Ezekiel 6:1-14

6  Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2  “Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at humula laban sa kanila. 3  Sabihin mo, ‘O mga bundok ng Israel, makinig kayo sa mensahe ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova sa mga bundok, burol, batis, at mga lambak: “Sasaktan ko kayo sa pamamagitan ng espada, at wawasakin ko ang inyong matataas na lugar. 4  Ang inyong mga altar at mga patungan ng insenso ay sisirain,+ at ang mga pinatay sa inyo ay ihahagis ko sa harap ng inyong karima-rimarim na mga idolo.*+ 5  Ihahagis ko ang mga bangkay ng bayang Israel sa harap ng kanilang karima-rimarim na mga idolo, at ikakalat ko ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar.+ 6  Sa lahat ng inyong tinitirhan, wawasakin ang mga lunsod+ at sisirain ang matataas na lugar at magiging tiwangwang.+ Gigibain at pagdudurog-durugin ang inyong mga altar, aalisin ang inyong karima-rimarim na mga idolo, sisirain ang inyong mga patungan ng insenso, at wawasakin ang inyong mga gawa. 7  At ang mga tao ay mamamatay sa gitna ninyo,+ at malalaman ninyo na ako si Jehova.+ 8  “‘“Pero hahayaan kong may matira sa inyo, dahil ang ilan sa inyo ay makatatakas mula sa espada at mangangalat sa mga bansa at lupain.+ 9  At maaalaala ako ng mga nakatakas habang bihag sila sa gitna ng mga bansa.+ Maiisip nilang nasaktan ako dahil sa kanilang di-tapat* na puso na lumayo sa akin+ at dahil sa kanilang mga mata na nagnanasa sa karima-rimarim nilang mga idolo.*+ Ikahihiya nila at kapopootan ang lahat ng kasuklam-suklam at masasamang ginawa nila.+ 10  Malalaman nila na ako si Jehova at na totoo ang mga babala ko tungkol sa kapahamakang ito.”’+ 11  “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Pumalakpak ka, pumadyak ka, at dumaing ka dahil sa lahat ng kasuklam-suklam at masasamang ginawa ng sambahayan ng Israel, dahil mamamatay sila sa espada, taggutom, at salot.+ 12  Ang nasa malayo ay mamamatay sa salot, ang nasa malapit ay mamamatay sa espada, at ang iba pa ay mamamatay sa taggutom; at talagang ilalabas ko ang galit ko sa kanila.+ 13  At malalaman ninyo na ako si Jehova,+ kapag ang mga pinatay sa kanila ay nakahandusay kasama ng karima-rimarim nilang mga idolo, sa palibot ng mga altar nila,+ sa ibabaw ng bawat mataas na burol, sa tuktok ng lahat ng bundok, sa ilalim ng bawat mayabong na puno, at sa ilalim ng mga sanga ng malalaking puno kung saan sila nag-alay ng mababangong handog* para payapain ang lahat ng karima-rimarim nilang idolo.+ 14  At iuunat ko ang kamay ko laban sa kanila at gagawing tiwangwang ang lupain, at lahat ng tinitirhan nila ay magiging mas tiwangwang kaysa sa ilang na malapit sa Dibla. At malalaman nila na ako si Jehova.’”

Talababa

Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
O “na sumusunod sa karima-rimarim nilang mga idolo para makiapid.”
O “imoral.”
O “nakagiginhawang amoy.”

Study Notes

Media