Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 2:1-17

2  Ipinasiya kong huwag na kayong palungkutin pagbalik ko sa inyo. 2  Dahil kung palulungkutin ko kayo, kayo na nagpapasaya sa akin, sino na ang magpapasaya sa akin? 3  Kaya nga sumulat ako noon sa inyo, para pagpunta ko diyan, matutuwa ako at hindi malulungkot dahil sa inyo,+ dahil nagtitiwala ako na ang mga nagpapasaya sa akin ay nagpapasaya rin sa inyong lahat. 4  Dahil noong sumulat ako sa inyo ay lungkot na lungkot ako at punô ng pag-aalala ang puso ko at umiiyak ako. Pero hindi ako sumulat para mapalungkot kayo,+ kundi para ipaalám sa inyo kung gaano ko kayo kamahal. 5  Ngayon kung ang sinuman sa inyo ay nakapagpalungkot,+ hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa paanuman ay kayong lahat—pasensiya na sa pagiging deretsahan. 6  Ang saway na ito na ibinigay ng karamihan ay sapat na para sa gayong tao;+ 7  dapat na ninyo siyang patawarin nang buong puso at aliwin+ para hindi siya madaig ng sobrang kalungkutan.+ 8  Kaya pinapayuhan ko kayong tiyakin sa kaniya na mahal ninyo siya.+ 9  Ito rin ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon: para malaman kung magiging masunurin kayo sa lahat ng bagay. 10  Ang sinumang pinatatawad ninyo ay pinatatawad ko rin. Ang totoo, anumang bagay na pinatawad ko (kung mayroon man akong pinatawad) ay ginawa ko alang-alang sa inyo sa paningin ng Kristo, 11  para hindi tayo malamangan ni Satanas,+ dahil alam naman natin ang mga pakana niya.+ 12  Nang dumating ako sa Troas+ para ihayag ang mabuting balita tungkol sa Kristo at isang pinto ang nabuksan sa akin sa gawain ng Panginoon, 13  hindi ako napanatag dahil hindi ko nakita ang kapatid kong si Tito.+ Kaya nagpaalam ako sa kanila, at pumunta ako sa Macedonia.+ 14  Pero salamat sa Diyos! Lagi niya tayong inaakay sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo, at ginagamit niya tayo para ipalaganap ang halimuyak ng kaalaman tungkol sa kaniya sa lahat ng lugar! 15  Dahil para sa Diyos, tayo ay mabangong amoy ni Kristo sa gitna ng mga inililigtas at sa gitna ng mga malilipol; 16  sa mga malilipol ay amoy ng kamatayan na umaakay sa kamatayan+ at sa mga inililigtas ay halimuyak ng buhay na umaakay sa buhay. At sino ang lubusang kuwalipikado para sa mga bagay na ito? 17  Kami nga, dahil hindi kami tagapaglako ng salita ng Diyos+ gaya ng marami, kundi taimtim kaming nagsasalita bilang mga isinugo ng Diyos, oo, bilang mga tagasunod ni Kristo sa harap ng Diyos.

Talababa

Study Notes

saway: O “parusa.” Sa 1 Corinto, nagbigay ng tagubilin si Pablo na ang imoral na lalaking di-nagsisisi ay dapat alisin sa kongregasyon. (1Co 5:1, 7, 11-13) Nagkaroon ng magandang resulta ang disiplinang ito. Naprotektahan ang kongregasyon sa masamang impluwensiya, at taimtim na nagsisi ang nagkasala. Ipinakita ng lalaki sa gawa na talagang nagsisisi siya, kaya sinasabi ngayon ni Pablo na “ang saway na . . . ibinigay ng karamihan ay sapat na” at na dapat siyang tanggapin ulit sa kongregasyon. Kaayon ito ng pamamaraan ni Jehova, na dumidisiplina sa bayan niya “sa tamang antas.”—Jer 30:11.

madaig: O “lamunin.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwedeng literal na tumukoy sa paglulon o paglamon sa isang bagay. (Heb 11:29; 1Pe 5:8) Ayon sa isang diksyunaryo, ang pariralang “madaig ng sobrang kalungkutan“ ay nangangahulugang “mawalan ng pag-asa dahil sa sobrang lungkot.”

tiyakin sa kaniya na mahal ninyo siya: Ang salitang Griego na isinalin ditong “tiyakin” ay isang termino sa batas na nangangahulugang “bigyang-bisa.” (Isinalin itong “nabigyang-bisa” sa Gal 3:15.) Kailangang ipakita ng mga Kristiyano sa Corinto na totoo ang pag-ibig nila; dapat na makita sa saloobin at ginagawa nila na mainit nilang tinatanggap ulit sa kongregasyon ang nagsisising lalaki. Kapag ibinalik nila ang maganda nilang kaugnayan sa kaniya, ‘matitiyak’ nila sa kaniya na mahal nila siya. Hindi nila dapat isipin na mararamdaman naman ng taong iyon ang pagmamahal nila. Kailangan nila itong ipakita.

