Ikalawang Hari 11:1-21
11 Nang malaman ni Athalia+ na ina ni Ahazias na namatay ang anak niya,+ pinatay niya ang lahat ng anak ng hari.*+
2 Pero si Jehoas+ na anak ni Ahazias ay kinuha ni Jehosheba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias at itinakas mula sa mga anak ng hari na papatayin. Itinago niya ang bata at ang yaya nito sa isang kuwarto. Naitago nila ito mula kay Athalia, kaya hindi ito napatay.
3 Kasama niya ito nang anim na taon at nakatago sa bahay ni Jehova, habang namamahala si Athalia sa lupain.
4 Nang ikapitong taon, ipinatawag ni Jehoiada sa bahay ni Jehova ang mga pinuno* ng mga tagapagbantay na Cariano at ng mga bantay* ng palasyo.+ Nakipagtipan siya sa kanila at pinasumpa sila sa bahay ni Jehova. Pagkatapos, ipinakita niya sa kanila ang anak ng hari.+
5 Inutusan niya sila: “Ganito ang gagawin ninyo: Ang sangkatlo sa inyo ay maglilingkod sa araw ng Sabbath at mahigpit na magbabantay sa bahay* ng hari,+
6 ang isa namang sangkatlo ay sa Pintuang-Daan ng Pundasyon, at ang isa pang sangkatlo ay sa pintuang-daan sa likuran ng mga bantay ng palasyo. Magsasalitan kayo sa pagbabantay sa bahay.
7 Ang dalawang pangkat sa inyo na hindi nakatakdang magbantay kapag Sabbath ay mahigpit na magbabantay sa bahay ni Jehova para protektahan ang hari.
8 Papalibutan ninyo ang hari, hawak ang mga sandata ninyo. Sinumang papasok sa hanay ng mga sundalo ay papatayin. Sundan ninyo ang hari kahit saan siya magpunta.”*
9 Ginawa ng mga pinuno ng daan-daan+ ang lahat ng iniutos ng saserdoteng si Jehoiada. Tinawag nilang lahat ang kani-kanilang mga tauhan na naglilingkod kapag Sabbath, pati ang mga hindi nakatakdang maglingkod kapag Sabbath, at pumunta sila sa saserdoteng si Jehoiada.+
10 Pagkatapos, ibinigay ng saserdote sa mga pinuno ng daan-daan ang mga sibat at ang bilog na mga kalasag na naging pag-aari ni Haring David at nasa bahay ni Jehova.
11 At ang mga bantay ng palasyo+ ay pumunta sa kani-kanilang puwesto hawak ang mga sandata nila, mula sa kanang panig ng bahay hanggang sa kaliwang panig ng bahay, malapit sa altar+ at sa bahay, sa palibot ng hari.
12 Pagkatapos, inilabas ni Jehoiada ang anak ng hari+ at inilagay sa ulo nito ang korona* at ang Patotoo,*+ at ginawa nila itong hari at pinahiran ng langis. Nagpalakpakan sila at nagsabi: “Mabuhay ang hari!”+
13 Nang marinig ni Athalia ang ingay ng nagtatakbuhang mga tao, agad siyang pumunta sa mga tao sa bahay ni Jehova.+
14 At nakita niya ang hari na nakatayo sa tabi ng haligi ayon sa kaugalian.+ Kasama ng hari ang mga pinuno at ang mga tagahihip ng trumpeta,+ at ang buong bayan ay nagsasaya at humihihip ng mga trumpeta. Pinunit ni Athalia ang kaniyang damit at sumigaw: “Sabuwatan! Sabuwatan!”
15 Pero inutusan ng saserdoteng si Jehoiada ang mga pinuno ng daan-daan,+ ang mga inatasang manguna sa hukbo: “Ilabas ninyo siya mula sa hanay ng mga sundalo, at patayin ninyo sa pamamagitan ng espada ang sinumang susunod sa kaniya!” Dahil sinabi ng saserdote: “Huwag ninyo siyang patayin sa bahay ni Jehova.”
16 Kaya sinunggaban nila siya, at nang madala nila siya sa lugar na pinapasukan ng mga kabayo sa bahay* ng hari,+ pinatay nila siya roon.
17 Pagkatapos, si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan ni Jehova at ng hari at ng bayan,+ na patuloy silang magiging bayan ni Jehova, at gumawa rin siya ng tipan sa pagitan ng hari at ng bayan.+
18 Pagkatapos, pumunta ang buong bayan sa bahay* ni Baal at winasak ang mga altar nito,+ pinagdurog-durog ang mga imahen nito,+ at pinatay sa harap ng mga altar si Mattan na saserdote ni Baal.+
At ang saserdote ay nag-atas ng mga tagapangasiwa sa bahay ni Jehova.+
19 Bukod diyan, isinama niya ang mga pinuno ng daan-daan,+ ang mga tagapagbantay na Cariano, ang mga bantay ng palasyo,+ at ang buong bayan, at sinamahan nila ang hari mula sa bahay ni Jehova papunta sa bahay* ng hari; dumaan sila sa pintuang-daan ng mga bantay ng palasyo. Pagkatapos, umupo ito sa trono ng mga hari.+
20 Kaya nagsaya ang buong bayan at nagkaroon ng katahimikan sa lunsod, dahil pinatay nila si Athalia sa pamamagitan ng espada sa bahay ng hari.
21 Pitong taóng gulang si Jehoas+ nang maging hari siya.+
Talababa
^ Lit., “ang buong binhi ng kaharian.”
^ Lit., “pinuno ng daan-daan.”
^ Lit., “mananakbo.”
^ O “palasyo.”
^ Lit., “kapag lumalabas siya at kapag pumapasok siya.”
^ Malamang na isang balumbong naglalaman ng Kautusan ng Diyos.
^ O “diadema.”
^ O “palasyo.”
^ O “templo.”
^ O “palasyo.”