Genesis 4:1-26
4 At nakipagtalik si Adan sa asawa niyang si Eva, at ito ay nagdalang-tao.+ Nang isilang ni Eva si Cain,+ sinabi niya: “Nanganak ako ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.”
2 Pagkatapos, isinilang niya ang kapatid nitong si Abel.+
Si Abel ay naging pastol, pero si Cain ay naging magsasaka.
3 Pagkalipas ng ilang panahon, naghandog si Cain kay Jehova ng mga bunga ng lupa.
4 Pero si Abel ay nagdala ng mga panganay ng kaniyang kawan,+ kasama ang taba ng mga ito. Sinang-ayunan ni Jehova si Abel at ang handog nito,+
5 pero hindi niya sinang-ayunan si Cain at ang handog nito. Kaya galit na galit si Cain at ang sama-sama ng loob niya.
6 Sinabi ni Jehova kay Cain: “Bakit galit na galit ka at ang sama-sama ng loob mo?
7 Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba sasang-ayunan kita? Pero kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa may pinto at gusto ka nitong biktimahin; pero hahayaan mo bang matalo ka nito?”
8 Pagkatapos, sinabi ni Cain sa kapatid niyang si Abel: “Pumunta tayo sa parang.” At habang nasa parang sila, sinalakay ni Cain ang kapatid niyang si Abel at pinatay ito.+
9 Pagkaraan nito, sinabi ni Jehova kay Cain: “Nasaan ang kapatid mong si Abel?” Sumagot siya: “Hindi ko alam. Ako ba ang tagapag-alaga ng kapatid ko?”
10 Kaya sinabi Niya: “Ano ang ginawa mo? Pakinggan mo! Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng kapatid mo.+
11 At ngayon ay isinumpa ka; palalayasin kita mula sa lupa, kung saan dumanak* ang dugo ng iyong kapatid na pinatay mo.+
12 Kahit sakahin mo ang lupa, hindi ito mamumunga nang sagana.* Magiging palaboy ka at takas sa lupa.”
13 Kaya sinabi ni Cain kay Jehova: “Napakabigat ng parusa para sa kasalanan ko.
14 Itinataboy mo ako ngayon mula sa lupain,* at hindi mo na ako makikita; at ako ay magiging palaboy at takas sa lupa, at tiyak na papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”
15 Kaya sinabi ni Jehova sa kaniya: “Dahil diyan, ang sinumang papatay kay Cain ay gagantihan nang pitong ulit.”
Kaya naglagay* si Jehova ng isang tanda* para hindi patayin si Cain ng sinumang makakita sa kaniya.
16 At umalis si Cain sa harap ni Jehova at tumira sa lupain ng Pagtakas,* na nasa silangan ng Eden.+
17 Pagkatapos, nakipagtalik si Cain sa asawa niya,+ at nagdalang-tao ito at isinilang nito si Enoc. At nagtayo si Cain ng isang lunsod at ipinangalan ito sa anak niyang si Enoc.
18 Pagkatapos, naging anak ni Enoc si Irad. At naging anak ni Irad si Mehujael, at naging anak ni Mehujael si Metusael, at naging anak ni Metusael si Lamec.
19 Si Lamec ay kumuha ng dalawang asawa. Ang pangalan ng una ay Ada, at ang ikalawa ay Zila.
20 Isinilang ni Ada si Jabal. Si Jabal ang unang tao na tumira* sa mga tolda at nag-alaga ng mga hayop.
21 Ang kapatid niya ay si Jubal. Si Jubal ang ama* ng lahat ng tumutugtog ng alpa at ng tipano.*
22 Isinilang naman ni Zila si Tubal-cain, ang panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-cain ay si Naama.
23 Pagkatapos, kinatha ni Lamec ang tulang ito para sa mga asawa niyang sina Ada at Zila:
“Dinggin ang aking tinig, kayong mga asawa ni Lamec;Pakinggan ninyo ang sasabihin ko:
Pinatay ko ang isang lalaki dahil sinugatan niya ako,Oo, isang kabataang lalaki dahil sa pananakit sa akin.
24 Kung 7 ulit na ipaghihiganti si Cain,+Si Lamec naman ay 77.”
25 Muling nakipagtalik si Adan sa asawa niya, at nanganak ito ng isang lalaki. Pinangalanan ito ni Eva na Set,*+ dahil ang sabi niya: “Binigyan* ako ng Diyos ng isa pang anak* kapalit ni Abel, dahil pinatay siya ni Cain.”+
26 Nagkaroon din si Set ng isang anak na lalaki, at pinangalanan niya itong Enos.+ Nang panahong iyon, pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.
Talababa
^ Lit., “na nagbuka ng bibig nito para tanggapin.”
^ Lit., “hindi nito ibabalik sa iyo ang lakas niya.”
^ O “mula sa ibabaw ng lupa.”
^ Posibleng tumutukoy ito sa isang batas na nagsilbing babala sa iba.
^ O “gumawa.”
^ O “lupain ng Nod.”
^ O “ang tagapagpasimula ng pagtira.”
^ O “tagapagpasimula.”
^ O “plawta.”
^ Ibig sabihin, “Inilaan; Inilagay; Itinalaga.”
^ O “Pinaglaanan.”
^ Lit., “binhi.”