Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pakikipagkasundo sa Isa’t-Isa sa Pag-ibig

Pakikipagkasundo sa Isa’t-Isa sa Pag-ibig

Kabanata 28

Pakikipagkasundo sa Isa’t-Isa sa Pag-ibig

1. (a) Papaano kayo magiging bahagi ng organisasyon ng Diyos? (b) Anong utos ang dapat ninyo ngayong sundin?

 HABANG sumusulong kayo sa kaalaman at pagpapahalaga sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin, nanaisin ninyong makiugnay nang palagian sa mga taong nagtataglay ng ganito ring pananampalataya at pag-asa. Sa paggawa nito, kayo ay magiging bahagi ng nakikitang organisasyon ng Diyos, isang tunay na pagkakapatirang Kristiyano. “Ibigin ang buong pagkakapatiran” ay utos na dapat ninyo ngayong tuparin.​—1 Pedro 2:17; 5:8, 9.

2. (a) Anong bagong utos ang ibinigay ni Jesus sa mga tagasunod niya? (b) Ano ang malinaw na ipinakikita ng mga pananalitang “sa bawa’t isa” at “sa isa’t-isa”? (c) Gaano kahalaga ang pagkakaroon ng pag-ibig?

2 Idiniin ni Jesu-Kristo kung gaano kahalaga para sa kaniyang mga tagasunod ang umibig sa isa’t-isa. Sinabi niya sa kanila: “Binibigyan ko kayo ng bagong utos, na kayo ay umibig sa bawa’t isa . . . Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:34, 35) Ang mga pananalitang “sa bawa’t isa” at “sa isa’t-isa” ay maliwanag na nagpapakita na lahat ng tunay na Kristiyano ay magkakasama-sama sa isang grupo o organisasyon. (Roma 12:5; Efeso 4:25) At ang organisasyong ito ay makikilala sa pag-ibig na ipinakikita ng mga membro nito sa isa’t-isa. Kapag ang isa ay hindi nagtaglay ng pag-ibig, lahat ng bagay ay nawawalan ng kabuluhan.​—1 Corinto 13:1-3.

3. Papaano idinidiin ng Bibliya ang halaga ng pagmamahal at pagmamalasakit sa mga kapuwa Kristiyano?

3 Kaya, ang mga sinaunang Kristiyano ay madalas paalalahanan nang ganito: “Magkaroon ng matimyas na pagmamahal sa isa’t-isa.” “Tanggapin ang isa’t-isa.” “Maglingkod sa isa’t-isa.” “Magmagandang-loob kayo sa isa’t-isa, mga mahabagin.” “Magtiisan kayo sa isa’t-isa, at magpatawaran kayo sa isa’t-isa kung ang sinoman ay may reklamo laban sa iba.” “Mangag-aliwan kayo sa isa’t-isa at magpatibayan sa isa’t-isa.” “Makipagpayapaan sa isa’t-isa.” “Magtaglay ng maningas na pag-ibig sa isa’t-isa.”​Roma 12:10; 15:7; Galacia 5:13; Efeso 4:32; Colosas 3:13, 14; 1 Tesalonica 5:11, 13; 1 Pedro 4:8; 1 Juan 3:23; 4:7, 11.

4. (a) Ano ang nagpapakita na ang mga Kristiyano ay dapat ding umibig sa iba bukod pa “sa isa’t-isa”? (b) Sino lalung-lalo na ang dapat ibigin ng mga Kristiyano?

4 Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan na ang tunay na mga Kristiyano ay dapat lamang umibig sa mga kapuwa nila membro sa organisasyon ng Diyos. Iibigin din naman nila ang iba. Sa katunayan, hinihimok sila ng Bibliya na sumulong “sa pag-ibig sa isa’t-isa at sa lahat.” (1 Tesalonica 3:12; 5:15) Sa pagbibigay ng timbang na pangmalas, ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subali’t lalung-lalo na sa mga kasambahay natin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Kaya bagaman dapat ibigin ng mga Kristiyano ang lahat, pati na ang kanilang mga kaaway, lalung-lalo na nilang dapat ibigin ang kanilang mga kapuwa membro sa organisasyon ng Diyos, ang kanilang espirituwal na mga kapatid.​—Mateo 5:44.

