Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 16

Manindigan Ka Para sa Tunay na Pagsamba

Manindigan Ka Para sa Tunay na Pagsamba
  • Ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa paggamit ng mga imahen?

  • Ano ang pangmalas ng mga Kristiyano sa relihiyosong mga kapistahan?

  • Paano mo ipaliliwanag sa iba ang iyong mga paniniwala nang hindi sila masasaktan?

1, 2. Ano ang dapat mong itanong sa iyong sarili pagkatapos mong iwan ang huwad na relihiyon, at sa palagay mo, bakit kaya ito mahalaga?

IPAGPALAGAY na nalaman mong may palihim na nagtatapon ng nakalalasong basura sa inyong pamayanan. Dahil dito, nanganganib ngayon ang buhay ng mga tao sa inyong lugar. Ano ang gagawin mo? Tiyak na lalayo ka hangga’t maaari. Ngunit kahit na nagawa mo na iyan, mapapaharap ka pa rin sa seryosong tanong na ito, ‘Nalason kaya ako?’

2 Ganiyan din ang kalagayan kung tungkol sa huwad na relihiyon. Itinuturo ng Bibliya na ang gayong pagsamba ay nahawahan ng maruruming turo at mga kaugalian. (2 Corinto 6:17) Iyan ang dahilan kung bakit mahalaga na lumabas ka sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:2, 4) Ginawa mo na ba ito? Kung oo, karapat-dapat kang papurihan. Ngunit higit pa ang nasasangkot kaysa sa basta paghihiwalay ng iyong sarili o pag-alis mula sa huwad na relihiyon. Pagkatapos nito, dapat mong tanungin ang iyong sarili, ‘Mayroon pa bang naiwang anumang bahid ng huwad na relihiyon sa akin?’ Talakayin natin ang ilang halimbawa.

MGA IMAHEN AT PAGSAMBA SA MGA NINUNO

3. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paggamit ng mga imahen, at bakit maaaring nahihirapan ang ilan na tanggapin ang pangmalas ng Diyos? (b) Ano ang dapat mong gawin sa anumang bagay na pag-aari mo na may kaugnayan sa huwad na pagsamba?

3 Ang ilan ay matagal nang may mga imahen o dambana sa kanilang tahanan. Totoo rin ba ito sa iyo? Kung oo, baka madama mo na kakatwa o mali na manalangin sa Diyos nang walang gayong nakikitang pantulong. Baka napamahal na nga sa iyo ang ilan sa mga bagay na ito. Ngunit ang Diyos ang siyang magsasabi kung paano siya dapat sambahin, at itinuturo ng Bibliya na ayaw niyang gumamit tayo ng mga imahen. (Exodo 20:4, 5; Awit 115:4-8; Isaias 42:8; 1 Juan 5:21) Kaya maaari kang manindigan para sa tunay na pagsamba kung sisirain mo ang anumang bagay na pag-aari mo na may kaugnayan sa huwad na pagsamba. Tiyak na ang dapat maging pangmalas mo rito ay gaya ng pangmalas ni Jehova​—bilang isang bagay na “karima-rimarim.”​—Deuteronomio 27:15.

4. (a) Paano natin nalaman na walang saysay ang pagsamba sa mga ninuno? (b) Bakit pinagbawalan ni Jehova ang kaniyang bayan na makibahagi sa anumang anyo ng espiritismo?

4 Ang pagsamba sa mga ninuno ay karaniwan din sa maraming huwad na relihiyon. Bago natutuhan ang katotohanan sa Bibliya, naniniwala ang ilan na ang mga patay ay may malay sa isang di-nakikitang daigdig at na kaya nilang tulungan o pinsalain ang mga nabubuhay. Marahil ay nagsisikap ka noon nang husto para mapaglubag ang iyong namatay na mga ninuno. Pero gaya ng natutuhan mo sa Kabanata 6 ng aklat na ito, ang mga patay ay hindi na umiiral at walang malay saanmang dako. Kaya naman, walang saysay ang mga pagsisikap na makipagtalastasan sa kanila. Anumang mensahe na waring nanggaling sa isang namatay nang mahal sa buhay ay nagmula talaga sa mga demonyo. Kaya naman, pinagbawalan ni Jehova ang mga Israelita na sikaping makipag-usap sa mga patay o makibahagi sa anumang anyo ng espiritismo.​—Deuteronomio 18:10-12.

