Ezekiel 5:1-17
5 “At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalas na espada para magamit mong gaya ng labaha* ng barbero. Ahitin mo ang iyong balbas at buhok sa ulo, at kumuha ka ng timbangan para matimbang mo at mahati ang buhok sa tatlong bahagi.
2 Ang sangkatlo ay susunugin mo sa loob ng lunsod kapag tapos na ang mga araw ng pagkubkob.+ Pagkatapos, kukunin mo ang isa pang sangkatlo at tatadtarin iyon gamit ang espada sa bawat bahagi ng lunsod,*+ at ang huling sangkatlo ay isasaboy mo sa hangin, at huhugot ako ng espada na hahabol sa mga iyon.+
3 “Kumuha ka mula roon ng ilang hibla, at ilagay mo ang mga iyon sa tupi* ng damit mo.
4 At kumuha ka pa ng ilan mula roon at ihagis mo sa apoy at sunugin. Mula rito, may kakalat na apoy sa buong sambahayan ng Israel.+
5 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Ito ang Jerusalem. Inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, na may mga lupain sa palibot niya.
6 Pero nagrebelde siya sa aking mga hudisyal na pasiya at mga batas; mas masahol pa siya sa mga bansa at lupain sa palibot niya.+ Dahil itinakwil niya ang aking mga hudisyal na pasiya, at hindi siya sumunod sa aking mga batas.’
7 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Dahil mas masahol kayo sa mga bansa sa palibot ninyo, at hindi kayo sumunod sa aking mga batas at hindi ninyo isinagawa ang aking mga hudisyal na pasiya, kundi isinagawa ninyo ang mga hudisyal na pasiya ng mga bansa sa palibot ninyo,+
8 ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kikilos ako laban sa iyo, O lunsod,+ at ako mismo ang maglalapat sa iyo ng hatol sa harap ng mga bansa.+
9 Dahil sa lahat ng kasuklam-suklam mong gawain, ang gagawin ko sa iyo ay hindi ko pa kailanman ginawa, at ang tulad nito ay hindi ko na gagawin ulit.+
10 “‘“Kaya kakainin ng mga ama sa gitna mo ang mga anak nila,+ at kakainin ng mga anak ang mga ama nila, at maglalapat ako ng hatol sa gitna mo at pangangalatin ko ang iba pa sa iyo sa lahat ng direksiyon.”’*+
11 “‘Kaya isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘itatakwil* kita dahil dinumhan mo ang santuwaryo ko sa pamamagitan ng iyong kasuklam-suklam na mga idolo at mga gawain;+ hindi ako maaawa,* at hindi ako mahahabag.+
12 Sangkatlo sa iyo ang mamamatay sa gitna mo dahil sa salot* o sa taggutom. Ang isa pang sangkatlo ay babagsak sa palibot mo sa pamamagitan ng espada.+ At ang huling sangkatlo ay pangangalatin ko sa lahat ng direksiyon,* at huhugot ako ng espada na hahabol sa kanila.+
13 Pagkatapos nito, mawawala* ang galit ko, at huhupa ang poot ko sa kanila, at masisiyahan na ako.+ At kapag nailabas ko na ang galit ko sa kanila, malalaman nila na akong si Jehova ay nagsalita sa kanila dahil humihiling ako ng bukod-tanging debosyon.*+
14 “‘Wawasakin kita at gagawing tampulan ng pandurusta ng nakapalibot na mga bansa at ng lahat ng dumadaan.+
15 Ikaw ay magiging tampulan ng pandurusta at panlalait,+ isang babala at dahilan ng pagkatakot ng mga bansa sa palibot mo, kapag inilapat ko sa iyo ang hatol ko nang may galit, poot, at matitinding parusa. Akong si Jehova ang nagsalita.
16 “‘Magpapadala ako sa kanila ng nakamamatay na mga pana ng taggutom para malipol sila. Mapapahamak kayo dahil sa mga panang ipadadala ko.+ Aalisin ko ang inyong suplay ng pagkain* para mas tumindi pa ang taggutom.+
17 Magpapasapit ako sa inyo ng taggutom at magpapadala ako ng mababangis na hayop,+ at mawawalan kayo ng mga anak dahil sa mga ito. Lubusan kayong mawawalan ng pag-asa dahil sa salot at pagpatay, at sasaktan ko kayo sa pamamagitan ng espada.+ Akong si Jehova ang nagsalita.’”
Talababa
^ O “pang-ahit.”
^ Lit., “niya.”
^ O “laylayan.”
^ Lit., “sa bawat hangin.”
^ Lit., “hindi maaawa ang mata ko.”
^ O “pauuntiin.”
^ O “sakit.”
^ Lit., “sa bawat hangin.”
^ O “matatapos.”
^ O “dahil hindi ako pumapayag na magkaroon ng kahati.”
^ Lit., “Babaliin ko ang inyong mga tungkod ng tinapay.” Posibleng tumutukoy sa mga tungkod na pinagsasabitan ng tinapay.