ARAL 6
Walo ang Nakaligtas sa Baha
Si Noe, ang kaniyang pamilya, at ang mga hayop ay pumasok sa arka. Isinara ni Jehova ang pinto, at nagsimulang umulan. Napakalakas ng ulan kung kaya tumaas ang tubig at lumutang ang arka. Di-nagtagal, umapaw ang tubig sa buong lupa. Namatay ang lahat ng masasamang taong nasa labas ng arka. Pero si Noe at ang kaniyang pamilya ay ligtas sa loob ng arka. Naiisip mo ba kung gaano sila kasaya dahil sumunod sila kay Jehova?
Umulan nang 40 araw at 40 gabi. Nang tumigil ang ulan, unti-unting bumaba ang tubig. Ang arka ay sumadsad sa bundok. Pero medyo mataas pa rin ang tubig, kaya hindi agad nakalabas sina Noe at ang kaniyang pamilya.
Unti-unting natuyo ang tubig. Mahigit isang taon sa loob ng arka sina Noe. Sinabi sa kanila ni Jehova na puwede na silang lumabas. At paglabas nila, parang isang bagong mundo ang nakita nila. Tuwang-tuwa sila kasi iniligtas sila ni Jehova, kaya naghandog sila para pasalamatan siya.
Natuwa si Jehova sa kanilang handog. Nangako siyang hindi na niya wawasakin ang lahat ng bagay sa lupa sa pamamagitan ng baha. Bilang tanda ng pangakong iyan, pinalitaw niya sa langit ang unang bahaghari, o rainbow. Nakakita ka na ba ng bahaghari?
Pagkatapos, inutusan ni Jehova si Noe at ang pamilya nito na magkaanak para dumami ang tao sa lupa.
“Pumasok si Noe sa arka, at hindi . . . nagbigay-pansin [ang mga tao] hanggang sa dumating ang Baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:38, 39