Bakit Kaya Pinayagan ng Diyos ang Masama?
Kabanata 11
Bakit Kaya Pinayagan ng Diyos ang Masama?
1. (a) Ano ang situwasyon sa lupa ngayon? (b) Ano ang reklamo ng ibang tao?
SAANMAN kayo tumingin sa daigdig, nariyan ang krimen, pagkapoot at kaguluhan. Madalas ang nagdurusa ay yaong mga walang-sala. Ang iba ay sumisisi sa Diyos. Sinasabi nila: ‘Kung may Diyos, bakit niya pinapayagang mangyari ang lahat ng kasamaang ito?’
2. (a) Sino ang gumagawa ng masama? (b) Papaano maiiwasan sana ang maraming paghihirap sa lupa?
2 Pero sino ba talaga ang gumagawa ng mga kasamaang ito? Mga tao, hindi ang Diyos. Hinahatulan ng Diyos ang masasamang gawa. Sa katunayan, malaking bahagi ng paghihirap sa lupa ay maiiwasan kung susundin lamang ng tao ang batas ng Diyos. Inuutusan niya tayo na mag-ibigan. Ipinagbabawal niya ang pagpatay, pagnanakaw, pakikiapid, kasakiman, paglalasing at iba pang kasamaan na nagpapahirap sa tao. (Roma 13:9; Efeso 5:3, 18) Nilalang ng Diyos sina Adan at Eba na may kamanghamanghang utak at katawan at ng kakayahan na lubusang masiyahan sa buhay. Kailanma’y hindi niya gusto na sila ni ang kanilang mga anak ay maghirap o masangkot sa gulo.
3. (a) Sino ang may pananagutan sa kasamaan? (b) Ano ang nagpapakita na kayang labanan nina Adan at Eba ang tukso ni Satanas?
3 Si Satanas na Diyablo ang nagpasimula ng kasamaan sa lupa. Pero dapat ding sisihin sina Adan at Eba. Hindi sila ganoong kahina na hindi malalabanan ang tukso ng Diyablo. Kayang-kaya nilang sabihin kay Satanas na “lumayo ka,” gaya ng ginawa nang malaunan ng sakdal na taong si Jesus. (Mateo 4:10) Nguni’t hindi nila ginawa ito. Kaya, sila’y naging di-sakdal. Lahat ng anak nila, pati na tayo, ay nagmana ng di-kasakdalang yaon, na siyang sanhi ng sakit, kalungkutan at kamatayan. (Roma 5:12) Pero bakit kaya pinayagan ng Diyos na magpatuloy ang paghihirap?
4. Ano ang tumutulong sa atin upang maunawaan kung bakit ang isang maibiging Diyos ay pansamantalang magpapahintulot sa kasamaan?
4 Sa pasimula’y baka isipin ng isa na walang sapat na dahilan upang payagan ng Diyos ang paghihirap na dinanas ng tao sa nakalipas na mga siglo. Pero, tama ba ang ganitong pagpapasiya? Sa pagmamahal sa kanilang mga anak hindi ba pinapayagan ng mga magulang na ang mga ito ay dumanas ng masakit na operasyon para gamutin ang isang karamdaman? Oo, ang pagpapahintulot ng pansamantalang pagdurusa ay nagpapangyari sa mga anak na makapagtamasa ng mas malusog na buhay sa bandang huli. Anong kabutihan naman ang naidulot ng pagpapahintulot ng Diyos sa masama?
ISANG MAHALAGANG USAPIN NA DAPAT MALUTAS
5. (a) Papaano sinalungat ni Satanas ang Diyos? (b) Ano ang ipinangako ni Satanas kay Eba?
5 Ang paghihimagsik laban sa Diyos sa hardin ng Eden ay nagbangon ng isang mahalagang usapin o suliranin. Dapat nating suriin ito upang maunawaan kung bakit pinayagan ng Diyos ang masama. Sinabi ni Jehova kay Adan na huwag kakain mula sa isang partikular na puno sa hardin. Kung kakain si Adan, ano ang mangyayari? Sinabi ng Diyos: “Ikaw ay tiyak na mamamatay.” (Genesis 2:17) Gayumpaman, sinabi ni Satanas ang mismong kabaligtaran. Sinabi nito sa asawa ni Adan, si Eba, na kumain mula sa ipinagbabawal na punongkahoy. “Tiyak na hindi ka mamamatay,” sabi ni Satanas. Ang totoo’y sinabi pa niya kay Eba: “Sapagka’t alam ng Diyos na sa araw na kumain ka ay mamumulat ang iyong mga mata at ikaw ay magiging gaya ng Diyos, na nakakaalam ng mabuti at masama.”—Genesis 3:1-5.
6. (a) Bakit sinuway ni Eba ang Diyos? (b) Ano ang kahulugan ng pagkain mula sa ipinagbabawal na punongkahoy?
