Unang Samuel 21:1-15

21  Nang maglaon, nakarating si David sa Nob+ sa saserdoteng si Ahimelec. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David, at sinabi niya rito: “Bakit nag-iisa ka at walang kasama?”+ 2  Sinabi ni David sa saserdoteng si Ahimelec: “May ipinagagawa sa akin ang hari. Pero sinabi niya, ‘Walang dapat makaalam sa misyon at sa mga tagubiling ibinigay ko sa iyo.’ May usapan kami ng mga tauhan ko na magkita sa isang lugar. 3  Ngayon, kung mayroon kang limang tinapay, o anumang mayroon ka riyan, ibigay mo sa akin.” 4  Pero sinabi ng saserdote kay David: “Walang pangkaraniwang tinapay ngayon, pero may banal na tinapay.+ Puwedeng kainin iyon ng mga tauhan mo kung nanatili silang hiwalay sa mga babae.”*+ 5  Sumagot si David sa saserdote: “Talagang nananatili kaming hiwalay sa mga babae kapag pumupunta sa labanan.+ Kung ang katawan ng mga tauhan ko ay banal kahit na ang misyon namin ay pangkaraniwan, tiyak na lalong banal sila ngayon!” 6  Kaya ibinigay sa kaniya ng saserdote ang banal na tinapay,+ dahil walang ibang tinapay roon maliban sa tinapay na pantanghal, na inalis na sa harap ni Jehova at kailangang palitan ng bagong tinapay sa araw na kunin iyon. 7  Nang araw na iyon, isang lingkod ni Saul ang naroon, dahil kailangan niyang manatili sa harap ni Jehova. Ang pangalan niya ay Doeg+ na Edomita,+ ang pinuno ng mga pastol ni Saul. 8  At sinabi ni David kay Ahimelec: “Mayroon ka bang maibibigay na sibat o espada? Hindi ko dinala ang sarili kong espada o mga sandata dahil apurahan ang ipinagagawa ng hari.” 9  Sumagot ang saserdote: “Nandito ang espada ni Goliat+ na Filisteo, na pinatay mo sa Lambak* ng Elah.+ Nakabalot iyon sa isang tela sa likuran ng epod.*+ Kung gusto mong kunin iyon para sa iyo, kunin mo, dahil iyon lang ang nandito.” Sinabi ni David: “Walang katulad iyon. Ibigay mo iyon sa akin.” 10  Nang araw na iyon, nagpatuloy si David sa pagtakas+ kay Saul, at nakarating siya kay Haring Akis ng Gat.+ 11  Ang mga lingkod ni Akis ay nagsabi sa kaniya: “Hindi ba ito si David, ang hari sa lupain? Hindi ba tungkol sa kaniya ang inaawit nila habang sumasayaw? Sinasabi nila,‘Si Saul ay nagpabagsak ng libo-libo,At si David ay ng sampu-sampung libo.’”+ 12  Pinag-isipan ni David ang sinabi nila, at natakot siya nang husto+ kay Haring Akis ng Gat. 13  Kaya nagkunwari siyang baliw+ sa harap nila at kumilos na parang nasisiraan ng bait habang kasama sila.* Minamarkahan niya ang mga pinto ng pintuang-daan at pinatutulo ang laway niya sa kaniyang balbas. 14  Bandang huli, sinabi ni Akis sa mga lingkod niya: “Nakita na ninyong baliw ang taong ito! Bakit pa ninyo siya dinala sa akin? 15  Kulang pa ba ang mga baliw rito kaya dinalhan pa ninyo ako ng isa? Dapat bang pumasok ang taong ito sa bahay ko?”

Talababa

O “kung hindi sila nakipagtalik.”
Tingnan sa Glosari.
O “Mababang Kapatagan.”
Lit., “sa kamay nila.”

Study Notes

Media