malamangan ni Satanas: O “madaya ni Satanas.” Nang panahong isulat ni Pablo ang 1 Corinto, naimpluwensiyahan na ni Satanas ang kongregasyon sa Corinto. Kinunsinti nila ang isang lalaking namimihasa sa imoralidad, at hindi nila inisip na nakakasira ito sa pangalan ng Diyos. Dahil diyan, sinaway sila ni Pablo. (1Co 5:1-5) Pero nagsisi na ang lalaki. Kung magiging napakahigpit naman ng kongregasyon at hindi nila siya patatawarin, malalamangan sila ni Satanas sa iba pang paraan. Magiging malupit at walang awa ang kongregasyon, gaya ni Satanas, kaya talagang masisiraan ng loob ang nagsisising lalaki.

alam naman natin ang mga pakana niya: Lit., “hindi naman tayo walang-alam sa mga pakana niya.” Dito, gumamit si Pablo ng litotes, isang tayutay na nagdiriin sa pamamagitan ng pagsasabi na ang kabaligtaran ng isang bagay ay hindi totoo. (Gumamit din ng litotes sa Gaw 21:39, kung saan ang literal na salin ng pariralang “kilalang lunsod” ay “lunsod na hindi kulang sa katanyagan.”) Kaya sa ibang Bibliya, isinalin itong “alam na alam natin ang mga pakana niya.”

pakana: O “intensiyon; taktika.” Ang salitang Griego na ginamit dito, noʹe·ma, ay mula sa salitang nous, na nangangahulugang “isip.” Pero dito, tumutukoy ito sa masasamang pakana, o taktika, ni Satanas. Ginagamit ni Satanas ang lahat ng tusong pakana niya para mapahinto ang mga Kristiyano sa paglilingkod sa Diyos. Pero ang mga taktika ni Satanas ay inilantad ng mga Ebanghelyo, pati na ng iba pang naunang mga ulat sa Bibliya, gaya ng aklat ng Job. (Job 1:7-12; Mat 4:3-10; Luc 22:31; Ju 8:44) Sa liham naman ni Pablo, sinabi niya na “nadaya ng ahas si Eva sa tusong paraan” at na “si Satanas mismo ay laging nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.” (2Co 11:3, 14) Kaya naman sinabi ni Pablo na alam . . . natin ang mga pakana niya. May mga nagsasabi rin na gumamit dito si Pablo ng pag-uulit ng salita at puwede itong isaling “nauunawaan ng isip natin ang laman ng isip niya,” na tumutukoy sa masamang pag-iisip ni Satanas.

hindi ako napanatag dahil hindi ko nakita ang kapatid kong si Tito: Habang nasa Efeso, isinulat ni Pablo ang 1 Corinto, na naglalaman ng maraming matitinding payo. Pagkatapos, ipinadala niya si Tito sa Corinto para tumulong sa pagkolekta ng abuloy para sa mga kapatid sa Judea na nangangailangan. (2Co 8:1-6) Umasa si Pablo na magkikita sila ni Tito sa Troas, kaya nang hindi sila nagkita, sinabi niya: “Hindi ako napanatag.” Posibleng nalungkot si Pablo dahil hindi niya maririnig kay Tito ang naging reaksiyon ng mga taga-Corinto sa matitindi niyang payo. Hindi nahiya si Pablo na sabihin sa mga Kristiyano sa Corinto ang totoo niyang nararamdaman na nagpapakita kung gaano niya sila kamahal. Pagkatapos, “pumunta [siya] sa Macedonia,” kung saan sinalubong siya ni Tito ng magandang balita. Masayang-masaya si Pablo at nakahinga siya nang maluwag nang malaman niyang nakinig ang kongregasyon sa payo niya.—2Co 7:5-7; tingnan ang study note sa 2Co 7:5.

inaakay sa isang prusisyon ng tagumpay: Dalawang beses lang lumitaw sa Kasulatan ang salitang Griego na thri·am·beuʹo, na nangangahulugang “akayin sa isang prusisyon ng tagumpay.” Sa mga paglitaw na iyon, parehong makasagisag ang pagkakagamit ng salitang ito pero magkaibang bagay ang tinutukoy. (2Co 2:14; Col 2:15) Ang Romanong prusisyon ng tagumpay ay parada ng pasasalamat sa mga bathala at pagbibigay-pugay sa isang matagumpay na heneral. Makikita ang ganitong mga prusisyon sa mga eskultura, painting, at barya. Itinatampok din ang mga ito sa mga literatura at mga pagtatanghal sa teatro. Ang tagumpay ng mga Romano noong Hunyo 71 C.E. ay nakaukit sa Arko ni Tito sa Roma. Makikita roon ang mga sundalong Romano na may dalang sagradong mga sisidlan mula sa wasák na templo ng Jerusalem.

ipalaganap ang halimuyak: O “maipaamoy ang halimuyak.” Posibleng galing ang ekspresyong ito sa kaugalian ng pagsusunog ng insenso habang dumaraan ang prusisyon ng tagumpay. Inihalintulad ni Pablo ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa Diyos sa pagpapalaganap ng halimuyak.

