KABANATA 19
Pagtuturo sa Isang Samaritana
-
TINURUAN NI JESUS ANG ISANG SAMARITANA AT ANG IBA PA
-
PAGSAMBANG SINASANG-AYUNAN NG DIYOS
Sa kanilang paglalakbay mula Judea pabalik sa Galilea, dumaan si Jesus at ang mga alagad niya sa distrito ng Samaria. Napagod sila sa paglalakbay. Kaya noong magtatanghali na, nagpahinga muna sila malapit sa lunsod ng Sicar, sa isang balon na malamang na hinukay o ipinahukay ni Jacob ilang daang taon na ang nakalilipas. Sa ngayon, makikita ang balong iyan malapit sa lunsod ng Nablus.
Habang nagpapahinga si Jesus sa may balon, pumunta sa katabing lunsod ang mga alagad niya para bumili ng pagkain. Mayamaya, isang Samaritana ang dumating para umigib ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?”—Juan 4:7.
Ang mga Judio at mga Samaritano ay matagal nang walang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa dahil sa matinding pagtatangi. Kaya nagtaka ang babae at nagtanong: “Isa kang Judio, kaya bakit ka humihingi sa akin ng maiinom kahit na isa akong Samaritana?” Sumagot si Jesus: “Kung alam mo lang ang walang-bayad na regalo ng Diyos at kung sino ang nagsasabi sa iyo, ‘Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?’ humingi ka sana sa kaniya ng tubig, at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” “Ginoo,” ang sabi ng babae, “wala ka man lang panalok ng tubig, at malalim ang balon. Kaya saan mo kukunin ang ibibigay mong tubig na nagbibigay-buhay? Nakahihigit ka ba sa ninuno naming si Jacob? Siya ang nagbigay sa amin ng balong ito, at uminom siya rito, pati na ang kaniyang mga anak at mga alagang baka.”—Juan 4:9-12.
“Ang lahat ng umiinom ng tubig na mula rito ay mauuhaw muli,” ang sabi ni Jesus. “Ang sinumang iinom sa tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw kailanman, at ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal ng tubig sa loob niya na magbibigay sa kaniya ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:13, 14) Oo, kahit pagod si Jesus, handa niyang ibahagi ang nagbibigay-buhay na katotohanan sa Samaritana.
Pagkatapos, sinabi ng babae: “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauhaw o paulit-ulit na pumunta rito para sumalok ng tubig.” Waring iniba ni Jesus ang usapan nang sabihin niya: “Tawagin mo ang iyong asawa at isama mo rito.” Sumagot ang babae: “Wala akong asawa.” Pero tiyak na nagulat siya nang sabihin ni Jesus ang nalalaman nito tungkol sa kaniya: “Tama ang sinabi mo, ‘Wala akong asawa.’ Nagkaroon ka ng limang asawa, at ang lalaking kasama mo ngayon ay hindi mo asawa.”—Juan 4:15-18.
Sa mga sinabing ito ni Jesus, nakita ng babae na hindi ordinaryong tao si Jesus, kaya sinabi nito: “Ginoo, ikaw ay isang propeta!” Pagkatapos, ipinakita ng babae na interesado siya sa espirituwal na mga bagay. Paano? Sinabi pa nito: “Ang mga ninuno namin [mga Samaritano] ay sumamba sa bundok na ito [Bundok Gerizim, na malapit lang], pero sinasabi ninyo [mga Judio] na sa Jerusalem dapat sumamba ang mga tao.”—Juan 4:19, 20.
Gayunman, ipinaliwanag ni Jesus na hindi mahalaga ang lugar kung saan sumasamba ang isa. Sinabi niya: “Darating ang panahon na hindi na ninyo sasambahin ang Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem man.” Sinabi pa niya: “Nagsisimula na ang panahon kung kailan sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at sa katotohanan, dahil ang totoo, hinahanap ng Juan 4:21, 23, 24.
Ama ang mga gustong sumamba sa kaniya sa ganitong paraan.”—Ang tinitingnan ng Ama sa tunay na mga mananamba ay hindi kung saan sila sumasamba kundi kung paano sila sumasamba. Humanga ang babae. “Alam ko na darating ang Mesiyas, na tinatawag na Kristo,” ang sabi niya. “Kapag dumating na siya, ihahayag niya sa amin ang lahat ng bagay.”—Juan 4:25.
