ARALIN 26
Paano Namin Minamantini ang Aming Kingdom Hall?
Makikita sa bawat Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ang banal na pangalan ng Diyos. Kaya para sa amin, ang pagpapanatili nitong malinis, presentable, at maayos ay isang pribilehiyo at mahalagang bahagi ng aming sagradong pagsamba. Ang lahat ay puwedeng makibahagi.
Nagboboluntaryo kaming maglinis pagkatapos ng pulong. Pagkatapos ng bawat pulong, ang mga kapatid ay naglilinis sa Kingdom Hall. Pero isang beses sa isang linggo, mas nililinis itong mabuti. Isang elder o ministeryal na lingkod ang nangangasiwa sa paglilinis. Karaniwan nang may sinusundan siyang checklist sa paggawa nito. Ang ilang boluntaryo ay nagwawalis, naglalampaso, nagpupunas, nag-aayos ng upuan, o nagtatapon ng basura. Ang iba naman ay naglilinis ng CR, mga bintana at salamin, o bakuran o labas ng Kingdom Hall. May iniiskedyul ding general cleaning bawat taon. Kasama namin sa paglilinis ang aming mga anak kaya natuturuan namin silang igalang ang aming lugar ng pagsamba.—Eclesiastes 5:1.
Tumutulong kami sa kinakailangang pagkukumpuni. Taon-taon, iniinspeksiyon ang loob at labas ng Kingdom Hall. Regular itong ginagawa para makita ang kailangang ayusin, maagapan ang mga sira, at maiwasan ang di-kinakailangang gastusin. (2 Cronica 24:13; 34:10) Dapat lang na maging malinis at mamantini ang Kingdom Hall dahil ginagamit ito sa pagsamba sa aming Diyos. Kapag nakikibahagi kami sa gawaing ito, ipinapakita naming malapít sa puso namin si Jehova at ang aming lugar ng pagsamba. (Awit 122:1) Nagdudulot din ito ng magandang impresyon sa komunidad.—2 Corinto 6:3.
-
Bakit hindi namin dapat pabayaan ang aming lugar ng pagsamba?
-
Paano namin pinananatiling malinis ang Kingdom Hall?