Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 26

“Pinatatawad Na ang mga Kasalanan Mo”

“Pinatatawad Na ang mga Kasalanan Mo”

MATEO 9:1-8 MARCOS 2:1-12 LUCAS 5:17-26

  • PINATAWAD NI JESUS ANG MGA KASALANAN NG ISANG PARALITIKO AT PINAGALING ITO

Nabalitaan na ng mga tao sa malalayong lugar ang tungkol kay Jesus. Kahit sa liblib na lugar, pinuntahan pa rin siya ng marami para lang mapakinggan siyang magturo at makitang gumawa ng himala. Pero pagkaraan ng ilang araw, bumalik siya sa Capernaum, ang sentro ng gawain niya. Kumalat agad ang balita na nakabalik na siya sa lunsod na ito na malapit sa Lawa ng Galilea. Dahil dito, dumagsa ang mga tao sa bahay na tinutuluyan niya. Ang ilan ay Pariseo at guro ng Kautusan na nagmula sa Galilea at Judea, pati na sa Jerusalem.

“Dumagsa ang mga tao sa bahay kaya wala nang puwesto kahit sa may pintuan, at nangaral siya sa kanila tungkol sa salita ng Diyos.” (Marcos 2:2) At ngayon, isang pambihirang bagay ang mangyayari—isang kaganapang tutulong sa atin na makitang may kapangyarihan si Jesus na alisin ang sanhi ng pagdurusa ng tao at pagalingin ang sinumang gusto niya.

Habang nagtuturo si Jesus sa isang siksikang kuwarto, apat na lalaki ang dumating dala ang isang paralitiko na nasa higaan. Gusto nilang pagalingin ni Jesus ang kanilang kaibigan. Pero sa dami ng tao, “hindi nila ito mailapit kay Jesus.” (Marcos 2:4) Tiyak na nadismaya sila! Pero umakyat sila at inalis ang bubong sa tapat ni Jesus, at saka ibinaba ang higaan ng paralitiko.

Nagalit ba si Jesus sa ginawa nila? Hindi! Humanga si Jesus sa pananampalataya nila at sinabi sa paralitiko: “Pinatatawad na ang mga kasalanan mo.” (Mateo 9:2) Talaga bang makapagpapatawad ng mga kasalanan si Jesus? Ginawa itong isyu ng mga eskriba at mga Pariseo. Ang katuwiran nila: “Bakit ganiyan magsalita ang taong iyan? Namumusong siya. Hindi ba ang Diyos lang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”—Marcos 2:7.

Alam ni Jesus kung ano ang iniisip nila kaya sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng ganiyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at buhatin mo ang higaan mo at lumakad ka’?” (Marcos 2:8, 9) Oo, salig sa hain na ihahandog ni Jesus sa kalaunan, maaari niyang patawarin ang mga kasalanan ng lalaki.

Pagkatapos, ipinakita ni Jesus sa mga tao, pati na sa mga namumuna, na may awtoridad siyang magpatawad ng mga kasalanan sa lupa. Humarap siya sa paralitiko at inutusan ito: “Sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.” Agad na bumangon ang lalaki, binuhat ang higaan niya, at lumakad palabas. Manghang-mangha ang lahat! Pinuri nila ang Diyos at sinabi: “Ngayon lang kami nakakita ng ganito”!—Marcos 2:11, 12.

Kapansin-pansin na binanggit ni Jesus ang kasalanan kaugnay ng pagkakasakit at na ang kapatawaran ng kasalanan ay maiuugnay sa pisikal na paggaling. Itinuturo ng Bibliya na nagkasala ang ating unang magulang na si Adan at na namana nating lahat ang epekto ng kasalanan, ang sakit at kamatayan. Pero sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, patatawarin ni Jesus ang mga kasalanan ng lahat ng umiibig at naglilingkod sa Diyos. Sa gayon, mawawala na ang sakit magpakailanman.—Roma 5:12, 18, 19.