ARALIN 43
Ano ang Dapat na Maging Pananaw ng mga Kristiyano sa Alak?
Sa buong mundo, iba-iba ang pananaw ng mga tao tungkol sa alak. May ilan na gustong uminom paminsan-minsan kasama ng mga kaibigan nila. May iba naman na hindi talaga umiinom ng alak. At may ilang tao pa nga na umiinom hanggang sa malasing. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-inom ng alak?
1. Mali bang uminom ng mga inuming de-alkohol?
Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak. Ang totoo, ang “alak na nagpapasaya sa puso ng tao” ay kasama sa mga regalo ng Diyos sa atin. (Awit 104:14, 15) May binabanggit pa nga sa Bibliya na tapat na mga lalaki at babae na uminom ng alak.—1 Timoteo 5:23.
2. Ano ang payo ng Bibliya sa mga umiinom ng alak?
Hinahatulan ni Jehova ang sobrang pag-inom ng alak at paglalasing. (Galacia 5:21) Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang maging gaya ng malalakas uminom ng alak.” (Kawikaan 23:20) Kaya kung gusto nating uminom kahit wala tayong kasama, dapat na hindi ito sobra-sobra, at siguraduhing makakapag-isip, makakapagsalita, at makakakilos pa rin tayo nang maayos. Siguraduhin din na hindi ito makakasira sa kalusugan natin. Pero kung hindi natin makontrol ang pag-inom, mas makakabuting huwag na lang tayong uminom.
3. Paano natin igagalang ang desisyon ng iba tungkol sa pag-inom ng alak?
Personal na desisyon ang pag-inom ng alak. Hindi natin dapat husgahan ang mga umiinom nang katamtaman, at hindi natin pipiliting uminom ang mga ayaw uminom ng alak. (Roma 14:10) Hindi rin tayo iinom kung magiging problema ito ng iba. (Basahin ang Roma 14:21.) Gusto nating ‘unahin ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili natin.’—Basahin ang 1 Corinto 10:23, 24.
PAG-ARALAN
Alamin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iyong magdesisyon kung iinom ka ng alak o kung gaano karami ang iinumin mo. Alamin din ang mga puwede mong gawin kung may problema ka sa pag-inom.
4. Mag-isip bago uminom
Ano ang pananaw ni Jesus tungkol sa pag-inom ng alak? Para malaman ang sagot, tingnan ang unang himala na ginawa niya. Basahin ang Juan 2:1-11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Sa himalang ito, ano ang matututuhan natin sa pananaw ni Jesus tungkol sa alak at sa mga umiinom nito?
-
Dahil hindi hinahatulan ni Jesus ang pag-inom ng alak, ano ang dapat na maging pananaw ng mga Kristiyano sa mga umiinom nito?
Pero kahit puwedeng uminom ang isang Kristiyano, hindi ibig sabihin nito na ito ang laging tamang gawin. Basahin ang Kawikaan 22:3. Pagkatapos, talakayin kung paano puwedeng makaapekto sa desisyon mo ang mga sitwasyong ito:
-
Magmamaneho ka o mag-o-operate ng makina.
-
Buntis ka.
-
Pinagbawalan ka ng doktor mo na uminom ng alak.
-
Hindi mo makontrol ang pag-inom ng alak.
-
Ipinagbabawal ng batas sa inyong lugar ang pag-inom ng alak.
-
May kasama ka na ayaw uminom ng alak kasi dati siyang may problema sa pag-inom.
Dapat ka bang maglabas ng alak sa isang kasalan o ibang gathering? Para matulungan kang magdesisyon, panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Roma 13:13 at 1 Corinto 10:31, 32. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano makakatulong ang prinsipyong ito para makagawa ka ng desisyong magpapasaya kay Jehova?
5. Kung gaano karami ang iinumin mo
Kung iinom ka ng inuming de-alkohol, tandaan ito: Hindi sinasabi ni Jehova na mali ang pag-inom ng alak. Pero sinasabi niya na mali ang sobrang pag-inom. Bakit? Basahin ang Oseas 4:11, 18. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Ano ang puwedeng mangyari sa isang tao kapag sobra siyang uminom ng alak?
Paano natin maiiwasang uminom nang sobra? Dapat na alam natin ang ating limitasyon. Basahin ang Kawikaan 11:2. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Bakit magandang magkaroon, o magtakda, ng limitasyon sa dami ng iinumin mo?
6. Ang puwedeng gawin para maihinto ang sobrang pag-inom ng alak
Tingnan kung paano naihinto ng isang lalaki ang paglalasing. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Ano ang epekto ng paglalasing sa buhay ni Dmitry?
-
Naihinto ba niya ito agad?
-
Ano ang nakatulong sa kaniya na magbagong-buhay?
Basahin ang 1 Corinto 6:10, 11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglalasing?
-
Ano ang nagpapakita na puwedeng magbago ang isang lasenggo?
Basahin ang Mateo 5:30. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Ang pagputol sa kamay ay nangangahulugan ng pagsasakripisyo para mapasaya si Jehova. Ano ang puwede mong gawin kung nahihirapan kang ihinto ang paglalasing? a
Basahin ang 1 Corinto 15:33. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano puwedeng makaimpluwensiya ang mga kaibigan mo sa pag-inom mo ng alak?
KUNG MAY MAGTANONG: “Masama bang uminom ng alak?”
-
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Ibinigay ni Jehova ang alak para maging masaya tayo. Pero hinahatulan niya ang sobrang pag-inom at paglalasing.
Ano ang Natutuhan Mo?
-
Ano ang pananaw ng Bibliya tungkol sa alak?
-
Ano ang mga puwedeng mangyari sa mga sobrang uminom ng alak?
-
Paano natin igagalang ang desisyon ng iba tungkol sa pag-inom ng alak?
TINGNAN DIN
Paano makakagawa ng tamang desisyon ang mga kabataan tungkol sa pag-inom ng alak?
Alamin ang mga puwede mong gawin para maihinto ang paglalasing.
Dapat bang gawin ng mga Kristiyano ang toasting?
“Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” (Ang Bantayan, Pebrero 15, 2007)
Sa kuwentong “Para Daw Akong Butás na Bariles,” tingnan kung paano nagbago ang isang dating manginginom.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Mayo 1, 2012)
a Baka kailangang magpatingin sa doktor ng isang alkoholiko para maihinto ang bisyo niya. Ipinapayo ng mga doktor na mas makakabuting huwag nang uminom ang mga may problema sa alak.