Ayon kay Lucas 18:1-43
Study Notes
ilustrasyon: O “talinghaga.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
kailangan nilang manalangin lagi: Si Lucas lang ang nag-ulat sa ilustrasyong mababasa sa talata 2-8. Isa ito sa mga patunay na idiniriin sa Ebanghelyo ni Lucas ang kahalagahan ng panalangin.—Luc 1:10, 13; 2:37; 3:21; 6:12; 9:28, 29; 11:1; 18:1-8; 22:39-46; 23:46.
isang hukom: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Jesus ay isang hukom o mahistrado na inatasan ng mga Romano. Sa Judiong sistema kasi, hindi bababa sa tatlong hukom ang humahawak sa isang kaso. Isa pa, walang takot sa Diyos ang hukom na ito at walang galang sa iba, ibig sabihin, wala siyang pakialam sa iniisip ng ibang tao.
wala . . . akong galang sa mga tao: Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong hindi siya nagpapaimpluwensiya sa opinyon ng nakararami o masyadong nag-aalala sa iniisip ng iba.—Tingnan ang study note sa Luc 18:2.
kulitin ako hanggang sa hindi ko na iyon matagalan: O “pahirapan ako nang lubusan.” Lit., “suntukin ako sa ilalim [ng mata] hanggang dulo.” Ang pandiwang Griego na hy·po·pi·aʹzo na ginamit dito ay nangangahulugang “suntukin sa mukha; bigyan ng black eye.” Pero dito, makasagisag ang pagkakagamit sa ekspresyong ito at nangangahulugang kulitin ang isang tao hanggang sa mainis siya nang lubusan at mapagod. Para sa ilang iskolar, nangangahulugan din ito ng pagsira sa reputasyon ng iba. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa nararamdaman ng hukom, na sa umpisa ay ayaw makinig sa paghingi ng katarungan ng biyuda pero napilitang umaksiyon dahil sa kakulitan nito. (Luc 18:1-4) Hindi sinasabi ng ilustrasyon na ang Diyos ay katulad ng di-matuwid na hukom. Ipinapakita lang nito na kung ang isang di-matuwid na hukom ay gagawa ng tama, lalo pa ang Diyos! Gaya ng biyuda, hindi rin dapat mapagod ang mga lingkod ng Diyos sa paghingi ng tulong kay Jehova. Sasagutin ng Diyos na matuwid ang mga panalangin nila at bibigyan sila ng katarungan.—Luc 18:6, 7.
ang ganitong pananampalataya: Lit., “ang pananampalataya.” Sa Griego, ang paggamit ng tiyak na pantukoy bago ang salitang “pananampalataya” ay nagpapakita na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang pananampalataya sa pangkalahatan kundi isang partikular na uri ng pananampalataya, gaya ng sa biyuda sa ilustrasyon ni Jesus. (Luc 18:1-8) Kasama diyan ang pananampalataya sa kapangyarihan ng panalangin at pananampalataya na bibigyan ng katarungan ng Diyos ang mga pinili niya. Lumilitaw na hindi sinagot ni Jesus ang tanong tungkol sa pananampalataya para pag-isipan ng mga alagad niya ang kalidad ng sarili nilang pananampalataya. Angkop na angkop ang ilustrasyon tungkol sa panalangin at pananampalataya dahil kababanggit lang ni Jesus sa mga pagsubok na haharapin ng mga alagad niya.—Luc 17:22-37.
templo: Hindi pumapasok sa Banal o Kabanal-banalan ang mga nananalangin sa templo, pero puwede silang pumasok sa mga looban. Maliwanag na sa ilustrasyong ito, ang dalawang lalaking Judio ay nakatayo sa isa sa mga looban ng templo.—Tingnan ang Ap. B11.
mangingikil: Noong sakop ng Roma ang Israel, kadalasan nang nangingikil ang mga Judiong maniningil ng buwis. Dahil sa trabaho nila, marami silang pagkakataon na dayain ang mga tao para payamanin ang sarili nila (at siguradong pati ang mga amo nilang Romano). Malamang na ito ang nasa isip ni Jesus sa ilustrasyon niya tungkol sa mapagmatuwid na Pariseo na pinupuri ang sarili niya sa harap ng Diyos dahil hindi siya nangingikil.
