Deuteronomio 22:1-30

22  “Kapag nakita mong nagpapalaboy-laboy ang toro o tupa ng kapatid mo, huwag mo itong ipagwalang-bahala.+ Dapat mo itong dalhin sa kapatid mo. 2  Pero kung malayo ang bahay ng kapatid mo o hindi mo kilala ang may-ari, iuwi mo muna ang hayop sa bahay mo, at mananatili ito roon hanggang sa hanapin ito ng may-ari. At dapat mo itong ibalik sa kaniya.+ 3  Iyan ang gagawin mo sa kaniyang asno, balabal, at anumang bagay na naiwala ng kapatid mo pero nakita mo. Huwag mo itong ipagwalang-bahala. 4  “Kapag nakita mong nabuwal sa daan ang asno o toro ng kapatid mo, huwag mong sadyaing iwasan ito. Dapat mo siyang tulungang itayo ang hayop.+ 5  “Ang babae ay hindi dapat magsuot ng damit ng lalaki; ang lalaki ay hindi dapat magsuot ng damit ng babae. Dahil ang gumagawa nito ay kasuklam-suklam sa Diyos ninyong si Jehova. 6  “Kung may makita ka sa daan na isang pugad ng ibon na may mga inakáy o itlog, nasa puno man o lupa, at nililimliman ng inahin ang mga inakáy o itlog, huwag mong kukunin ang mga inakáy na kasama ang inahin.+ 7  Pakakawalan mo ang inahin, pero puwede mong kunin ang mga inakáy. Gawin mo ito para mapabuti ka at humaba ang buhay mo. 8  “Kung magtatayo ka ng bahay, dapat mong lagyan ng halang* ang bubong,+ para walang mahulog mula rito at hindi magkasala sa dugo ang pamilya mo. 9  “Huwag mong tatamnan ang ubasan mo ng dalawang uri ng binhi.+ Kung gagawin mo ito, lahat ng bunga ng itinanim mong binhi pati ng ubasan mo ay mapupunta sa santuwaryo. 10  “Huwag kang mag-aararo na toro at asno ang magkasama.+ 11  “Huwag kang magsusuot ng damit na ang tela ay yari sa pinagsamang lana at lino.+ 12  “Dapat kang maglagay ng mga palawit* sa apat na dulo ng isinusuot mong balabal.+ 13  “Kung mag-asawa ang isang lalaki at sipingan niya ang asawa niya, pero kinapootan* niya ito 14  at pinaratangang may ginawa itong kahiya-hiya at dinungisan ang pangalan nito at sinabi: ‘Kinuha ko ang babaeng ito, pero nang sipingan ko siya, nalaman kong hindi na siya birhen,’* 15  ang ama at ina ng babae ay dapat maglabas ng katibayan na birhen ang anak nila at iharap ito sa matatandang lalaki sa pintuang-daan ng lunsod. 16  Sasabihin ng ama ng babae sa matatandang lalaki, ‘Ibinigay ko ang anak ko sa lalaking ito bilang asawa, pero kinapootan* niya ito 17  at pinaratangang may ginawa itong kahiya-hiya at sinabi: “Nalaman kong hindi na birhen ang anak ninyo.” Ito ngayon ang katibayan na birhen ang anak ko.’ At ilaladlad nila ang balabal sa harap ng matatandang lalaki ng lunsod. 18  Ang lalaki ay paparusahan*+ ng matatandang lalaki ng lunsod.+ 19  Pagmumultahin nila siya ng 100 siklong* pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil dinungisan niya ang pangalan ng isang dalaga sa Israel,+ at mananatili ito bilang asawa niya. Hindi siya papahintulutang diborsiyuhin ito habambuhay. 20  “Pero kung totoo ang paratang at walang katibayan na birhen ang babae, 21  dapat nilang dalhin ang babae sa pasukan ng bahay ng ama niya, at babatuhin siya ng mga lalaki sa lunsod hanggang sa mamatay siya, dahil may ginawa siyang kahiya-hiya+ sa Israel—seksuwal na imoralidad* sa bahay ng ama niya.+ Ganiyan ninyo aalisin ang kasamaan sa gitna ninyo.+ 22  “Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang babaeng may asawa, magkasama silang papatayin, ang lalaking sumiping sa babae at ang babae.+ Ganiyan ninyo aalisin ang kasamaan sa Israel. 23  “Kung may katipan na ang isang dalaga, at may ibang lalaki sa lunsod na nakakita sa kaniya at sinipingan siya nito, 24  dapat ninyo silang dalhin sa pintuang-daan ng lunsod na iyon at batuhin hanggang sa mamatay, ang babae dahil hindi siya sumigaw sa lunsod, at ang lalaki dahil hinamak niya ang asawa ng kapuwa niya.+ Ganiyan ninyo aalisin ang kasamaan sa gitna ninyo. 25  “Pero kung sa parang* nakita ng isang lalaki ang babaeng may katipan at puwersahang sinipingan ang babae, ang papatayin lang ay ang lalaking sumiping sa babae; 26  hindi paparusahan ang babae. Wala siyang ginawang kasalanan na nararapat sa kamatayan. Ang sitwasyon niya ay katulad ng taong sinaktan at pinatay ng kapuwa nito.+ 27  Dahil sa parang siya nakita ng lalaki at ang babaeng may katipan ay sumigaw, pero walang sinuman ang naroon para tumulong. 28  “Kung makita ng isang lalaki ang isang dalaga na wala pang katipan at sinunggaban niya ito at sinipingan ito at natuklasan ang ginawa nila,+ 29  ang lalaking sumiping sa babae ay dapat magbigay sa ama nito ng 50 siklong pilak, at magiging asawa niya ang babae.+ Dahil hinamak niya ito, hindi siya papahintulutang diborsiyuhin ito habambuhay. 30  “Hindi dapat kunin ng isang lalaki ang asawa ng ama niya para hindi niya malapastangan ang* ama niya.+

Talababa

O “mababang pader.”
O “borlas.”
O “itinakwil.”
O “wala akong nakitang katibayan na birhen siya.”
O “itinakwil.”
O “didisiplinahin.”
Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.
O “prostitusyon.”
O “labas ng lunsod.”
Lit., “hindi niya maililis ang laylayan ng.”

Study Notes

Media