Jeremias 41:1-18
41 Nang ikapitong buwan, si Ismael+ na anak ni Netanias na anak ni Elisama, na mula sa angkan ng hari* at isa sa mga pangunahing lingkod ng hari, ay pumunta kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa+ kasama ang 10 lalaki. Habang kumakain silang magkakasama sa Mizpa,
2 pinatay ni Ismael na anak ni Netanias at ng 10 lalaking kasama niya si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Sapan sa pamamagitan ng espada. Gayon niya pinatay ang inatasan ng hari ng Babilonya na mangasiwa sa lupain.
3 Pinatay rin ni Ismael ang lahat ng Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga sundalong Caldeo na naroon.
4 Nang ikalawang araw matapos patayin si Gedalias, bago ito malaman ninuman,
5 may dumating na 80 lalaki mula sa Sikem,+ Shilo,+ at Samaria.+ Ahít ang balbas nila, punít ang damit nila, naghiwa sila ng sarili,+ at may dala silang handog na mga butil at olibano+ para sa bahay ni Jehova.
6 Kaya lumabas si Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa para salubungin sila, at umiiyak siya habang naglalakad. Nang masalubong na niya sila, sinabi niya sa kanila: “Pumunta tayo kay Gedalias na anak ni Ahikam.”
7 Pero nang makarating sila sa lunsod, pinatay sila ni Ismael na anak ni Netanias at ng mga lalaking kasama niya at inihagis sila sa imbakan ng tubig.
8 Pero may 10 lalaki sa kanila na nagsabi kay Ismael: “Huwag mo kaming patayin, dahil may itinago kaming trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan sa bukid.” Kaya hindi niya sila pinatay gaya ng mga kapatid nila.
9 At itinapon ni Ismael ang lahat ng bangkay ng mga lalaking pinatay niya sa isang malaking imbakan ng tubig, na ginawa ni Haring Asa dahil kay Haring Baasa ng Israel.+ Ito ang imbakan ng tubig na pinuno ni Ismael na anak ni Netanias ng mga napatay.
10 Binihag ni Ismael ang lahat ng natira sa Mizpa,+ kasama ang mga anak na babae ng hari at ang lahat ng tao na natira sa Mizpa, na inilagay ni Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay sa pangangalaga ni Gedalias+ na anak ni Ahikam. Binihag sila ni Ismael na anak ni Netanias at pumunta siya sa mga Ammonita.+
11 Nang mabalitaan ni Johanan+ na anak ni Karea at ng lahat ng pinuno ng hukbong kasama niya ang lahat ng kasamaang ginawa ni Ismael na anak ni Netanias,
12 isinama nila ang lahat ng lalaki para makipaglaban kay Ismael na anak ni Netanias, at natagpuan nila siya sa tabi ng saganang tubig* sa Gibeon.
13 Natuwa ang lahat ng kasama ni Ismael nang makita nila si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama niya.
14 At ang lahat ng binihag ni Ismael mula sa Mizpa+ ay bumalik at sumama kay Johanan na anak ni Karea.
15 Pero si Ismael na anak ni Netanias at ang walong tauhan niya ay tumakas mula kay Johanan at pumunta sa mga Ammonita.
16 Kinuha ni Johanan na anak ni Karea at ng lahat ng pinuno ng hukbong kasama niya ang lahat ng natira mula sa Mizpa, ang mga nailigtas nila mula kay Ismael na anak ni Netanias matapos nitong patayin si Gedalias+ na anak ni Ahikam. Dinala nila mula sa Gibeon ang mga lalaki, mga sundalo, mga babae, mga bata, at ang mga opisyal ng palasyo.
17 Kaya umalis sila at tumuloy sa tuluyan ni Kimham na malapit sa Betlehem,+ at iniisip nilang magpunta sa Ehipto+
18 dahil sa mga Caldeo. Natatakot sila sa mga ito dahil pinatay ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahikam, na inatasan ng hari ng Babilonya na mangasiwa sa lupain.+