Pagkatapos, isiniwalat ni Jesus ang isang mahalagang katotohanan: “Ako siya, ang nakikipag-usap sa iyo ngayon.” (Juan 4:26) Akalain mo! Isang babae na iigib lang ng tubig nang tanghaling iyon, pero pinagkalooban ni Jesus ng napakagandang pribilehiyo. Sinabi ni Jesus sa kaniya ang isang bagay na hindi pa nito nasasabi nang direkta sa ibang tao—na siya ang Mesiyas.
MARAMING SAMARITANO ANG NANIWALA
Pabalik na ang mga alagad ni Jesus mula sa Sicar na may dalang pagkain. Nakita nila si Jesus na naroon pa rin sa may balon ni Jacob, pero may kausap na siya ngayon na isang Samaritana. Pagdating ng mga alagad, iniwan ng babae ang kaniyang banga at pumunta sa lunsod.
Pagdating sa Sicar, ikinuwento ng babae sa mga tao ang mga sinabi ni Jesus sa kaniya. Walang pagdududa niyang sinabi sa kanila: “Sumama kayo sa akin para makita ninyo ang taong nakapagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko.” At marahil para lalo pa silang magkainteres at mag-usisa, idinagdag niya: “Hindi kaya siya ang Kristo?” (Juan 4:29) Napakahalagang paksa ang tanong na iyan, na panahon pa ni Moises ay interesado na ang mga tao. (Deuteronomio 18:18) Kaya lumabas sa lunsod ang mga tao para makita nila mismo si Jesus.
Samantala, paulit-ulit na sinasabi ng mga alagad kay Jesus na kumain ng dala nilang pagkain. Pero sumagot siya: “May pagkain ako na hindi ninyo alam.” Nagtaka ang mga alagad, kaya tinanong nila ang isa’t isa: “May nagbigay ba sa kaniya ng pagkain?” Sa mabait na paraan, nagpaliwanag si Jesus gamit ang mga salitang may kahulugan para sa lahat ng kaniyang tagasunod: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang gawain niya.”—Juan 4:32-34.
Ang gawaing tinutukoy ni Jesus ay hindi ang pag-aani ng butil, na mga apat na buwan pa bago magsimula. Ang tinutukoy niya ay espirituwal na pag-aani, na makikita sa sumunod niyang sinabi: “Tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani. Ang manggagapas ay tumatanggap na ng kabayaran at nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan para ang manghahasik at ang manggagapas ay makapagsayang magkasama.”—Malamang na alam na ni Jesus ang resulta ng pakikipag-usap niya sa Samaritana. Maraming taga-Sicar ang nanampalataya sa kaniya dahil sa patotoo ng babae, kasi sinasabi nito sa mga tao: “Nasabi niya sa akin ang lahat ng ginawa ko.” (Juan 4:39) Kaya pagdating ng mga taga-Sicar kay Jesus sa balon, hiniling nilang huwag muna siyang umalis at turuan pa sila. Pumayag si Jesus at nanatili sa Samaria nang dalawang araw.
Nang mapakinggan ng mga Samaritano si Jesus, marami pa ang naniwala sa kaniya. Sinabi nila sa babae: “Naniniwala kami ngayon, hindi lang dahil sa mga sinabi mo, kundi dahil kami na mismo ang nakarinig sa kaniya, at sigurado kami na ang taong ito ang tagapagligtas ng sangkatauhan.” (Juan 4:42) Magandang halimbawa ang Samaritana kung paano magpapatotoo tungkol kay Kristo—pinukaw niya ang interes ng mga kausap niya para kumuha sila ng higit pang impormasyon.
Tandaan na apat na buwan pa bago ang pag-aani—malamang na pag-aani ng sebada na ginagawa sa rehiyong ito tuwing tagsibol. Kaya posibleng Nobyembre o Disyembre na ngayon. Ibig sabihin, pagkatapos ng Paskuwa ng 30 C.E., mga walong buwan nang nasa Judea si Jesus at ang mga alagad niya, na nagtuturo at nagbabautismo. Pauwi na sila ngayon sa Galilea. Ano ang naghihintay sa kanila roon?