5. Ano ang nagpapakita na ang tunay na mga Kristiyano, noong sinauna at maging sa ngayon, ay napabantog dahil sa kanilang pag-ibig?

5 Ang sinaunang mga Kristiyano ay napabantog dahil sa kanilang pag-ibig sa isa’t-isa. Ayon sa ikalawang-siglong manunulat na si Tertullian, ganito ang sinasabi ng mga tao hinggil sa kanila: ‘Tingnan ninyo kung papaano sila nagmamahalan sa isa’t-isa, at kung papaanong sila ay handang mamatay alang-alang sa isa’t-isa!’ Ang ganitong pag-ibig ay makikita rin sa gitna ng mga tunay na Kristiyano ngayon. Subali’t nangangahulugan ba ito na wala nang problema o di-pagkakaunawaan sa gitna ng mga tunay na Kristiyano?

ANG MGA BUNGA NG PAGKA-DI-SAKDAL

6. Bakit kung minsan maging ang tunay na mga Kristiyano ay nagkakasala sa isa’t-isa?

6 Mula sa inyong pag-aaral ng Bibliya nalaman ninyo na tayong lahat ay nagmana ng pagka-di-sakdal mula sa ating unang mga magulang na sina Adan at Eba. (Roma 5:12) Kaya nahihilig tayo na gumawa ng masama. “Lahat tayo ay madalas matisod,” sabi ng Bibliya. (Santiago 3:2; Roma 3:23) Kaya dapat ninyong malaman na ang mga kaanib sa organisasyon ng Diyos ay hindi rin sakdal at kung minsan ay nakagagawa ng mga bagay na hindi tama. Maaari itong magbunga ng mga suliranin at di-pagkakaunawaan maging sa gitna ng tunay na mga Kristiyano.

7. (a) Bakit kinailangang sabihan sina Euodias at Sintique na “magkaisa ng pag-iisip”? (b) Ano ang nagpapakita na sila sa katotohanan ay mahuhusay na Kristiyanong babae?

7 Isaalang-alang ang kalagayan ng dalawang babae na nagngangalang Euodias at Sintique sa sinaunang kongregasyon sa Filipos. Sumulat si apostol Pablo: “Pinakikiusapan ko si Euodias at pinakikiusapan ko si Sintique na magkaisa ng pag-iisip sa Panginoon.” Bakit hinimok ni Pablo ang dalawang babaeng ito na “magkaisa ng pag-iisip sa Panginoon”? Maliwanag na may umiiral na problema sa pagitan nila. Hindi binabanggit ng Bibliya kung ano ito. Marahil may kaunting inggitan sa pagitan nila. Subali’t, sa katotohanan ay mahuhusay silang mga babae. Matagal na panahon na rin silang naging mga Kristiyano, at noong nakaraang mga taon ay naging katulong ni Pablo sa gawaing pangangaral. Kaya sumulat siya sa kongregasyon: “Tulungan ninyo ang mga babaeng ito na nakipagpunyaging kasama ko ukol sa mabuting balita.”​—Filipos 4:1-3.

8. (a) Anong suliranin ang bumangon sa pagitan nina Pablo at Bernabe? (b) Kung naroroon kayo at nasaksihan ang suliraning ito, ano kaya ang ipapasiya ninyo?

8 Noong minsan ay bumangon din ang di-pagkakaunawaan sa pagitan nina apostol Pablo at ng kasama niya sa paglalakbay na si Bernabe. Nang papaalis na sila sa kanilang ikalawang paglalakbay-misyonero, gustong ipagsama ni Bernabe ang pinsan niyang si Marcos. Gayunma’y ayaw isama ni Pablo si Marcos, palibhasa’y iniwan sila ni Marcos upang umuwi noong una nilang paglalakbay-misyonero. (Gawa 13:13) Sinasabi ng Bibliya: “Dahil dito’y nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo, anupa’t naghiwalay sila sa isa’t-isa.” (Gawa 15:37-40) Akalain ninyo iyan! Kung naroroon kayo at nasaksihan ninyo ang “mainit na pagtatalo” na ito, sasabihin ba ninyong sina Pablo at Bernabe ay hindi bahagi ng organisasyon ng Diyos dahil sa paraan ng kanilang paggawi?

