Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

LEKSIYON 2

Gustong Mapasaya ni Rebeka si Jehova

Gustong Mapasaya ni Rebeka si Jehova

Mahal ni Rebeka si Jehova. Asawa niya si Isaac. Mahal din ni Isaac si Jehova. Paano nagkakilala si Rebeka at si Isaac? Ano ang ginawa ni Rebeka para mapasaya si Jehova? Alamin natin ang kuwento niya.

Anak nina Abraham at Sara si Isaac. Nakatira sila sa Canaan. Pero hindi sumasamba kay Jehova ang mga kapitbahay nila. Gusto ni Abraham na ang mapangasawa ng kaniyang anak ay isang babaing sumasamba kay Jehova. Kaya inutusan niya ang kaniyang tagapaglingkod, malamang ay si Eliezer, na ihanap ng mapapangasawa si Isaac sa lugar na tinatawag na Haran. Doon nakatira ang ilang kamag-anak ni Abraham.

Ikinuha ni Rebeka ng tubig ang mga kamelyo kahit nakakapagod iyon

Pumunta si Eliezer sa Haran kasama ang ilang tagapaglingkod ni Abraham. Napakalayo n’on. Nagdala sila ng sampung kamelyo. May baon din silang pagkain at mga regalo. Paano makakapili si Eliezer ng babaing mapapangasawa ni Isaac? Pagdating nila sa Haran, nagpahinga sila sa isang balon. Alam kasi ni Eliezer na papunta na doon ang mga kababaihan para kumuha ng tubig. Nanalangin siya kay Jehova: ‘Hihingi po ako ng tubig sa isang dalaga, at kapag pinainom niya ako pati na ang aking mga kamelyo, ibig sabihin siya ang babaing pinili mo.’

Tapos, dumating sa balon si Rebeka. Sinasabi ng Bibliya na napakaganda niya. Humingi sa kaniya ng tubig si Eliezer. Sumagot si Rebeka: ‘Heto po, inom kayo. Ikukuha ko na rin ng tubig ang mga kamelyo ninyo.’ Aba, malakas uminom ng tubig ang uháw na mga kamelyo kaya pabalik-balik si Rebeka sa balon! Nakikita mo ba sa larawan kung gaano siya kasipag?​— Tuwang-tuwa si Eliezer sa sagot ni Jehova sa panalangin niya.

Binigyan ni Eliezer si Rebeka ng maraming magagandang regalo. Inimbitahan ni Rebeka sa bahay nila si Eliezer pati ang mga kasama nito. Sinabi ni Eliezer kung bakit siya pinapunta doon ni Abraham at kung paano sinagot ni Jehova ang panalangin niya. Pumayag ang pamilya ni Rebeka na mapangasawa niya si Isaac.

Sumama si Rebeka kay Eliezer papuntang Canaan at nagpakasal kay Isaac

Pero payag kaya si Rebeka na maging asawa si Isaac?​— Alam ni Rebeka na si Jehova ang nagpapunta kay Eliezer doon. Kaya nang tanungin siya ng kaniyang pamilya kung payag siyang pumunta sa Canaan para maging asawa ni Isaac, sinabi niya: ‘Opo, payag ako.’ Agad siyang sumama kay Eliezer. Pagdating sa Canaan, nagpakasal siya kay Isaac.

Tuwang-tuwa si Jehova dahil sinunod ni Rebeka ang gusto Niya. Kaya binigyan siya ni Jehova ng gantimpala. Pagkaraan ng maraming taon, sa kaniyang pamilya nanggaling si Jesus! Kung gagayahin mo si Rebeka at susundin si Jehova, matutuwa din siya sa iyo at bibigyan ka niya ng gantimpala.

BASAHIN SA IYONG BIBLIYA