Exodo 5:1-23
5 Pagkatapos, humarap sa Paraon sina Moises at Aaron at sinabi nila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Payagan mong umalis ang bayan ko para makapagdiwang sila ng isang kapistahan para sa akin sa ilang.’”
2 Pero sinabi ng Paraon: “Sino si Jehova+ para sundin ko ang tinig niya at payagang umalis ang Israel?+ Hindi ko kilala si Jehova, at isa pa, hindi ko papayagang umalis ang Israel.”+
3 Pero sinabi nila: “Nakipag-usap sa amin ang Diyos ng mga Hebreo. Pakiusap, payagan mo kaming maglakbay sa ilang nang tatlong araw at maghain sa Diyos naming si Jehova;+ kung hindi, bibigyan niya kami ng sakit o papatayin gamit ang espada.”
4 Sumagot ang hari ng Ehipto: “Moises at Aaron, bakit ba pinatitigil ninyo ang bayan sa trabaho nila? Bumalik kayo sa trabaho* ninyo!”+
5 Idinagdag pa ng Paraon: “Tingnan ninyo kung gaano karami ang tao sa lupain. Gusto ba ninyong pagpahingahin silang lahat sa trabaho?”
6 Nang araw ding iyon, inutusan ng Paraon ang mga pinuno* at mga katulong* nila:
7 “Huwag na ninyong bigyan ng dayami ang bayan sa paggawa nila ng mga laryo.+ Hayaan ninyong sila ang maghanap at magtipon ng dayami.
8 Pero huwag ninyong baguhin ang dami ng laryo na kailangan nilang gawin. Huwag ninyong bawasan iyon dahil mga tamad sila. Kaya sinasabi nila, ‘Gusto naming umalis, gusto naming maghain sa Diyos namin!’
9 Bigyan ninyo sila ng mas maraming trabaho para magtrabaho sila imbes na makinig sa mga kasinungalingan.”
10 Kaya pinuntahan ng mga pinuno+ at ng mga katulong nila ang bayan at sinabi: “Ito ang sinabi ng Paraon, ‘Hindi ko na kayo bibigyan ng dayami.
11 Kayo na ang bahalang maghanap at manguha ng dayami ninyo, pero hindi babawasan ang trabaho ninyo.’”
12 Kaya ang bayan ay nangalat sa buong lupain ng Ehipto para magtipon ng dayami.*
13 At laging sinasabi sa kanila ng mga pinuno: “Dapat tapusin ng bawat isa sa inyo ang trabaho niya araw-araw, gaya noong binibigyan pa kayo ng dayami.”
14 At pinagbubugbog ang mga katulong na Israelita, na inatasan ng mga pinuno ng Paraon na mangasiwa sa kanila.+ Nagtanong ang mga pinuno: “Bakit hindi ninyo nagawa ngayon ang dami ng laryo na kailangan ninyong matapos, gaya rin ng nangyari kahapon?”
15 Kaya ang mga katulong na Israelita ay nagpunta sa Paraon at nagreklamo: “Bakit mo tinatrato nang ganito ang mga lingkod mo?
16 Hindi binibigyan ng dayami ang mga lingkod mo, pero sinasabi nila sa amin, ‘Gumawa kayo ng mga laryo!’ Binubugbog ang mga lingkod mo, pero ang sarili mong bayan ang may kasalanan.”
17 Pero sinabi niya: “Mga tamad kayo, mga tamad kayo!+ Kaya sinasabi ninyo, ‘Gusto naming umalis, gusto naming maghain kay Jehova.’+
18 Bumalik kayo sa trabaho ninyo! Hindi kayo bibigyan ng dayami, pero ganoon pa rin karami ang kailangan ninyong gawing laryo.”
19 Kaya nakita ng mga katulong na Israelita na malaki ang problema nila dahil sa utos na ito: “Huwag ninyong bawasan ang dami ng laryo na kailangang gawin araw-araw.”
20 Pagkatapos nito, lumapit sila kina Moises at Aaron, na nakatayo para salubungin sila pagkaalis nila sa harap ng Paraon.
21 Sinabi nila agad sa mga ito: “Makita sana ni Jehova ang ginawa ninyo at hatulan kayo; dahil sa inyo, namuhi sa amin ang Paraon at ang mga lingkod niya,* at naglagay kayo ng espada sa kamay nila para patayin kami.”+
22 Kaya sinabi ni Moises kay Jehova: “Jehova, bakit mo pinahirapan ang bayang ito? Bakit mo ako isinugo?
23 Mula nang pumunta ako sa Paraon bilang kinatawan mo,*+ mas sumamâ ang trato niya sa bayang ito,+ at wala kang ginawang anuman para iligtas ang bayan mo.”+
Talababa
^ O “pasanin.”
^ O “nagpapatrabaho sa kanila.”
^ Pinili mula sa mga Israelita.
^ O “ng pinaggapasan para gawing dayami.”
^ O “sumamâ ang amoy namin sa Paraon at sa mga lingkod niya.”
^ Lit., “para magsalita sa iyong pangalan.”