5. Ano ang maaari mong gawin kung ang paggamit ng mga imahen o pagsamba sa mga ninuno ay bahagi ng dati mong pagsamba?

5 Kung ang paggamit ng mga imahen o pagsamba sa mga ninuno ay bahagi ng dati mong paraan ng pagsamba, ano ang maaari mong gawin? Basahin at bulay-bulayin mo ang mga teksto sa Bibliya na nagpapakita kung ano ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay na ito. Araw-araw na idalangin kay Jehova ang iyong hangaring manindigan para sa tunay na pagsamba, at hilingin sa kaniya na tulungan kang mag-isip na kagaya niya.​—Isaias 55:9.

PASKO​—HINDI IPINAGDIWANG NG SINAUNANG MGA KRISTIYANO

6, 7. (a) Ano ang diumano’y ginugunita sa Pasko, at ipinagdiwang ba ito ng unang-siglong mga tagasunod ni Jesus? (b) Saan nauugnay ang mga pagdiriwang ng kaarawan noong panahon ng sinaunang mga alagad ni Jesus?

6 Ang pagsamba ng isang tao ay maaaring marumhan ng huwad na relihiyon kung popular na mga kapistahan ang pag-uusapan. Halimbawa, isaalang-alang ang Pasko. Ang Pasko diumano’y nagpapagunita sa kapanganakan ni Jesu-Kristo, at ipinagdiriwang ito ng halos lahat ng relihiyon na nag-aangking Kristiyano. Gayunman, walang katibayan na ipinagdiwang ng unang-siglong mga alagad ni Jesus ang gayong kapistahan. Ganito ang sabi ng aklat na Sacred Origins of Profound Things: “Sa loob ng dalawang siglo mula nang isilang si Kristo, walang nakaaalam, at iilang tao lamang ang interesado, kung kailan talaga siya isinilang.”

7 Kahit na alam pa ng mga alagad ni Jesus ang eksaktong petsa ng kaniyang kapanganakan, hindi nila ito ipagdiriwang. Bakit? Sapagkat, gaya ng sinabi ng The World Book Encyclopedia, “itinuturing [ng sinaunang mga Kristiyano] na ang selebrasyon ng kapanganakan ninuman ay isang kaugaliang pagano.” Ang tanging pagdiriwang ng kaarawan na binanggit sa Bibliya ay yaong sa dalawang tagapamahala na hindi sumasamba kay Jehova. (Genesis 40:20; Marcos 6:21) Ipinagdiriwang din ang mga kaarawan bilang pagpaparangal sa mga bathalang pagano. Halimbawa, tuwing Mayo 24, ipinagdiriwang ng mga Romano ang kaarawan ng diyosang si Diana. Kinabukasan, ipinagdiriwang naman nila ang kaarawan ng kanilang diyos-araw, si Apolo. Samakatuwid, ang mga pagdiriwang ng kaarawan ay nauugnay sa paganismo at hindi sa Kristiyanismo.

8. Ipaliwanag ang kaugnayan ng mga pagdiriwang ng kaarawan at ng pamahiin.

8 May isa pang dahilan kung bakit hindi ipagdiriwang ng unang-siglong mga Kristiyano ang kaarawan ni Jesus. Malamang na alam ng mga alagad niya na ang mga pagdiriwang ng kaarawan ay nauugnay sa pamahiin. Halimbawa, naniniwala ang maraming Griego at Romano noong sinaunang panahon na isang espiritu ang naroroon kapag isinisilang ang isang tao at habang-buhay na ipagsasanggalang ng espiritu ang taong iyon. “Ang espiritung ito ay may misteryosong kaugnayan sa diyos na siyang may kaarawan sa [mismong] araw kung kailan isinilang ang indibiduwal,” ang sabi ng aklat na The Lore of Birthdays. Tiyak na hindi matutuwa si Jehova sa anumang pagdiriwang na mag-uugnay kay Jesus sa pamahiin. (Isaias 65:11, 12) Kung gayon, bakit ipinagdiriwang ng maraming tao ang Pasko?