6 Sinuway ni Eba ang Diyos at kumain. Bakit? Naniwala si Eba kay Satanas. May pag-iimbot niyang inakala na siya’y mapapabuti sa pagsuway sa Diyos. Nangatuwiran siya na siya at si Adan ay hindi na kailangan pang managot sa Diyos. Hindi na nila kailangang magpasakop sa kaniyang mga utos. Makapagpapasiya sila para sa sarili kung ano ang “mabuti” at kung ano ang “masama.” Nakisama si Adan kay Eba at kumain din. Sa pagtalakay sa orihinal na pagkakasala ng tao sa Diyos, ganito ang sabi ng talababa sa The Jerusalem Bible: “Iyon ay ang kakayahan na magpasiya para sa sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama at ang pagkilos kasuwato nito, isang pag-aangkin ng lubos na kasarinlan sa moral . . . Ang unang kasalanan ay isang pagsalakay sa soberanya ng Diyos.” Sa ibang pangungusap, pagsalakay yaon sa karapatan ng Diyos na maging ganap na tagapamahala o autoridad ng tao.
7. (a) Anong usapin ang ibinangon ng pagsuway ng tao? (b) Anong mga tanong ang nangangailangan ng sagot kaugnay ng usaping ito?
7 Kaya sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga, inihiwalay nina Adan at Eba ang kanilang sarili sa pamamahala ng Diyos. Nagsarili sila, at ginawa ang “mabuti” o “masama” ayon sa kanilang sariling mga pasiya. Kaya ang mahalagang usapin o suliranin na ibinangon ay ito: May karapatan ba ang Diyos na maging lubos na tagapamahala ng sangkatauhan? Sa ibang salita, si Jehova ba ang dapat magpasiya kung ano ang mabuti o masama para sa tao? Siya ba ang dapat magsabi kung ano ang wasto o hindi wastong paggawi? O mas magaling bang mamahala ang tao sa sarili? Kaninong pamamahala ang pinakamabuti? Sa ilalim ng di-nakikitang pag-ugit ni Satanas, matagumpay bang makakapamahala ang tao nang walang patnubay ni Jehova? O kailangan ba ang patnubay ng Diyos upang maitayo ang isang matuwid na gobiyerno na magdudulot ng walang-hanggang kapayapaan sa lupa? Ang lahat ng ganitong mga tanong ay ibinangon sa pagsalakay na ito sa soberanya ng Diyos, sa karapatan niya na maging tangi at ganap na tagapamahala ng sangkatauhan.
8. Bakit hindi agad nilipol ng Diyos ang mga rebelde?
8 Kung sa bagay, puwede sanang lipulin ni Jehova ang tatlong rebelde karakaraka matapos ang paghihimagsik. Walang alinlangan na siya ay mas malakas kaysa kay Satanas o kina Adan at Eba. Subali’t ang paglipol sa kanila ay hindi lulutas sa suliranin sa pinakamahusay na paraan. Halimbawa, hindi nito masasagot ang suliranin hinggil sa kakayahan ng tao na pamahalaan nang matagumpay ang sarili nang walang alalay mula sa Diyos. Kaya naglaan si Jehova ng panahon upang lutasin ang mahalagang suliranin na ibinangon.
PAGLUTAS SA USAPIN
9, 10. Ano ang resulta ng pagsisikap ng tao na pamahalaan ang sarili nang walang patnubay ang Diyos?
9 Sa paglipas ng panahon, ano ngayon ang resulta? Kayo, ano ba ang masasabi ninyo? Ipinakita ba ng nakalipas na 6,000 taon ng kasaysayan na ang tao ay nagtagumpay sa pamamahala sa sarili nang walang patnubay ang Diyos? Nakapaglaan ba ang tao ng mabuting pamahalaan sa ikapagpapala at ikaliligaya ng lahat? O ipinakita ba ng ulat ng kasaysayan na totoo ang mga salita ni propeta Jeremias: “Hindi ukol sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang hakbang”?—Jeremias 10:23.
10 Lahat na ng klase ng gobiyerno ay nasubukan na, subali’t ni isa ay walang nakapagdulot ng katiwasayan at tunay na kaligayahan para sa lahat ng mamamayan nito. Maaaring banggitin ng iba ang mga tanda ng pag-unlad. Subali’t puwede kayang tawagin na pag-unlad ang paghalili ng bomba atomika sa palaso at busog, at na sa ngayon ang mundo ay nasa malaking banta ng isa na namang digmaang pandaigdig? Matatawag ba itong pag-unlad kapag ang tao ay nakapaglalakad na sa buwan nguni’t hindi magkasundo dito sa lupa? Anong pakinabang sa tao na magtayo ng mga tahanan na puno ng lahat ng klase ng makabagong mga kasangkapan samantalang ang mga pamilyang nakatira doon ay nagkawatakwatak dahil sa mga problema? Ang mga pang-uumog sa kalye, paninira ng ari-arian at buhay at ang laganap na paglabag sa batas ay mga bagay ba na dapat ipagmalaki? Hindi nga! Datapuwa’t ang mga ito ay bunga ng pagsisikap ng tao na pamahalaan ang sarili nang hiwalay sa Diyos.—Kawikaan 19:3.