mabangong amoy ni Kristo: Ang salitang Griego na isinalin ditong “mabangong amoy” ay eu·o·diʹa. Ginamit ang terminong ito sa Efe 5:2 at Fil 4:18 kasama ng salitang Griego na o·smeʹ (nangangahulugang “amoy”), at ang kombinasyong ito ay isinalin ding “mabangong amoy.” Sa Septuagint, ang dalawang salitang ito ay madalas na ginagamit na panumbas sa ekspresyong Hebreo para sa “nakagiginhawang amoy” na may kaugnayan sa mga handog sa Diyos. (Gen 8:21; Exo 29:18) Dito at sa naunang talata, itinuloy ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa prusisyon ng tagumpay at ikinumpara ang insensong ginagamit dito sa mabangong amoy ni Kristo. Iba-iba ang reaksiyon ng mga tao sa “amoy” na ito; may tatanggap sa mensahe ng mga Kristiyano, at mayroon ding tatanggi.

amoy: O “halimuyak.” Dalawang beses lumitaw ang salitang Griego na o·smeʹ sa talatang ito; ang isa ay sa ekspresyong “amoy ng kamatayan,” at ang isa pa ay sa ekspresyong “halimuyak ng buhay.” Ang terminong Griegong ito ay puwedeng tumukoy sa mabango (Ju 12:3; 2Co 2:14, 16; Efe 5:2; Fil 4:18) o mabahong amoy. Sa Isa 34:3 ng Septuagint, tumutukoy ito sa ‘alingasaw ng bangkay.’ Dito sa 2Co 2:16, iisa lang ang tinutukoy ng makasagisag na amoy sa dalawang paglitaw nito; tumutukoy ito sa mensaheng inihahayag ng mga alagad ni Jesus. Sa isang literal na prusisyon ng tagumpay, ipinaparada ang mga bihag at binibitay pagkatapos ng prusisyon. Para sa kanila, ang halimuyak ay “amoy ng kamatayan.” Sa ilustrasyon ni Pablo, ang pagiging mabango o mabaho ng amoy na ito ay depende sa reaksiyon ng mga indibidwal sa mensahe. Ang mensahe ay isang “halimuyak ng buhay” para sa mga tatanggap at magpapahalaga dito, pero ‘amoy ito ng kamatayan’ para sa mga tatanggi.

para sa mga bagay na ito: Tumutukoy sa uri ng ministeryo na inilarawan ni Pablo sa naunang mga talata. Kaya dito, itinatanong ni Pablo kung sino ang lubusang kuwalipikadong maging tunay na ministro ng Diyos at magpalaganap ng halimuyak ng kaalaman tungkol sa Kaniya.

Kami nga, dahil hindi kami: Sagot ito sa tanong sa dulo ng talata 16. Hindi pangahas si Pablo sa pagsasabing siya at ang mga kamanggagawa niya ay kuwalipikado sa ganitong ministeryo. Sa halip, kinikilala niya na lubusan silang umaasa sa Diyos para maging kuwalipikado, kaya sinabi niyang nagsasalita sila bilang mga isinugo ng Diyos. Isa pa, taimtim nilang isinasagawa ang ministeryo nila, ibig sabihin, malinis ang motibo nila.—2Co 3:4-6.

dahil hindi kami tagapaglako ng salita ng Diyos: O “dahil hindi namin ibinebenta [o, “pinagkakakitaan”] ang mensahe ng Diyos.” Di-gaya ng huwad na mga guro, malinis ang motibo ni Pablo, ng mga apostol, at ng mga kasama nila sa pangangaral ng dalisay na mensahe ng Diyos. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “tagapaglako” (ka·pe·leuʹo) ay tumutukoy noong una sa nagbebenta nang patingi-tingi o sa may-ari ng isang bahay-tuluyan, pero sa paglipas ng panahon, tumutukoy na rin ito sa isang taong mapandaya at sakim. Isang kaugnay na salitang Griego ang ginamit sa Isa 1:22 ng Septuagint, sa pariralang “ang iyong mga tagabenta ng alak [“may-ari ng taberna”] ay naghahalo ng tubig sa alak.” Sa mga Griego at Romano noon, hinahaluan muna ng tubig ang alak bago inumin. Para kumita ng mas malaki, dinadagdagan ng ilan ang tubig na inihahalo nila sa alak. Kaya sinasabi ng ilang iskolar na ang nasa isip dito ni Pablo ay ang madadayang tagabentang ito ng alak. Ginamit din ang metaporang ito sa mga literaturang Griego noon para ilarawan ang mga pilosopong nagpapalipat-lipat ng lugar para pagkakitaan ang mga turo nila. Nang banggitin ni Pablo ang maraming tagapaglako ng salita ng Diyos, lumilitaw na ang nasa isip niya ay ang huwad na mga ministro na nagdadagdag ng mga pilosopiya ng tao, tradisyon, at maling relihiyosong turo sa Salita ni Jehova. Dahil diyan, nasisira nila ang pagiging dalisay ng salita ng Diyos; nababawasan ang bango at sarap nito at humihina ang kakayahan nitong makapagpasaya sa tao.—Aw 104:15; tingnan ang study note sa 2Co 4:2.

Media