KABANATA 123
Nanalangin sa Panahon ng Labis na Kalungkutan
MATEO 26:30, 36-46 MARCOS 14:26, 32-42 LUCAS 22:39-46 JUAN 18:1
-
SI JESUS SA HARDIN NG GETSEMANI
-
ANG KANIYANG PAWIS AY NAGING GAYA NG DUGO
Tapos nang manalangin si Jesus kasama ng kaniyang tapat na mga apostol. Pagkatapos nilang “umawit ng mga papuri,” pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. (Marcos 14:26) Huminto sila sa hardin ng Getsemani sa silangan, na laging pinupuntahan ni Jesus.
Sa magandang lugar na ito na maraming puno ng olibo, iniwan ni Jesus ang walong apostol, marahil sa bukana ng hardin, at sinabi sa kanila: “Umupo kayo rito at pupunta ako roon para manalangin.” Isinama niya ang tatlong apostol—sina Pedro, Santiago, at Juan—sa loob ng hardin. Balisang-balisa si Jesus at sinabi sa tatlo: “Sukdulan ang kalungkutang nararamdaman ko. Dito lang kayo at patuloy na magbantay na kasama ko.”—Mateo 26:36-38.
Lumayo nang kaunti si Jesus sa kanila, at saka siya ‘sumubsob sa lupa at nanalangin.’ Ano ang hiniling niya sa Diyos sa ganito kaigting na sandali? “Ama, ang lahat ng bagay ay posible sa iyo; alisin mo sa akin ang kopang ito. Pero mangyari nawa, hindi ang gusto ko, kundi ang gusto mo.” (Marcos 14:35, 36) Ano ang ibig niyang sabihin? Tinatalikuran ba niya ang kaniyang papel bilang Manunubos? Hindi!
Naobserbahan ni Jesus mula sa langit ang matinding paghihirap ng mga pinapatay ng mga Romano. Ngayon, bilang taong may pakiramdam at nasasaktan, natural lang na hindi niya panabikan ang malapit nang mangyari sa kaniya. Higit sa lahat, hirap na hirap siya sa kaiisip na baka makasira sa pangalan ng kaniyang Ama na mamamatay siyang parang kriminal. Ilang oras na lang, siya ay ipapako sa tulos na para bang isang mamumusong sa Diyos.
Pagkatapos manalangin nang matagal, bumalik si Jesus at nadatnang tulog ang tatlong apostol. Sinabi niya kay Pedro: “Hindi ba ninyo kayang magbantay na kasama ko kahit isang oras? Patuloy kayong magbantay at manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.” Nakita ni Jesus na pagód at balisa na rin ang mga apostol, at gabing-gabi na. Sinabi niya: “Totoo naman, gusto ng puso, pero mahina ang laman.”—Mateo 26:40, 41.
Pagkatapos, umalis si Jesus sa ikalawang pagkakataon at hiniling sa Diyos na alisin sa kaniya ang “kopang ito.” Pagbalik niya, tulog na naman ang tatlong apostol, na dapat sana’y nananalangin para hindi sila matukso. Nang kausapin sila ni Jesus, hindi nila “malaman kung ano ang isasagot sa kaniya.” (Marcos 14:40) Umalis si Jesus sa ikatlong pagkakataon, at lumuhod para manalangin.
Sobra ang pag-aalala ni Jesus sa kasiraang idudulot sa pangalan ng kaniyang Ama ng kamatayan niya bilang kriminal. Pero pinakikinggan ni Jehova ang panalangin ng kaniyang Anak, at nagsugo siya ng anghel para patibayin si Jesus. Gayunman, hindi huminto si Jesus sa pagsusumamo sa kaniyang Ama, kundi “nanalangin pa siya nang mas marubdob.” Napakatindi ng paghihirap ng kalooban niya. Mabigat ang nakaatang sa balikat ni Jesus! Buhay na walang hanggan ang nakataya—ni Jesus at ng mga taong nananampalataya. Sa tindi ng nararamdaman niya, ang “pawis niya Lucas 22:44.
ay naging parang dugo na pumapatak sa lupa.”—Pagbalik ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, nadatnan niya uling natutulog ang mga apostol. “Sa panahong gaya nito,” ang sabi ni Jesus, “natutulog kayo at nagpapahinga? Malapit na ang oras kung kailan ibibigay ang Anak ng tao sa kamay ng mga makasalanan. Tumayo kayo, at umalis na tayo. Parating na ang magtatraidor sa akin.”—Mateo 26:45, 46.