Noemi: “Umuwi na kayo, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? Magkakaroon pa ba ako ng mga anak na puwede ninyong mapangasawa?+ 12  Umuwi na kayo, mga anak ko, dahil napakatanda ko na para mag-asawa. At kahit na makahanap ako ng mapapangasawa ngayong gabi at magsilang ng mga anak, 13  maghihintay ba kayo hanggang sa lumaki sila? Mananatili ba kayong walang asawa para sa kanila? Huwag, mga anak ko. Ang kamay ni Jehova ay naging laban sa akin, at napakasakit* sa akin kapag naiisip kong naaapektuhan kayo.”+ 14  Muli silang umiyak nang malakas, at pagkatapos ay hinalikan ni Orpa ang biyenan niya at umalis. Pero hindi iniwan ni Ruth si Noemi. 15  Kaya sinabi ni Noemi: “Tingnan mo, ang iyong biyudang bilas ay bumalik na sa kaniyang bayan at mga diyos. Bumalik ka na ring kasama niya.” 16  Pero sinabi ni Ruth: “Huwag ninyong hilingin sa akin na iwan kayo at hayaan kayong mag-isa; dahil kung saan kayo pupunta, doon ako pupunta; at kung saan kayo magpapalipas ng gabi, doon ako magpapalipas ng gabi. Ang inyong bayan ay magiging aking bayan, at ang inyong Diyos ay aking Diyos.+ 17  Kung saan kayo mamamatay, doon ako mamamatay at ililibing. Bigyan nawa ako ni Jehova ng mabigat na parusa kung hahayaan kong paghiwalayin tayo ng anumang bagay maliban sa kamatayan.” 18  Nang makita ni Noemi na gusto talagang sumama ni Ruth, hindi na niya ito pinilit umuwi. 19  At nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa makarating sa Betlehem.+ Pagdating nila roon, nagulat ang buong lunsod. Sinasabi ng mga babae: “Si Noemi ba iyan?” 20  Sinasabi naman niya sa mga babae: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi.* Tawagin ninyo akong Mara,* dahil hinayaan ng Makapangyarihan-sa-Lahat na maging mapait ang buhay ko.+ 21  Ako ay umalis na punô, pero pinabalik ako ni Jehova na walang anumang dala. Bakit ninyo ako tatawaging Noemi, gayong si Jehova ang naging laban sa akin at ang Makapangyarihan-sa-Lahat ang nagdulot ng kapahamakan ko?”+ 22  Iyan ang nangyari nang umalis si Noemi sa lupain ng Moab+ kasama ang manugang niyang Moabita na si Ruth. Dumating sila sa Betlehem noong pasimula ng pag-aani ng sebada.+

Talababa

Lit., “ang humahatol.”
Ibig sabihin, “Ang Aking Diyos ay Hari.”
Ibig sabihin, “Ang Aking Kasiyahan.”
Posibleng mula sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “manghina; magkasakit.”
Ibig sabihin, “Isa na Nabibigo; Isa na Sumasapit sa Kawakasan.”
Lit., “tinapay.”
Lit., “pahingahang-dako.”
Lit., “mapait.”
Ibig sabihin, “Ang Aking Kasiyahan.”
Ibig sabihin, “Mapait.”

Study Notes

Media