Dalawang beses . . . nag-aayuno linggo-linggo: Hindi nabanggit sa Kautusang Mosaiko ang terminong “ayuno,” pero naniniwala ang marami na may kasamang pag-aayuno ang utos na ‘pasakitan ang sarili’ isang beses kada taon tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:29, tlb.; Bil 29:7, tlb.; Aw 35:13) Nang maglaon, nadagdagan ang pag-aayuno ng bayan taon-taon para alalahanin ang mga trahedyang dinanas nila. Pero ang mga Pariseo ay nag-aayuno “dalawang beses . . . linggo-linggo,” sa ikalawa at ikalimang araw. Gusto nilang makita ng mga tao ang pagiging deboto nila. (Mat 6:16) Ayon sa ilang reperensiya, nag-aayuno sila sa mga araw na maraming tao sa bayan para mamilí. Nag-aayuno rin sila kapag may espesyal na pagtitipon sa sinagoga at kapag may dinirinig na kaso.
maawa: O “magmagandang-loob.” Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “maawa” ay dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at nauugnay sa pampalubag-loob, o pagbabayad-sala. Sa Heb 2:17 (tingnan din ang tlb.), isinalin itong “makapag-alay . . . ng pampalubag-loob na handog,” o “makapagbayad-sala.”
maliliit na anak: O “mga sanggol.” Ang salitang Griego na breʹphos na ginamit dito ay tumutukoy sa napakaliit na mga bata, sanggol, o kahit nga sa mga nasa sinapupunan pa. (Luc 1:41; 2:12; Gaw 7:19; 2Ti 3:15; 1Pe 2:2) Ibang salitang Griego (pai·diʹon) ang ginamit sa kaparehong ulat sa Mat 19:13 at Mar 10:13. Ang terminong ito ay ginamit para sa mga bagong-silang na sanggol at maliliit na bata (Mat 2:8; Luc 1:59) at pati sa 12-taóng-gulang na anak ni Jairo (Mar 5:39-42). Ang paggamit ng mga manunulat ng Ebanghelyo ng magkaibang salitang Griego ay nagpapakita na iba-iba ang edad ng mga bata sa eksenang ito, pero lumilitaw na nagpokus si Lucas sa maliliit na bata na naroon.
gaya ng isang bata: Tingnan ang study note sa Mar 10:15.
Mabuting Guro: Tingnan ang study note sa Mar 10:17.
sinabi ni Jesus: Nakita ni Jesus kung gaano kataimtim ang tagapamahala, at ayon sa Mar 10:21, “nakadama [si Jesus] ng pagmamahal sa kaniya.” Pero posibleng nakita ni Jesus na kailangan ng lalaki na gumawa ng mas malaki pang sakripisyo para maging alagad, kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: Ipagbili mo ang lahat ng pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan. Di-gaya ni Pedro at ng iba pa na iniwan ang lahat para sumunod kay Jesus, hindi maiwan ng lalaking ito ang mga pag-aari niya para maging alagad.—Mat 4:20, 22; Luc 18:23, 28.
mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom: Gumamit si Jesus ng eksaherasyon para ilarawan ang isang punto. Kung paanong hindi makakapasok ang literal na kamelyo sa butas ng karayom, imposible ring makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos kung patuloy niyang uunahin ang kayamanan niya kaysa sa kaugnayan niya kay Jehova. Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na walang mayaman na magmamana ng Kaharian, dahil sinabi rin niya: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Luc 18:27) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang ginamit ang salitang Griego na be·loʹne, na isinaling “karayom.” Ginagamit ito kung minsan para tumukoy sa karayom na pang-opera. Pero sa kaparehong ulat sa Mat 19:24 at Mar 10:25, ang ginamit na salitang Griego ay rha·phisʹ, na isinasalin ding “karayom” at nagmula sa pandiwa na nangangahulugang “tahiin.”
sa darating na sistema: O “sa darating na panahon.” Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Tinutukoy dito ni Jesus ang darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, kung saan magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tapat.—Mar 10:29, 30; tingnan sa Glosari, “Sistema.”
Pupunta . . . sa Jerusalem: Tingnan ang study note sa Mat 20:17.
duduraan: Tingnan ang study note sa Mar 10:34.
Jerico: Ang unang lunsod sa Canaan sa kanluran ng Ilog Jordan na nasakop ng mga Israelita. (Bil 22:1; Jos 6:1, 24, 25) Nang maglaon, naging tiwangwang ito, pero pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, nagtayo ulit sila ng lunsod sa lugar na iyon dahil may mapagkukunan doon ng tubig (ang ‘Ein es-Sultan). Noong panahon ni Jesus, nagkaroon ng isang bagong Romanong lunsod mga 2 km (mahigit isang milya) sa timog ng Judiong lunsod. Posibleng iyan ang dahilan kaya sa ulat nina Mateo at Marcos, ang binanggit ay “papalabas . . . sa Jerico” si Jesus (Mat 20:29; Mar 10:46), pero sinabi naman sa ulat ni Lucas na papalapit si Jesus sa Jerico. Posibleng pinagaling ni Jesus ang lalaking bulag noong palabas siya sa Judiong lunsod at papasók sa Romanong lunsod.—Tingnan ang Ap. B4 at B10.
isang lalaking bulag: Dalawang lalaking bulag ang binanggit ni Mateo (20:30), pero isa lang ang binanggit nina Marcos (10:46) at Lucas. Posibleng nagpokus sila sa lalaking bulag na si Bartimeo, na pinangalanan lang sa ulat ni Marcos.
Anak ni David: Nang tawagin ng lalaking bulag si Jesus na “Anak ni David,” ipinapakita nitong kinikilala niya si Jesus bilang Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6.