Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 28

Bakit Hindi Nag-aayuno ang mga Alagad ni Jesus?

Bakit Hindi Nag-aayuno ang mga Alagad ni Jesus?

MATEO 9:14-17 MARCOS 2:18-22 LUCAS 5:33-39

  • NAGTANONG KAY JESUS ANG MGA ALAGAD NI JUAN TUNGKOL SA PAG-AAYUNO

Nabilanggo si Juan Bautista mga ilang panahon matapos dumalo si Jesus sa Paskuwa ng 30 C.E. Gusto ni Juan na maging tagasunod ni Jesus ang mga alagad niya, pero may ilang alagad siya na hindi pa rin sumusunod kay Jesus kahit ilang buwan na ang nakalilipas mula nang mabilanggo si Juan.

Ngayong palapit na ang Paskuwa ng 31 C.E., nagtanong kay Jesus ang ilang alagad ni Juan: “Kami at ang mga Pariseo ay nag-aayuno, pero bakit ang mga alagad mo, hindi?” (Mateo 9:14) Ang mga Pariseo ay nag-aayuno dahil isa itong ritwal ng kanilang relihiyon. Nang maglaon, ginamit pa ngang ilustrasyon ni Jesus ang tungkol sa isang mapagmatuwid na Pariseo na nanalangin: “O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang mga tao . . . Dalawang beses akong nag-aayuno linggo-linggo.” (Lucas 18:11, 12) Baka nag-aayuno rin ang mga alagad ni Juan dahil kaugalian nila ito. O baka nag-aayuno sila para ipakitang nalulungkot sila sa pagkakabilanggo ni Juan. Nagtataka rin ang mga nagmamasid kung bakit hindi nag-aayuno ang mga alagad ni Jesus, marahil para man lang makidalamhati sa nangyari kay Juan.

Sinagot sila ni Jesus gamit ang isang halimbawa: “Ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal ay walang dahilan na malungkot hangga’t kasama nila siya, hindi ba? Pero darating ang panahon na kukunin na siya sa kanila. Saka pa lang sila mag-aayuno.”—Mateo 9:15.

Tinukoy mismo ni Juan si Jesus bilang isang nobyo. (Juan 3:28, 29) Kaya naman hindi kailangang mag-ayuno ng mga alagad ni Jesus habang kasama pa nila siya. Kapag namatay si Jesus, magdadalamhati ang mga alagad niya at mawawalan ng ganang kumain. Pero kapag binuhay na siyang muli, wala nang dahilan para magdalamhati sila at mag-ayuno.

Pagkatapos, nagbigay si Jesus ng dalawang ilustrasyon: “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lálaki ang punit. Wala rin namang taong naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa niya ito, puputok ang sisidlan, matatapon ang alak, at hindi na magagamit ang sisidlan. Kaya inilalagay ng mga tao ang bagong alak sa bagong sisidlang balat.” (Mateo 9:16, 17) Ano ang punto ni Jesus?

Tinutulungan ni Jesus ang mga alagad ni Juan na maintindihan na hindi dapat asahan ng sinuman na susunod ang mga alagad ni Jesus sa lumang kaugalian ng Judaismo, gaya ng pag-aayuno bilang ritwal. Hindi siya pumunta sa lupa para ituloy ang sinaunang paraan ng pagsamba na malapit nang palitan. Ang pagsambang itinuturo ni Jesus ay hindi kaayon ng kasalukuyang Judaismo na hinaluan ng tradisyon ng mga tao. Oo, hindi siya nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit ni naglalagay man siya ng bagong alak sa lumang sisidlang balat.