Liham sa mga Hebreo 4:1-16
4 Kaya dahil mayroon pang pangako na makapasok sa kapahingahan niya, mag-ingat* tayo dahil baka may sinuman sa inyo na maging di-karapat-dapat doon.+
2 Dahil narinig din natin ang mabuting balita gaya nila;+ pero hindi sila nakinabang sa salitang narinig nila, dahil hindi sila nagkaroon ng pananampalatayang gaya ng sa mga nakinig.
3 Dahil tayo na nananampalataya ay pumasok sa kapahingahan, pero tungkol sa iba, sinabi niya: “Kaya sa galit ko ay sumumpa ako, ‘Hindi sila papasok sa kapahingahan ko,’”+ kahit na ang mga gawa niya ay tapos na mula pa nang itatag ang sanlibutan.+
4 Dahil sa Kasulatan ay sinabi niya tungkol sa ikapitong araw: “At ang Diyos ay nagpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya,”+
5 at muli niyang sinabi: “Hindi sila papasok sa kapahingahan ko.”+
6 Kaya dahil mayroon pang papasok doon, at ang mga unang nakarinig ng mabuting balita ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,+
7 muli siyang nagtakda ng isang araw nang sabihin niyang “Ngayon” sa awit ni David pagkatapos ng napakahabang panahon; gaya ng nabanggit sa itaas, “Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”+
8 Dahil kung naakay na sila ni Josue+ sa isang pahingahan, wala na sanang binanggit pa ang Diyos na ibang araw.
9 Kaya mayroon pang pahinga na gaya ng Sabbath para sa bayan ng Diyos.+
10 Dahil ang taong nakapasok na sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga na rin sa mga ginagawa niya, gaya ng ginawa ng Diyos.+
11 Kaya gawin natin ang ating buong makakaya para makapasok sa kapahingahang iyon, para walang sinuman ang maligaw sa gayon ding landasin ng pagsuway.+
12 Dahil ang salita ng Diyos ay buháy at malakas+ at mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim,+ at sa talas nito ay kaya nitong paghiwalayin ang panlabas* at panloob na pagkatao,* at ang mga kasukasuan at mga utak sa buto, at kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.
13 At walang nilalang na nakatago sa paningin niya,+ kundi ang lahat ng bagay ay nakalantad at kitang-kita ng isa na hahatol sa atin sa mga ginagawa natin.+
14 Kaya dahil tayo ay may dakilang mataas na saserdote na pumasok sa langit, si Jesus na Anak ng Diyos,+ patuloy nating ihayag ang tungkol sa kaniya.+
15 Dahil nauunawaan ng ating mataas na saserdote ang* mga kahinaan natin,+ at sinubok siya sa lahat ng bagay gaya natin, pero walang kasalanan.+
16 Kaya lumapit tayo sa trono ng walang-kapantay* na kabaitan at malayang magsalita,+ para tumanggap tayo ng awa at walang-kapantay na kabaitan na tutulong sa atin sa tamang panahon.
Talababa
^ Lit., “matakot.”
^ Lit., “at espiritu.”
^ O “Dahil may simpatiya ang ating mataas na saserdote sa.”
^ O “di-sana-nararapat.”