Unang Liham sa mga Taga-Corinto 13:1-13

13  Kung nakapagsasalita ako ng mga wika ng tao at ng anghel pero wala akong pag-ibig, gaya lang ako ng isang umaalingawngaw na gong o maingay na simbalo.* 2  At kung may kaloob ako na humula at nauunawaan ko ang lahat ng sagradong lihim at ibinigay sa akin ang lahat ng kaalaman,+ at sa laki ng pananampalataya ko ay makapaglilipat ako ng mga bundok,+ pero wala akong pag-ibig, wala pa rin akong kabuluhan.+ 3  At kahit ibigay ko ang lahat ng pag-aari ko para pakainin ang iba,+ at kahit ibigay ko ang buhay ko para may maipagmalaki ako, pero wala naman akong pag-ibig,+ wala pa rin akong pakinabang sa mga ito. 4  Ang pag-ibig+ ay matiisin+ at mabait.+ Ang pag-ibig ay hindi naiinggit.+ Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki,+ 5  hindi gumagawi nang hindi disente,+ hindi inuuna ang sariling kapakanan,+ at hindi nagagalit.+ Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.+ 6  Hindi ito natutuwa sa kasamaan+ kundi nagsasaya sa katotohanan. 7  Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay,+ pinaniniwalaan ang lahat ng bagay,+ inaasahan ang lahat ng bagay,+ at tinitiis ang lahat ng bagay.+ 8  Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo. Ang kaloob na humula ay aalisin; ang pagsasalita ng iba’t ibang wika ay matatapos din; ang kaalaman ay maglalaho. 9  Kulang pa tayo sa kaalaman+ at hindi kumpleto ang mga hula natin, 10  pero kapag lubos na natin itong naunawaan, ang kakulangan sa kaalaman at sa kakayahang manghula ay matatapos din. 11  Noong bata pa ako, nagsasalita ako, nag-iisip, at nangangatuwiran na gaya ng bata; pero ngayong malaki na ako, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata. 12  Sa ngayon, malabo pa ang nakikita natin na para bang tumitingin tayo sa isang salaming metal, pero makakakita rin tayo nang malinaw, na para bang nakikita natin nang mukhaan ang isang tao. Sa ngayon, kaunti pa lang ang alam ko tungkol sa Diyos, pero makikilala ko rin siya nang lubos* kung paanong lubos* niya akong nakikilala. 13  Gayunman, mananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; pero ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.+

Talababa

O “pompiyang.”
O “nang may katumpakan.”
O “may katumpakan.”

Study Notes

umaalingawngaw na gong o maingay na simbalo: Masakit sa tainga ang tunog ng umaalingawngaw na gong at maingay na simbalo. Ginamit ni Pablo ang ilustrasyong ito para ipakita na puwedeng makatawag-pansin ang isang tao na may kaloob ng espiritu, gaya ng pagsasalita ng iba’t ibang wika. Pero kung wala siyang pag-ibig, para lang siyang isang instrumentong bronse na masakit sa tainga at nakakairita; sa halip na maakit dito ang mga nakikinig, lumalayo sila.

makapaglilipat ako ng mga bundok: Lumilitaw na gumamit si Pablo ng isang idyoma noon na nangangahulugang “gawing posible ang isang bagay na imposible.”—Ihambing ang Mar 11:23, kung saan ginamit ang kahawig na ekspresyon may kaugnayan sa pananampalataya.

para may maipagmalaki ako: Sa kontekstong ito, ang pandiwang Griego na kau·khaʹo·mai (magmalaki) ay nagpapahiwatig ng pagtataas sa sarili. Sinasabi ni Pablo na kahit pa ibigay niya ang lahat ng pag-aari niya para pakainin ang iba o mamatay siya bilang martir para sa katotohanan, wala pa rin siyang makukuhang pakinabang kung ang motibo niya ay magmalaki at hindi dahil sa pag-ibig. (Kaw 25:27b) Sa ilang manuskrito, ginamit ang pandiwang Griego na nangangahulugang “masunog” sa halip na “maipagmalaki,” at ganito ang mababasa sa ilang salin ng Bibliya. Pero ang ginamit sa pinakamaaasahang mga manuskrito ay ang salita na nangangahulugang “maipagmalaki.”