9. (a) Anong pagkakasala ang nagawa ni Pedro, at ano ang nag-udyok sa kaniya na kumilos nang ganito? (b) Ano ang ginawa ni Pablo nang makita niya ang nangyayari?

9 Sa isa pang pagkakataon ay nakagawa ng pagkakamali si apostol Pedro. Huminto siya sa matalik na pakikipagsamahan sa mga Kristiyanong Gentil dahil sa takot na siya ay hindi sang-ayunan ng ilang Hudiyong Kristiyano na may kamaliang humahamak sa kanilang mga kapatid na Gentil. (Galacia 2:11-14) Nang makita ni apostol Pablo ang ginagawa ni Pedro, hinatulan niya ang maling paggawi ni Pedro sa harapan ng mga nagmamasid. Ano kaya ang madadama ninyo kung kayo si Pedro?​—Hebreo 12:11.

PAGLUTAS NG DI-PAGKAKAUNAWAAN SA PAG-IBIG

10. (a) Papaano tumugon si Pedro nang siya ay ituwid? (b) Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pedro?

10 Puwedeng magalit si Pedro kay Pablo. Puwede niyang damdamin ang paraan ng pagtutuwid sa kaniya ni Pablo sa harapan ng marami. Subali’t hindi niya ginawa yaon. (Eclesiastes 7:9) Si Pedro ay mapagpakumbaba. Tinanggap niya ang pagtutuwid, at hindi niya ito pinahintulutan na magpalamig sa pag-ibig niya kay Pablo. (1 Pedro 3:8, 9) Pansinin kung papaanong nang maglaon ay tinukoy ni Pedro si Pablo sa kaniyang liham na pampatibay-loob sa mga kapuwa-Kristiyano: “Ituring ninyong kaligtasan ang pagtitiis ng Panginoon, kung papaanong sinulatan din naman kayo ng ating minamahal na kapatid na si Pablo ayon sa karunungang ipinagkaloob sa kaniya.” (2 Pedro 3:15) Oo, tinakpan ni Pedro ng pag-ibig ang di-pagkakaunawaan, na sa kalagayang ito ay nagmula na rin sa kaniyang sariling maling paggawi.​—Kawikaan 10:12.

11. (a) Sa kabila ng kanilang mainit na pagtatalo, papaano ipinakita nina Pablo at Bernabe na sila’y tunay na mga Kristiyano? (b) Papaano tayo makikinabang sa kanilang halimbawa?

11 Kumusta naman ang problema sa pagitan nina Pablo at Bernabe? Nilutas din ito sa pamamagitan ng pag-ibig. Nang maglaon, sa liham niya sa kongregasyon sa Corinto, tinukoy niya si Bernabe bilang isang matalik na kamanggagawa. (1 Corinto 9:5, 6) At bagaman may katuwiran si Pablo sa pag-aalinlangan sa kakayahan ni Marcos bilang isang kasama sa paglalakbay, ang binatang ito ay sumulong rin sa pagkamaygulang anupa’t si Pablo ay nakasulat ng ganito kay Timoteo: “Dalhin mo si Marcos at ipagsama mo siya, sapagka’t nakakatulong siya sa akin sa paglilingkod.” (2 Timoteo 4:11) Makikinabang tayo sa halimbawang ito ng paglutas sa di-pagkakaunawaan.

12. (a) Bakit natin maipapasiya na nilutas nina Euodias at Sintique ang kanilang di-pagkakaunawaan? (b) Ayon sa Galacia 5:13-15, bakit mahalaga na lutasin ng mga Kristiyano ang mga suliranin nila nang may pag-ibig?

