Ezekiel 17:1-24
17 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
2 “Anak ng tao, magsabi ka ng isang palaisipan at isang kasabihan tungkol sa sambahayan ng Israel.+
3 Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Ang malaking agila,+ na may malalaking pakpak, mahahabang bagwis, at makapal at makukulay na balahibo, ay dumating sa Lebanon+ at kinuha ang tuktok ng sedro.+
4 Pinutol niya ang supang* nito na nasa pinakatuktok at dinala sa lupain ng mga negosyante* at inilagay sa isang lunsod ng mga negosyante.+
5 Pagkatapos, kumuha siya ng ilang binhi ng lupain+ at inilagay sa matabang lupa. Itinanim niya ito sa tabi ng katubigan na gaya ng punong sause.
6 Kaya sumibol ito at naging isang mababa at gumagapang na punong ubas.+ Hindi kumalat ang mga sanga nito, at ang ugat nito ay tumubo sa ilalim nito. At ito ay naging isang punong ubas at nagsibol ng mga supang at nagkasanga.+
7 “‘“At dumating ang isa pang malaking agila,+ na may malalaking pakpak at bagwis.+ Agad na iniunat ng punong ubas ang ugat nito patungo sa agila, at palayo sa harding pinagtamnan nito, at iniharap nito roon ang mga dahon nito para madiligan ng agila.+
8 Nakatanim na ito sa matabang lupa na malapit sa katubigan para magkasanga ito, mamunga, at maging isang magandang punong ubas.”’+
9 “Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Magtatagumpay ba ito? Hindi ba may bubunot sa ugat nito+ at mabubulok ang bunga at matutuyot ang mga supang nito?+ Sa sobrang tuyot nito, hindi na kailangan ng malakas na bisig o ng maraming tao para mabunot ang ugat nito.
10 Kahit pa itanim ito sa ibang lugar, magtatagumpay ba ito? Hindi ba lubusan itong matutuyot kapag nahipan ng hanging silangan? Matutuyot ito sa hardin kung saan ito sumibol.”’”
11 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova:
12 “Pakisuyo, sabihin mo sa rebeldeng sambahayan, ‘Hindi ba ninyo naiintindihan ang ibig sabihin ng mga bagay na ito?’ Sabihin mo, ‘Dumating sa Jerusalem ang hari ng Babilonya, at kinuha niya ang hari at mga prinsipe nito at isinama sila sa Babilonya.+
13 Kinuha rin niya ang isa sa mga maharlikang supling*+ at nakipagtipan dito at pinasumpa ito.+ At kinuha niya ang mga prominenteng tao sa lupain+
14 para maibaba ang kaharian at hindi makabangon at patuloy lang na umiral kung tutupad ito sa kanilang tipan.+
15 Pero nagrebelde ang hari+ at nagsugo ng mga mensahero sa Ehipto para humiling ng mga kabayo+ at maraming sundalo.+ Magtatagumpay ba siya? Makatatakas ba sa parusa ang gumagawa ng mga bagay na ito? Puwede ba siyang sumira sa tipan at hindi maparusahan?’+
16 “‘“Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, “mamamatay siya sa Babilonya, sa lugar kung saan nakatira ang hari* na nagluklok sa kaniya* bilang hari; hinamak niya ang panata nito at hindi tinupad ang tipan nito.+
17 At walang magagawa sa digmaan ang malaking hukbong militar at maraming sundalo ng Paraon+ kapag nagawa na ang mga rampa at naitayo na ang mga pader na pangubkob na lilipol ng maraming buhay.
18 Hinamak niya ang isang panata, at sumira siya sa isang tipan. Nangako siya,* pero ginawa pa rin niya ang lahat ng ito. Hindi siya makatatakas.”’
19 “‘Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako, ibabalik ko sa kaniya ang bunga ng paghamak niya sa panata ko+ at pagsira sa tipan ko.
20 Ihahagis ko sa kaniya ang aking lambat para sa pangangaso at mahuhuli siya nito.+ Dadalhin ko siya sa Babilonya, at hahatulan ko siya roon dahil sa kataksilan niya sa akin.+
21 Ang lahat ng nakatakas mula sa hukbo niya ay mamamatay sa espada, at ang mga natira ay mangangalat sa lahat ng direksiyon.*+ At malalaman ninyo na akong si Jehova ang nagsalita.”’+
22 “‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kukuha ako ng supang sa tuktok ng napakataas na sedro+ at itatanim ito, puputol ako ng murang supang+ sa tuktok ng maliliit na sanga nito, at ako mismo ang magtatanim nito sa isang napakataas na bundok.+
23 Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok sa Israel; at tutubo ang mga sanga nito, at mamumunga ito at magiging isang magandang sedro. At lahat ng klase ng ibon ay maninirahan sa ilalim nito, sa lilim ng mga dahon nito.
24 At malalaman ng lahat ng puno sa parang na akong si Jehova ang nagpabagsak sa mataas na puno at nagtaas sa mababang puno;+ tinuyo ko ang mayabong na puno at pinalago ang tuyong puno.+ Akong si Jehova ang nagsabi at gumawa nito.”’”
Talababa
^ O “bagong-tubong sanga.”
^ Lit., “lupain ng Canaan.”
^ Lit., “binhi.”
^ Nabucodonosor.
^ Zedekias.
^ Lit., “Iniabot niya ang kamay niya.”
^ Lit., “sa bawat hangin.”