Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 34

Paano Natin Maipapakita na Mahal Natin si Jehova?

Paano Natin Maipapakita na Mahal Natin si Jehova?

Mas napalapít ka ba sa Diyos mula nang mag-aral ka ng Bibliya? Gusto mo bang mas mapatibay pa ang pakikipagkaibigan mo sa kaniya? Kung oo, tandaan na mas mamahalin at iingatan ka ni Jehova kapag nakikita niya na mas minamahal mo siya. Paano mo maipapakita na mahal mo si Jehova?

1. Paano natin maipapakita kay Jehova na mahal natin siya?

Kapag sinusunod natin si Jehova, ipinapakita natin na mahal natin siya. (Basahin ang 1 Juan 5:3.) Hindi niya tayo pinipilit na sundin siya. Ang totoo, binibigyan niya tayo ng pagkakataong pumili​—kung susundin natin siya o hindi. Bakit? Gusto kasi ni Jehova na maging “masunurin [tayo] mula sa puso.” (Roma 6:17) Ibig sabihin, gusto niya na sundin mo siya, hindi dahil napipilitan ka kundi dahil mahal mo siya. Kung gagawin mo ang mga gusto ni Jehova at iiwasan ang mga ayaw niya, maipapakita mong mahal mo siya. Tutulungan ka ng Seksiyon 3 at 4 na magawa ito.

2. Bakit mahirap kung minsan na maipakitang mahal natin si Jehova?

“Maraming paghihirap ang matuwid.” (Awit 34:19) Nahihirapan tayo dahil hindi tayo perpekto. Nahihirapan din tayo dahil sa problema sa ekonomiya, kawalang-katarungan, at iba pang mga problema. Dahil dito, baka mahirapan tayong sundin si Jehova kasi minsan, mas madaling gumawa ng mali. Pero kung susundin mo ang mga sinasabi ni Jehova, ipinapakita mo na mas mahal mo siya kaysa sa anumang bagay. Ipinapakita mo rin na tapat ka sa kaniya, kaya magiging tapat din siya sa iyo. Hinding-hindi ka niya iiwan.​—Basahin ang Awit 4:3.

PAG-ARALAN

Alamin kung bakit mahalaga kay Jehova ang pagiging masunurin mo, at tingnan kung ano ang makakatulong sa iyo para manatili kang tapat sa kaniya.

3. Ikaw at ang akusasyon ni Satanas

Ayon sa aklat ng Bibliya na Job, may akusasyon si Satanas kay Job. Pero hindi lang siya ang inakusahan ni Satanas, kundi pati na ang lahat ng tao na gustong maglingkod kay Jehova. Basahin ang Job 1:​1, 6–2:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Ayon kay Satanas, bakit sinusunod ni Job si Jehova?​—Tingnan ang Job 1:​9-​11.

  • Ano ang akusasyon ni Satanas sa iyo at sa lahat ng tao?​—Tingnan ang Job 2:4.

Basahin ang Job 27:5b. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Paano pinatunayan ni Job na mahal niya talaga si Jehova?

Pinatunayan ni Job na mahal niya si Jehova nang manatili siyang tapat sa kaniya

Mapapatunayan nating mahal natin si Jehova kung mananatili tayong tapat sa kaniya

4. Pasayahin ang puso ni Jehova

Basahin ang Kawikaan 27:11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag nagiging marunong ka at sinusunod mo siya? Bakit?

5. Puwede kang maging tapat kay Jehova

Dahil mahal natin si Jehova, sasabihin natin sa iba ang tungkol sa kaniya. At dahil tapat tayo sa kaniya, gagawin natin iyon kahit hindi iyon madali. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Nahihirapan ka bang sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova?

  • Ano ang nakatulong kay Grayson para maalis ang takot niya?

Kapag iniibig natin ang mga iniibig ni Jehova at kinapopootan ang mga kinapopootan niya, mas magiging madali para sa atin na maging tapat sa kaniya. Basahin ang Awit 97:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Sa mga natutuhan mo, ano ang ilang bagay na iniibig, o gusto, ni Jehova? Ano naman ang mga kinapopootan, o ayaw, niya?

  • Ano ang dapat mong gawin para matutuhan mong ibigin ang mabuti at kapootan ang masama?

6. Mapapabuti tayo kung susundin natin si Jehova

Ang pagsunod kay Jehova ang laging pinakamabuting gawin. Basahin ang Isaias 48:​17, 18. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Sa tingin mo, makakapagtiwala ba tayo na laging alam ni Jehova ang pinakamabuti para sa atin? Bakit?

  • Mula nang mag-aral ka ng Bibliya at makilala mo ang Diyos na Jehova, ano ang napansin mong epekto nito sa iyo?

KUNG MAY MAGTANONG: “Talaga bang puwede kong mapasaya ang Diyos sa mga ginagawa ko?”

  • Anong teksto ang babasahin mo para ipakita na puwede nating mapasaya o mapalungkot si Jehova dahil sa mga ginagawa natin?

SUMARYO

Maipapakita mong mahal mo si Jehova kung susundin mo siya at magiging tapat ka kahit may mga problema.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ni Job?

  • Paano mo mapapatunayan na mahal mo si Jehova?

  • Ano ang makakatulong para manatili kang tapat kay Jehova?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Alamin kung paano magiging tapat kay Jehova at sa kongregasyon.

“Sa Matapat ay Kikilos Ka Nang May Pagkamatapat” (16:49)

Alamin pa ang tungkol sa akusasyon ni Satanas sa mga tao.

“Nanatiling Tapat si Job” (Ang Bibliya​—Ano ang Mensahe Nito? seksiyon 6)

Tingnan kung paano maipapakita ng mga bata at kabataan na mahal nila si Jehova.

Pasayahin si Jehova (8:​16)

Paano magiging tapat sa Diyos ang mga kabataan kapag pine-pressure sila ng iba?

Huwag Magpadala sa Pressure ng Kasama! (4:​00)