KABANATA 81
Kaisa ng Ama, Pero Hindi Siya ang Diyos
-
“AKO AT ANG AMA AY IISA”
-
SINAGOT NI JESUS ANG AKUSASYONG INAANGKIN NIYANG SIYA ANG DIYOS
Nasa Jerusalem si Jesus para sa Kapistahan ng Pag-aalay (o, Hanukkah). Ang kapistahang ito ay pag-alaala sa muling pag-aalay sa templo. Mahigit 100 taon na ang nakalilipas, si Haring Antiochus IV Epiphanes ng Sirya ay nagtayo ng altar sa ibabaw ng malaking altar sa templo ng Diyos. Nang maglaon, nabawi ng mga anak ng isang saserdoteng Judio ang Jerusalem at muling inialay kay Jehova ang templo. Mula noon, isang taunang pagdiriwang ang ginaganap tuwing Kislev 25, ang buwan na tumatapat sa huling mga linggo ng Nobyembre at unang mga linggo ng Disyembre.
Taglamig na. Naglalakad si Jesus sa templo sa kolonada ni Solomon. Pinalibutan siya ng mga Judio at nagtanong: “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na sa amin.” (Juan 10:22-24) Ano ang tugon ni Jesus? Sumagot siya: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo naniwala.” Hindi direktang sinabi ni Jesus sa kanila na siya ang Kristo, di-gaya ng pag-amin niya sa Samaritana sa may balon. (Juan 4:25, 26) Pero isiniwalat niya sa kanila kung sino siya nang sabihin niya: “Bago pa umiral si Abraham, umiiral na ako.”—Juan 8:58.
Gusto ni Jesus na makita ng mga tao na ang ginagawa niya ay ang inihulang gagawin ng Kristo at sa gayon ay makilala nilang siya nga ang Kristo. Kaya may mga pagkakataong sinasabi niya sa mga alagad na huwag ipagsabing siya ang Mesiyas. Pero tahasan niyang sinasabi ngayon sa salansang na mga Judio: “Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng Ama ko ang nagpapatotoo tungkol sa akin. Pero hindi kayo naniniwala.”—Juan 10:25, 26.
Bakit hindi sila naniniwalang si Jesus ang Kristo? Sinabi niya: “Hindi kayo naniniwala, dahil hindi ko kayo mga tupa. Ang mga tupa ko ay nakikinig sa tinig ko, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at hindi sila kailanman mapupuksa, at walang sinumang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Ang ibinigay sa akin ng aking Ama ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pang bagay.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus kung gaano siya kalapít sa Ama: “Ako at ang Ama ay iisa.” (Juan 10:26-30) Nandito sa lupa si Jesus at nasa langit ang kaniyang Ama, kaya hindi niya sinasabing literal na iisa sila ng kaniyang Ama. Sa halip, iisa ang layunin nila, nagkakaisa sila.
Nagalit ang mga Judio kay Jesus at dumampot ng bato para patayin siya. Pero hindi natakot si Jesus. “Marami akong ipinakitang mabubuting gawa mula sa Ama,” ang sabi niya. “Alin sa mga gawang iyon ang dahilan kung bakit ninyo ako babatuhin?” Sumagot sila: “Babatuhin ka namin, hindi dahil sa mabuting gawa, kundi dahil sa pamumusong; . . . ginagawa mong diyos ang sarili mo.” (Juan 10:31-33) Hindi kailanman inangkin ni Jesus na isa siyang diyos, kaya bakit ganito ang akusasyon nila?
Totoo, sinabi ni Jesus na may kapangyarihan siya, na sa tingin ng mga Judio ay taglay lamang ng Diyos. Halimbawa, tungkol sa mga “tupa” ay sinabi niya: “Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan,” isang bagay na hindi magagawa ng tao. (Juan 10:28) Ang problema, binabale-wala ng mga Judio ang malinaw na sinabi ni Jesus na ang awtoridad niya ay galing sa kaniyang Ama.
Sinagot ni Jesus ang paratang nila: “Hindi ba nakasulat sa inyong Kautusan [sa Awit 82:6], ‘Sinabi ko: “Kayo ay mga diyos”’? Kung tinawag ng Diyos na ‘mga diyos’ ang mga hinatulan ng kaniyang salita . . . bakit ako na pinabanal at isinugo ng Ama sa mundo ay pinararatangan ninyo ng pamumusong dahil sinabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos’?”—Juan 10:34-36.
Oo, maging ang di-makatarungang mga hukom na tao ay tinatawag sa Kasulatan na “mga diyos.” Kaya ano ang nakikita nilang mali sa sinabi ni Jesus na “Ako ay Anak ng Diyos”? Nagbigay si Jesus ng puntong dapat makakumbinsi sa kanila: “Kung hindi ko ginagawa ang kagustuhan ng Ama ko, huwag kayong maniwala sa akin. Pero kung ginagawa ko iyon, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, Juan 10:37, 38.
maniwala kayo sa mga gawa, para malaman ninyo at patuloy na malaman na ang Ama ay kaisa ko at ako ay kaisa ng Ama.”—Tinangka nilang dakpin si Jesus, pero nakatakas siya ulit. Tumawid siya sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan, sa lugar kung saan nagsimulang magbautismo si Juan halos apat na taon na ang nakalilipas. Lumilitaw na malapit ito sa pinakatimog ng Lawa ng Galilea.
Marami ang pumunta kay Jesus at nagsabi: “Hindi gumawa si Juan ng kahit isang himala, pero totoo ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito.” (Juan 10:41) Kaya maraming Judio ang nanampalataya kay Jesus.