ANG PINAGMULAN NG PASKO

9. Paano napili ang Disyembre 25 bilang petsa para ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus?

9 Lumipas pa ang ilang daang taon mula nang mabuhay si Jesus dito sa lupa bago sinimulang alalahanin ng mga tao ang kaniyang kapanganakan tuwing Disyembre 25. Ngunit hindi iyan ang petsa ng kapanganakan ni Jesus, dahil lumilitaw na nangyari ito sa buwan ng Oktubre. * Kaya bakit Disyembre 25 ang napili? Malamang na “nais ng [ilan na nag-angking Kristiyano noong dakong huli] na ang petsa ay makasabay ng paganong kapistahang Romano na gumugunita sa ‘araw ng kapanganakan ng di-malupig na araw.’ ” (The New Encyclopædia Britannica) Sa panahon ng taglamig, kung kailan waring pinakamahina ang araw, nagdaraos ang mga pagano ng mga seremonya upang pabalikin ang pinagmumulang ito ng init at liwanag mula sa malayong paglalakbay nito. Ang Disyembre 25 ang inaakalang petsa ng pasimula ng pagbabalik nito. Sa pagsisikap na makumberte ang mga pagano, tinanggap ng relihiyosong mga lider ang kapistahang ito at sinikap na magmukha itong “Kristiyano.” *

10. Bakit hindi nagdiriwang ng Pasko ang ilang tao noon?

10 Matagal nang alam na pagano ang pinagmulan ng Pasko. Dahil sa di-makakasulatang pinagmulan nito, ipinagbawal ang Pasko sa Inglatera at sa ilang kolonya ng Amerika noong ika-17 siglo. Pinagmulta pa nga ang sinumang hindi magtrabaho sa araw ng Pasko. Gayunman, di-nagtagal at bumalik ang dating mga kaugalian, at nadagdagan pa ng ilang bagong kaugalian. Muli na namang naging malaking kapistahan ang Pasko, at nananatili itong gayon hanggang sa ngayon sa maraming lupain. Subalit dahil sa mga kaugnayan ng Pasko sa huwad na relihiyon, ang mga nagnanais palugdan ang Diyos ay hindi nagdiriwang nito o ng anumang iba pang kapistahan na nag-ugat sa pagsambang pagano. *

TALAGA BANG MAHALAGA KUNG SAAN NAGMULA ANG MGA KAPISTAHAN?

11. Bakit nagdiriwang ng kapistahan ang ilang tao, ngunit ano ang dapat maging pangunahin sa atin?

11 Sumasang-ayon ang ilan na ang mga kapistahang gaya ng Pasko ay may paganong pinagmulan, ngunit nadarama pa rin nila na hindi naman maling ipagdiwang ang mga ito. Sa katunayan, hindi iniisip ng karamihan sa mga tao ang tungkol sa huwad na pagsamba kapag ipinagdiriwang nila ang mga kapistahan. Ang mga okasyong ito ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa mga pamilya na magsama-sama. Ganiyan din ba ang nadarama mo? Kung oo, malamang na pag-ibig sa pamilya at hindi pag-ibig sa huwad na relihiyon ang waring nagpapahirap sa iyo na manindigan para sa tunay na pagsamba. Makaaasa ka na nais ni Jehova, ang isa na nagpasimula ng pamilya, na magkaroon ka ng mabuting kaugnayan sa iyong mga kamag-anak. (Efeso 3:14, 15) Ngunit maaari mong patibayin ang gayong mga buklod sa mga paraang sinasang-ayunan ng Diyos. May kaugnayan sa bagay na dapat maging pangunahin sa atin, sumulat si apostol Pablo: “Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”​—Efeso 5:10.

Kakainin mo ba ang isang kendi na napulot sa kanal?