11. Kaya, maliwanag na ang tao ay nangangailangan ng ano?
11 Ang katibayan ay dapat maging malinaw sa lahat. Ang pagsisikap ng tao na pamahalaan ang sarili nang hiwalay sa Diyos ay nauwi sa masaklap na kabiguan. Nagbunga ito ng matinding pagdurusa para sa tao. “Sinasakop ng tao ang kapuwa sa kaniyang ikasasamâ,” paliwanag ng Bibliya. (Eclesiastes 8:9) Maliwanag, kailangan ng tao ang patnubay ng Diyos sa pamamahala sa kanilang mga kapakanan. Kung papaanong nilikha ng Diyos ang tao na may pangangailangan sa pagkain at pag-inom, nilikha din ang tao na may pangangailangan ukol sa mga batas ng Diyos. Kung wawaling-bahala ng tao ang batas ng Diyos, tiyak na mahihirapan siya, kung papaanong mahihirapan din siya kung wawaling-bahala niya ang pangangailangan ng kaniyang katawan ukol sa pagkain at inumin.—Kawikaan 3:5, 6.
BAKIT NAMAN NAPAKATAGAL?
12. Bakit naghintay ang Diyos ng napakahabang panahon upang lutasin ang usapin?
12 Gayunma’y baka itanong ng isa, ‘Bakit naghintay ang Diyos ng napakahabang panahon, humigit-kumulang 6,000 taon na ngayon, upang lutasin ang usaping ito? Hindi ba puwedeng lutasin ito sa kasiyasiyang paraan noon pa mang una?’ Mahirap magkaganoon. Kung kumilos agad ang Diyos noon pa mang una, may magpaparatang na hindi binigyan ang tao ng sapat na panahon upang makapag-eksperimento. Pero gaya ng nangyari, nagkaroon ng sapat na panahon ang mga tao upang bumuo ng isang pamahalaan na makasasapat sa pangangailangan ng lahat ng sakop nito, pati na ang paggawa ng makasiyentipikong pagtuklas na makararagdag sa kasaganaan ng lahat. Sa nakalipas na mga siglo nasubukan na ng tao ang halos lahat ng klase ng gobiyerno. At kapansinpansin ang pag-unlad nila sa larangan ng siyensiya. Natuklasan nila ang maraming gamit ng atomo at nakapaglakbay sila tungo sa buwan. Subali’t ano ang resulta? Nagdulot ba ito ng magandang bagong sistema sa ikapagpapala ng sangkatauhan?
13. (a) Sa kabila ng pag-unlad ng tao sa siyensiya, ano ang situwasyon ngayon? (b) Ano ang maliwanag na pinatutunayan nito?
13 Malayung-malayo! Sa halip, mas malamang ang kalungkutan at suliranin sa lupa ngayon. Sa katunayan, ang krimen, polusyon, giyera, pagkakawatakwatak ng pamilya at iba pang suliranin ay sumapit na sa napakapanganib na antas anupa’t naniniwala ang mga siyentipiko na nanganganib ang mismong pag-iral ng tao. Oo, pagkaraan ng humigit-kumulang 6,000 taon ng pamamahala-sa-sarili at sa pagsapit sa tugatog ng makasiyentipikong “pag-unlad,” nahaharap ngayon ang tao sa paglipol sa sarili! Napakaliwanag na ang tao ay mabibigo sa pamamahala sa sarili kung hiwalay din lamang sa Diyos! At walang sinoman ngayon ang makapagrereklamo na ang Diyos ay hindi naglaan ng sapat na panahon upang lutasin ang usaping ito.
14. Bakit tayo dapat mapasigla na suriin ang isa pang mahalagang usapin na ibinangon ni Satanas?
14 Tiyak na ang Diyos ay may mabuting dahilan sa pagpapahintulot sa tao, sa ilalim ng pamamahala ni Satanas, na dumanas ng kasamaan sa matagal na panahon. Sa kaniyang paghihimagsik ibinangon ni Satanas ang isa pang usapin na nangangailangan din ng panahon upang malutas. Ang pagsusuri sa suliraning ito ay maglalaan ng karagdagang tulong sa pag-unawa kung bakit ipinahintulot ng Diyos ang masama. Dapat magkaroon kayo ng pantanging interes sa suliraning ito sapagka’t personal kayong nasasangkot.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 100]
May mabuting dahilan ang isang magulang na payagan ang mahal niyang anak na maoperahan. May mabuting dahilan din ang Diyos na pansamantalang payagang magdusa ang mga tao
[Larawan sa pahina 101]
Sina Adan at Eba, dahil sa pagkain ng ipinagbawal na bunga, ay humiwalay sa pamamahala ng Diyos. Nagsimula silang magpasiya sa kanilang sarili kung ano ang mabuti o masama
[Mga larawan sa pahina 103]
Kung paano ang tao’y nilalang na may pangangailangang kumain at uminom, nilalang din siyang may pangangailangan sa patnubay ng Diyos