pag-ibig: Kilalá ang paglalarawang ito sa pag-ibig; ginamit dito ni Pablo ang terminong Griego (a·gaʹpe) na ginamit din sa 1Ju 4:8-10, kung saan inilarawan ni Juan “ang pag-ibig ng Diyos.” Sinasabi pa nga ng talata 8 na “ang Diyos ay pag-ibig,” ibig sabihin, si Jehova ang personipikasyon ng pag-ibig. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Malinaw na mailalarawan ang Kristiyanong pag-ibig kung titingnan ang mga ginagawa nito. Ito ay hindi makasarili at ginagabayan ng prinsipyo. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may kasamang magiliw na pagmamahal ang pag-ibig na ginagabayan ng prinsipyo; ang pag-ibig na ito ay ipinapakita ng isa dahil ito ang tamang gawin. Halimbawa, puwedeng masaktan nang sobra ang isang tao. Pero dahil sa Kristiyanong pag-ibig, hindi siya “nagkikimkim ng sama ng loob.” (1Co 13:5) Ang makadiyos na pag-ibig na inilalarawan ni Pablo ay kombinasyon ng magiliw na pagmamahal at ng determinasyong gawin ang tama sa paningin ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 5:44; 22:37.

Ang pag-ibig ay matiisin: O “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis.” Ang salitang Griego ay puwedeng literal na isaling “magkaroon ng mahabang espiritu.” (Kingdom Interlinear) Ang pandiwa at pangngalan ng salitang ito ay nagpapahiwatig ng pagiging kalmado habang nagtitiis at pagiging hindi magagalitin. Ang pagtitiis ay katangian na bunga ng banal na espiritu ng Diyos (Gal 5:22) at tanda ng pagiging ministro ng Diyos. (2Co 6:4-6; Col 3:12; 1Te 5:14; tingnan ang Ap. A2.) Laging matiisin si Jehova at si Jesus sa pakikitungo nila sa mga tao. (Ro 2:4; 9:22; 1Ti 1:16; 1Pe 3:20; 2Pe 3:9, 15; tingnan ang study note sa Gal 5:22.) Para matularan ng mga Kristiyano si Jesus at si Jehova, dapat silang maging matiisin sa iba.—1Co 11:1; Efe 5:1.

Ang pag-ibig ay . . . mabait: Ang pandiwang Griego na isinaling “ay . . . mabait” (khre·steuʹo·mai) ay katumbas ng pangngalang khre·stoʹtes (kabaitan), na isang “katangian na bunga ng espiritu.” (Gal 5:22) Kasama sa pagpapakita ng kabaitan ang pagiging mapagmalasakit sa iba at pagtulong at pagbibigay ng pabor sa kanila nang bukal sa loob. Kasama rin dito ang pagiging maalalahanin at pagiging makonsiderasyon at mahinahon kapag tumutulong sa iba.—Col 3:12; Tit 3:4.

Ang pag-ibig ay hindi naiinggit: O “Ang pag-ibig ay hindi nagseselos.” Ang pandiwang Griego na ze·loʹo ay nagpapahiwatig ng matinding damdamin na puwedeng positibo o negatibo. Sa talatang ito, isinalin itong “naiinggit” dahil nagpapahiwatig ito ng negatibong damdamin ng isang tao para sa iniisip niyang karibal o nakakalamang sa kaniya. Ang kaugnay na pangngalang zeʹlos, na madalas isaling “selos,” ay kasama sa “mga gawa ng laman” sa Gal 5:19-21. Makasarili ito, at inuudyukan nito ang isang tao na magalit, sa halip na umibig. Ang makadiyos na pag-ibig ay hindi naiinggit, kundi laging nagtitiwala at umaasa; lagi nitong inuuna ang kapakanan ng iba.—1Co 13:4-7; para sa positibong pagkakagamit ng pandiwang Griego, tingnan ang study note sa 2Co 11:2.

hindi gumagawi nang hindi disente: O “hindi magaspang ang pag-uugali.” Saklaw ng terminong Griego na isinaling “gumagawi nang hindi disente” ang kahiya-hiyang paggawi dahil sa mababang moral o ang pagiging magaspang, bastos, o walang modo.

Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob: O “Hindi ito nagbibilang ng pagkakamali.” Ang pandiwang Griego na lo·giʹzo·mai, na puwede ring isaling “nagbibilang,” ay laging ginagamit noon para sa paggawa ng listahan o kalkulasyon. Puwede rin itong mangahulugang “isipin” o “laging alalahanin.” (Tingnan ang Fil 4:8, kung saan ang pandiwang Griegong ito ay isinaling “patuloy na isaisip.”) Ang isang mapagmahal na tao ay hindi “nagkikimkim ng sama ng loob,” na para bang inililista ang masasakit na salita o ginawa sa kaniya para hindi niya malimutan ang mga ito. Ito rin ang pandiwang Griego na ginamit sa 2Co 5:19, kung saan mababasa na ang bayan ni Jehova ay “hindi na niya . . . pananagutin sa mga kasalanan nila.”

Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay: Puwede itong literal na isaling “Tinatakpan nito ang lahat ng bagay.” (Kingdom Interlinear) Ayon sa ilang iskolar, ang pandiwang ito ay kaugnay ng salitang Griego para sa “bubong.” Para bang tinatakpan ng isang mapagmahal na tao ang mga pagkukulang ng iba kapag hindi niya ito basta-basta ikinukuwento o sinasabi kahit kanino kung hindi naman ito malubhang kasalanan. Ang pandiwang Griegong ito ay nangangahulugan ding “tiisin,” gaya ng pagkakagamit nito sa 1Co 9:12.

Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo: Hindi kailanman mawawala ang pag-ibig, dahil “ang Diyos ay pag-ibig” at siya “ang Haring walang hanggan.” (1Ju 4:16; 1Ti 1:17) Maipapakita ng masunuring mga tao ang ganitong pag-ibig magpakailanman. Isa pa, ang pag-ibig ay hindi kailanman nagkukulang. Maipapakita ang pag-ibig sa anumang sitwasyon, at kaya nitong harapin ang anumang hamon. Laging maganda ang resulta nito.—1Co 13:13.

pagsasalita ng iba’t ibang wika: O “makahimalang pagsasalita ng iba’t ibang wika.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:4; 1Co 12:10.

kaalaman: Tumutukoy sa espesyal na kaalaman na ibinigay ng banal na espiritu sa ilang Kristiyano noon. Hindi tayo sigurado kung ano ang eksaktong nagagawa ng kaloob na ito. Pero posibleng naaalala ng isang taong may kaloob ng kaalaman ang isang teksto sa Bibliya na nabasa niya noon at naiintindihan niya kung paano ito isasabuhay, kahit na walang sariling balumbon ang kongregasyon. Malaking tulong ito dahil hindi madaling makakuha ng kopya ng Salita ng Diyos noon, di-gaya ngayon. Ang espesyal na kaalaman, gaya ng ibang makahimalang kaloob ng espiritu, ay pansamantala lang at ibinigay para patibayin ang kongregasyong Kristiyano noong nagsisimula pa lang ito.—Tingnan ang study note sa 1Co 12:8.

maglalaho: Lit., “hindi na gagana.” Ibinigay ng Diyos ang makahimalang mga kaloob na ito sa mga apostol sa pamamagitan ng banal na espiritu. At naipapasa nila ang mga kaloob na ito sa iba. Kasama sa mga ito ang kaloob na humula, pagsasalita ng iba’t ibang wika, at espesyal na kaalaman. Pero maglalaho ang makahimalang mga kaloob na ito kapag sumulong na ang kongregasyong Kristiyano at naging matatag. (1Co 13:9-11) Sa panahong iyon, napatunayan na ng mga kaloob na ito na sinusuportahan at sinasang-ayunan ng Diyos ang kongregasyong Kristiyano, kaya puwede nang alisin ang mga ito.

Kulang pa tayo sa kaalaman at hindi kumpleto ang mga hula natin: Ayon kay Pablo, kulang ang makahimalang mga kaloob na ito ng kaalaman at panghuhula. Lumilitaw na hindi lubusang naiintindihan ng mga may kaloob na humula ang inihula nila at hindi rin kumpleto ang detalye ng sinasabi nilang mangyayari sa hinaharap. Kailangan pa nilang hintayin ang panahon kung kailan ‘lubos na nilang mauunawaan’ ang mga hula. (1Co 13:10; tingnan ang study note.) Pero sapat na ang kaalaman ng mga Kristiyano noon para sa espirituwal na pangangailangan nila nang panahong iyon.—Col 1:9, 10.