12. Ilarawan kung bakit natin dapat iwasan ang mga kaugalian at mga pagdiriwang na may masamang pinagmulan.

12 Maaaring nadarama mo na ang pinagmulan ng mga kapistahan ay wala namang kaugnayan sa paraan ng pagdiriwang sa mga ito sa ngayon. Talaga bang mahalaga kung saan nagmula ang mga kapistahan? Oo! Bilang paglalarawan: Ipagpalagay na nakakita ka ng isang kendi sa kanal. Pupulutin mo ba ang kending iyon at kakainin ito? Siyempre hindi! Marumi ang kending iyon. Tulad ng kending iyon, ang mga kapistahan ay waring kanais-nais, ngunit napulot ang mga ito sa maruruming lugar. Upang makapanindigan para sa tunay na pagsamba, kailangan nating magkaroon ng pangmalas na kagaya ng kay propeta Isaias, na nagsabi sa tunay na mga mananamba: “Huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi.”​—Isaias 52:11.

GUMAMIT NG KAUNAWAAN SA PAKIKITUNGO SA IBA

13. Anong mga hamon ang maaaring bumangon kapag hindi ka nakikibahagi sa mga kapistahan?

13 Maaaring bumangon ang mga hamon kapag pinili mong hindi makibahagi sa mga kapistahan. Halimbawa, baka magtaka ang mga katrabaho mo kung bakit hindi ka nakikisali sa ilang gawaing may kaugnayan sa kapistahan sa iyong pinagtatrabahuhan. Paano kung bigyan ka ng regalo sa Pasko? Mali bang tanggapin ito? Paano kung hindi mo naman kapananampalataya ang iyong asawa? Ano ang maaari mong gawin upang matiyak na hindi makadarama ang inyong mga anak na sila’y pinagkakaitan dahil sa hindi pagdiriwang ng mga kapistahan?

14, 15. Ano ang maaari mong gawin kung may bumati sa iyo may kaugnayan sa isang kapistahan o kung may gustong magregalo sa iyo?

14 Kailangan ang mahusay na pagpapasiya upang maunawaan kung paano haharapin ang bawat situwasyon. Kung nagkataong may bumati sa iyo may kaugnayan sa isang kapistahan, maaari mong pasalamatan ang bumati. Ngunit ipagpalagay na ang bumati sa iyo ay isa na lagi mong nakakausap o isang katrabaho. Sa ganiyang situwasyon, baka nanaisin mong magpaliwanag. Sa lahat ng pagkakataon, maging mataktika. Nagpapayo ang Bibliya: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:6) Maging magalang. Mataktikang ipaliwanag ang iyong paninindigan. Linawin mo na wala ka namang tutol sa pagbibigayan ng regalo at sa mga salu-salo ngunit mas gusto mong makibahagi sa mga gawaing ito sa ibang panahon.

15 Paano kung may gustong magregalo sa iyo? Nakadepende ito nang malaki sa mga kalagayan. Maaaring sabihin ng nagbigay: “Alam kong hindi ka nagdiriwang ng kapistahan. Pero, gusto ko pa ring ibigay ito sa iyo.” Maaari mong ipasiya na ang pagtanggap ng regalo sa gayong mga kalagayan ay hindi naman kagaya ng pakikibahagi sa kapistahan. Siyempre pa, kung ang nagbigay ay hindi pamilyar sa iyong mga paniniwala, maaari mong banggitin sa kaniya na hindi ka nagdiriwang ng kapistahan. Makatutulong ito upang ipaliwanag kung bakit tinanggap mo ang isang regalo ngunit hindi ka nagbigay ng regalo sa okasyong iyon. Sa kabilang panig naman, magiging katalinuhan na huwag tanggapin ang isang regalo kung ibinigay ito nang may maliwanag na intensiyon na ipakitang hindi ka naninindigan sa iyong mga paniniwala o na makikipagkompromiso ka alang-alang sa materyal na pakinabang.

KUMUSTA NAMAN ANG MGA MIYEMBRO NG PAMILYA?