12 Buweno, kumusta naman sina Euodias at Sintique? Nilutas ba nila ang kanilang di-pagkakaunawaan, at tinakpan ng pag-ibig ang alinmang mga pagkakasala na nagawa nila sa isa’t-isa? Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang huling nangyari sa kanila. Subali’t, palibhasa’y mahuhusay silang babae na nakiramay kay Pablo sa kaniyang ministeryong Kristiyano, may katuwiran tayong magpasiya na may-kapakumbabaan nilang tinanggap ang ibinigay na payo. Nang matanggap ang liham ni Pablo, para na rin nating nakikinikinita ang paglapit nila sa isa’t-isa at pakikipagkasundo sa espiritu ng pag-ibig.​—Galacia 5:13-15.

13. Anong halimbawa ang ibinibigay ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig?

13 Marahil, kayo ay nahihirapan ding makisama sa isang tao, o ilang tao, sa kongregasyon. Bagaman malaki pa ang dapat nilang pasulungin upang maabot ang tunay na Kristiyanong mga katangian, isip-isipin ninyo ito: Hihintayin ba ng Diyos na Jehova na iwaksi ng mga tao ang lahat ng kanilang masasamang gawi bago niya sila ibigin? Hindi; sinasabi ng Bibliya: “Itinatagubilin ng Diyos ang pag-ibig niya sa atin, na samantalang tayo’y makasalanan pa, si Kristo ay namatay alang-alang sa atin.” (Roma 5:8) Dapat nating tularan ang halimbawang ito ng Diyos at magpakita ng pag-ibig sa mga gumagawa ng kasamaan at kamangmangan.​—Efeso 5:1, 2; 1 Juan 4:9-11; Awit 103:10.

14. Anong payo ang ibinigay ni Jesus hinggil sa di-pagiging mapintasin sa iba?

14 Palibhasa tayong lahat ay di-sakdal, tinuruan tayo ni Jesus na huwag maging palapintasin sa iba. Totoo, ang iba ay may mga pagkukulang, subali’t mayroon din tayo. “Bakit, kung gayon, pinupuna mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid, subali’t hindi mo pinapansin ang tahilan sa sarili mong mata?” tanong ni Jesus. (Mateo 7:1-5) Sa pagsasa-isip ng ganitong matalinong payo, matutulungan tayo na makasundo ng ating mga kapatid.

15. (a) Bakit mahalaga na patawarin natin ang iba kahit na may dahilan tayong magreklamo laban sa kanila? (b) Sa kaniyang talinghaga sa Mateo kabanatang 18, papaano itinuro ni Jesus ang pangangailangan ng pagiging mapagpatawad?

15 Lubhang mahalaga na tayo ay maging maawain at mapagpatawad. Totoo, baka talagang may dahilan kayo para magreklamo laban sa isang kapatid. Subali’t tandaan ang payo ng Bibliya: “Magtiisan kayo sa isa’t-isa, at magpatawaran kayo sa isa’t-isa kung ang sinoman ay may reklamo laban sa iba.” Pero bakit ninyo patatawarin ang iba kung talagang may dahilan kayong magreklamo laban sa kanila? Sapagka’t “pinatawad kayo ni Jehova,” ang sagot ng Bibliya. (Colosas 3:13) At upang makamit ang kaniyang kapatawaran, sinabi ni Jesus na tayo ay dapat ding magpatawad sa iba. (Mateo 6:9-12, 14, 15) Si Jehova, gaya ng hari sa isa sa mga talinghaga ni Jesus, ay nagpatawad sa atin ng libu-libong ulit, kaya bakit hindi natin mapapatawad ang ating mga kapatid paminsanminsan?​—Mateo 18:21-35; Kawikaan 19:11.

16. (a) Ayon sa 1 Juan 4:20, 21, papaano nauugnay ang pag-ibig sa Diyos sa pag-ibig sa mga kapuwa Kristiyano? (b) Anong kilos ang nararapat kapag ang inyong kapatid ay may anomang laban sa inyo?