kapag lubos na natin itong naunawaan: Ang salitang Griego na teʹlei·os (isinalin ditong “lubos”) ay puwedeng mangahulugang “maygulang na; perpekto; kumpleto,” depende sa konteksto. Kahit may makahimalang kaloob ng ‘panghuhula’ at “kaalaman” ang ilang Kristiyano noong unang siglo, hindi nila lubos na nauunawaan ang layunin ng Diyos. (1Co 13:9) Sa talatang ito, ang teʹlei·os ay tumutukoy sa ‘lubos na pagkaunawa’ sa layunin ng Diyos na nakasulat sa Bibliya. Lubos nang mauunawaan ng mga Kristiyano ang mga hula sa Bibliya kapag lubos nang natupad ang mga ito at nangyari na ang kalooban ng Diyos.

bata . . . malaki na: Ginamit ni Pablo ang paglaki ng isang bata para ilarawan ang pagsulong ng kongregasyong Kristiyano. Di-gaya ng matatanda, laging kailangan ng tulong ng mga bata. Sa katulad na paraan, noong isinusulat ito ni Pablo, nakatulong sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano ang makahimalang mga kaloob, gaya ng panghuhula, pagsasalita ng iba’t ibang wika, at kaalaman. May panahon na kailangan ang mga kaloob na ito para malinaw na ipakita na ang pagsang-ayon ng Diyos ay nasa kongregasyong Kristiyano na at wala na sa bansang Judio. (Heb 2:3, 4) Pero ipinapakita dito ni Pablo na susulong, o magiging maygulang din, ang kongregasyon; at sa panahong iyon, hindi na nila kakailanganin ang makahimalang mga kaloob na ito.

malabo: Kadalasan nang tumutukoy ang terminong Griego na ito sa isang bugtong, pero puwede rin itong mangahulugang “malabo; kulang sa detalye.”

salaming metal: Noong panahon ng Bibliya, ang mga salamin ay karaniwan nang gawa sa pinakintab na metal—kadalasan nang bronse, pero minsan ay lata, tanso, pilak, o ginto. Malaking tulong ang salamin noon, pero mas malinaw pa rin na direktang tingnan ang isang bagay kaysa tingnan ito mula sa salamin. Ginamit ni Pablo ang salamin para sabihin na limitado ang pagkaunawa ng mga Kristiyano noon sa ilang espirituwal na mga bagay, lalo na sa mga hulang hindi pa natutupad. Hindi pa iyon ang panahon para isiwalat ng Diyos ang katuparan ng ilang hula, kaya malabo pa ang tingin ng mga Kristiyano sa layunin ng Diyos. Ipinapakita dito ni Pablo ang pagkakaiba kung sa salaming metal makikita ang isang tao at kung makikita siya nang mukhaan. Kaya makakakita lang nang malinaw ang mga Kristiyano, o lubusan nilang maiintindihan ang layunin ng Diyos, kapag natupad na ang mga hula sa Bibliya.

kung paanong lubos niya akong nakikilala: Ibig sabihin, lubos siyang nakikilala ng Diyos. Kilala ni Pablo ang Diyos, pero alam niyang di-hamak na mas kilala siya ng Diyos. Gayunman, alam niya na makikilala niya rin nang lubos si Jehova, o lubusan siyang magiging malapít sa Diyos, kapag natanggap na niya ang gantimpala niya sa langit.

ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig: Walang pasimula at walang wakas ang Diyos, at ang pinakapangunahing katangian niya ay pag-ibig. (Aw 90:2; 1Ju 4:8) Kaya mananatili ang pag-ibig, at ang pag-ibig ng mga mananamba ng Diyos, na tumutulad sa kaniya, ay lalo pang sisidhi at lalalim magpakailanman. (Efe 5:1) Iyan ang dahilan kung bakit nakakahigit ang pag-ibig kaysa sa pananampalataya at pag-asa. Kapag natupad na ang mga pangako at hula ng Diyos, hindi na kailangang manampalataya ng mga lingkod niya sa mga ito; wala na rin silang kailangang hintayin dahil natupad na ang mga inaasahan nila. Kaya pag-ibig ang pinakadakila sa mga katangiang binanggit ni Pablo.

Media