16. Paano ka magiging mataktika sa pagharap sa mga bagay na may kaugnayan sa mga kapistahan?

16 Paano kung ang paniniwala ng mga miyembro ng iyong pamilya ay iba sa paniniwala mo? Muli, maging mataktika. Hindi naman kailangang gawing isyu ang bawat kaugalian o selebrasyon na gustong ipagdiwang ng iyong mga kamag-anak. Sa halip, igalang ang kanilang pananaw, kung paanong gusto mo ring igalang nila ang iyong pananaw. (Mateo 7:12) Iwasan ang anumang pagkilos na magsasangkot sa iyo sa kapistahan. Gayunpaman, maging makatuwiran kung tungkol sa mga bagay na wala namang kaugnayan sa aktuwal na pagdiriwang. Sabihin pa, dapat na lagi kang kumilos sa paraang hindi mababagabag ang iyong mabuting budhi.​—1 Timoteo 1:18, 19.

17. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak upang hindi nila madamang pinagkakaitan sila kapag nakikita nilang nagdiriwang ng mga kapistahan ang iba?

17 Ano ang magagawa mo upang hindi madama ng inyong mga anak na pinagkakaitan sila dahil sa hindi pagdiriwang ng di-makakasulatang mga kapistahan? Nakadepende ito nang malaki sa ginagawa mo sa ibang panahon ng taon. Nagsasaayos ang ilang magulang ng mga panahon para bigyan ng regalo ang kanilang mga anak. Ang isa sa pinakamagandang regalo na maibibigay mo sa iyong mga anak ay ang iyong panahon at maibiging atensiyon.

ISAGAWA ANG TUNAY NA PAGSAMBA

Nagdudulot ng tunay na kaligayahan ang pagsasagawa ng tunay na pagsamba

18. Paano ka matutulungan ng pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong upang manindigan para sa tunay na pagsamba?

18 Upang mapalugdan ang Diyos, dapat mong tanggihan ang huwad na pagsamba at manindigan para sa tunay na pagsamba. Ano ang kalakip dito? Sinasabi ng Bibliya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Ang Kristiyanong mga pagpupulong ay masasayang pagkakataon para sambahin mo ang Diyos sa paraang sinasang-ayunan niya. (Awit 22:22; 122:1) Sa mga pagpupulong na ito, may “pagpapalitan ng pampatibay-loob” ang tapat na mga Kristiyano.​—Roma 1:12.

19. Bakit mahalaga na ipakipag-usap mo sa iba ang tungkol sa mga bagay na iyong natutuhan mula sa Bibliya?

19 Ang isa pang paraan upang makapanindigan ka para sa tunay na pagsamba ay ang sabihin sa iba ang tungkol sa mga bagay na natutuhan mo mula sa pag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Maraming tao ang talagang “nagbubuntunghininga at dumaraing” dahil sa kasamaan na nagaganap sa daigdig ngayon. (Ezekiel 9:4) Marahil ay may kakilala kang ilang tao na ganiyan ang nadarama. Bakit hindi ipakipag-usap sa kanila ang iyong salig-Bibliyang pag-asa para sa hinaharap? Habang nakikisama ka sa tunay na mga Kristiyano at nakikipag-usap sa iba tungkol sa kamangha-manghang mga katotohanan sa Bibliya na natutuhan mo, mapapansin mo na anumang pagnanais na makibahagi sa mga kaugalian ng huwad na pagsamba na maaaring nasa puso mo pa ay unti-unting maglalaho. Makatitiyak ka na ikaw ay magiging maligayang-maligaya at tatanggap ng maraming pagpapala kung maninindigan ka para sa tunay na pagsamba.​—Malakias 3:10.

^ par. 9 Tingnan ang Apendise, sa artikulong “Isinilang ba si Jesus sa Buwan ng Disyembre?

^ par. 9 Ang Saturnalia ay isa ring salik sa pagkakapili ng Disyembre 25. Ang kapistahang ito na nagpaparangal sa Romanong diyos ng agrikultura ay ginaganap tuwing Disyembre 17-24. Ang piging, kasayahan, at pagbibigayan ng regalo ay nagaganap sa panahon ng Saturnalia.

^ par. 10 Para sa pagtalakay kung ano ang pangmalas ng tunay na mga Kristiyano sa iba pang popular na mga kapistahan, tingnan ang Apendise, sa artikulong “Dapat ba Tayong Magdiwang ng mga Kapistahan?