16 Hindi talaga tayo maaaring magtaglay ng katotohanan at kasabay naman nito’y pakitunguhan ang ating mga kapatid sa isang malamig at walang-pakundangan na paraan. (1 Juan 4:20, 21; 3:14-16) Kaya, kung magkakaroon man kayo ng suliranin sa isang kapuwa Kristiyano, huwag ninyong puputulin ang pakikipag-usap sa kaniya. Huwag kayong magtatanim ng samâ-ng-loob, kundi lutasin ito sa espiritu ng pag-ibig. Kung nasaktan ninyo ang inyong kapatid, humanda kayong humingi ng paumanhin at humingi ng tawad.​—Mateo 5:23, 24.

17. Ano ang wastong paggawi kapag may nagkasala laban sa inyo?

17 Papaano naman kung may mang-iinsulto sa inyo, o magkakasala sa inyo sa ibang paraan? Ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag mong sabihin: ‘Kung ano ang ginawa niya sa akin, ganoon din ang gagawin ko sa kaniya.’” (Kawikaan 24:29; Roma 12:17, 18) Nagpayo si Jesu-Kristo: “Sa sinomang sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.” (Mateo 5:39) Ang isang sampal ay hindi nilayong manakit sa pisikal, kundi upang humamak o humila ng galit. Kaya tinuturuan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod upang makaiwas na mahila sa away o pagtatalo. Sa halip na “suklian ng masama ang masama o ng alipusta ang pag-alipusta,” dapat ninyong “hanapin ang kapayapaan at itaguyod ito.”​—1 Pedro 3:9, 11; Roma 12:14.

18. Ano ang dapat nating matutuhan mula sa halimbawa ng Diyos sa pag-ibig sa lahat ng tao?

18 Tandaan na dapat nating “ibigin ang buong pagkakapatiran.” (1 Pedro 2:17) Ang Diyos na Jehova ang nagbibigay-halimbawa. Siya’y walang itinatangi. Lahat ng lahi ay pantay-pantay sa paningin niya. (Gawa 10:34, 35; 17:26) Yaong mga ililigtas sa dumarating na “malaking kapighatian” ay manggagaling sa “lahat ng bansa at angkan at bayan at wika.” (Apocalipsis 7:9, 14-17) Kaya, bilang pagtulad sa Diyos, hindi natin babawasan ang pag-ibig sa iba dahilan sa iba ang kanilang lahi, nasyonalidad o katayuan sa lipunan, o kaya’y naiiba ang kulay ng balat.

19. (a) Papaano natin dapat malasin at pakitunguhan ang mga kapuwa Kristiyano? (b) Anong dakilang pribilehiyo ang maaaring maging atin?

19 Makipagkilala sa lahat ng kaanib sa kongregasyong Kristiyano, at matututuhan ninyo silang mahalin at pahalagahan. Tratuhin ang mga nakatatanda bilang mga ama at ina, ang mga nakababata bilang mga kapatid na lalaki at babae. (1 Timoteo 5:1, 2) Tunay na isang pribilehiyo ang maging bahagi ng tulad-sambahayang nakikitang organisasyon ng Diyos, na ang mga kaanib ay nakikitungo sa isa’t-isa sa pag-ibig. Anong inam ang mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa kasama ng ganitong maibiging sambahayan!​—1 Corinto 13:4-8.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 233]

Ano ang ating matututuhan sa nangyari kina Euodias at Sintique?

[Larawan sa pahina 235]

Ang pagtatalo ba nina Pablo at Bernabe ay nangangahulugang hindi na sila membro ng organisasyon ng Diyos?

[Larawan sa pahina 236]

Ang mga tunay na Kristiyano ay pinagtatakpan ng pag-ibig ang mga di-pagkakasundo

[Larawan sa pahina 237]

Sa organisasyon ng Diyos, ang mga Kristiyano ay pinakikilos ng pag-ibig upang magkasundo bilang magkakapantay