Ang Pakikipagpunyagi Upang Magawa ang Tama
Kabanata 26
Ang Pakikipagpunyagi Upang Magawa ang Tama
1. Anong dalawang bagay ang dapat labanan ng mga Kristiyano?
HABANG naririto ang sanlibutan ni Satanas, dapat makipagpunyagi ang mga Kristiyano upang maiwasan ang masamang impluwensiya nito. Sumulat si apostol Pablo: “Magsuot ng buong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang kayo ay makatagal sa [tusong mga pakana] ng Diyablo.” (Efeso 6:11-18) Gayumpaman, ang pakikipagpunyagi natin ay hindi lamang laban kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan; laban din ito sa ating sariling hangarin na gumawa ng masama. Sinasabi ng Bibliya: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama buhat pa sa kaniyang pagkabata.”—Genesis 8:21; Roma 5:12.
2. (a) Bakit madalas tayong magkaroon ng masidhing hangarin na gawin ang masama? (b) Bakit natin dapat labanan ang masasamang hangarin?
2 Dahil sa kasalanang minana sa unang taong si Adan, hinahangad ng ating puso na gawin ang masama. Kung pagbibigyan natin ang hangaring ito, hindi tayo tatanggap ng buhay na walang-hanggan sa bagong kaayusan ng Diyos. Kaya dapat tayong makipagpunyagi upang magawa ang tama. Maging si apostol Pablo ay dumanas ng ganitong pakikipagpunyagi, gaya ng paliwanag niya: “Kapag ninanais kong gawin ang tama, ang masama ay sumasa-akin.” (Roma 7:21-23) Baka matuklasan din ninyo na ang pakikipagpunyaging ito ay hindi madali. Kung minsan ay makakaranas kayo ng pag-aalitan sa inyo mismong damdamin. Ano ang gagawin ninyo?
3. (a) Anong panloob na alitan ang taglay ng marami? (b) Anong katotohanan sa Bibliya ang inilalarawan ng bagay na marami ang gumagawa ng masama kahit na gusto nilang gumawa ng tama?
3 Natutuhan na ninyo ang kamanghamanghang mga pangako ng Diyos hinggil sa buhay na walang-hanggan sa ilalim ng sakdal na mga kalagayan sa lupa. Naniniwala kayo sa mga pangakong ito, at gusto ninyong makamit ang mabubuting bagay na ito. Kaya alam ninyo na ang paglilingkod sa Diyos ay ukol sa inyong walang-hanggang kapakanan. Nguni’t baka sa inyong puso ay maghangad kayo ng mga bagay na alam ninyong masama. Kung minsan ay baka may masidhi kayong pagnanais na makiapid, magnakaw, o gumawa ng ibang kasamaan. Ang ibang nag-aaral ng aklat na ito ay maaaring aktuwal na nakikibahagi sa masasamang paggawing ito, kahit alam nila na ang mga ito ay hinahatulan ng Diyos. Ang bagay na gumagawa sila ng masama sa kabila ng pagnanais nilang gumawa ng matuwid ay nagdidiin ng katotohanan ng Bibliya: “Ang puso ay mandaraya nang higit sa lahat ng bagay, at totoong masama.”—Jeremias 17:9.
MAAARING MAGTAGUMPAY SA PAKIKIPAGPUNYAGI
4. (a) Ang pagtatagumpay o pagkatalo ay depende kanino? (b) Ano ang hinihiling upang magwagi sa pakikipagpunyagi sa paggawa ng tama?
4 Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan na hindi kayang supilin ng tao ang pagnanais niyang gumawa ng masama. Kung talagang gugustuhin, mapatitibay ninyo ang inyong puso para akayin kayo nito sa tamang landas. Pero nasa inyo ang paggawa nito. (Awit 26:1, 11) Walang ibang maaaring makipagpunyagi para sa inyo. Kaya, una sa lahat, patuloy kayong kumuha ng nagbibigay-buhay na kaalaman sa Bibliya. (Juan 17:3) Subali’t higit pa ang kailangan kaysa pagsisilid ng kaalamang ito sa ulo. Dapat din itong tumimo sa inyong puso. Dapat kayong magkaroon ng masidhing pagpapahalaga sa inyong natututuhan para magkaroon talaga ng pagnanais na kumilos kasuwato nito.
5. Papaano kayo magkakamit ng taos-pusong pagpapahalaga sa mga batas ng Diyos?
5 Subali’t papaano kayo magkakaroon ng taos-pusong pagpapahalaga sa mga batas ng Diyos? Dapat kayong magbulaybulay, o mag-isip nang malalim tungkol sa mga ito. Halimbawa, tanungin ang inyong sarili: Ano ang kabutihan ng pagsunod sa Diyos? Pagkatapos ay suriin ang buhay ng mga taong nagwalang-bahala sa kaniyang batas, gaya ng 19-anyos na babae na sumulat: “Tatlong beses na akong dinapuan ng sakit benereal. Noong ikatlo ay nawalan na ako ng karapatang magkaanak sapagka’t inalis na ang aking matres.” Talagang nakalulungkot isipin ang ligalig na dulot ng pagsuway sa batas ng Diyos. (2 Samuel 13:1-19) Isang babae na nakiapid ang may-kalungkutang nagsabi: “Hindi sulit ang kirot at pagkabagbag ng damdamin na ibinubunga ng pagsuway. Sinisingil na ako ngayon.”
6. (a) Bakit hindi sulit ang kaligayahan na nagmumula sa paggawa ng masama? (b) Anong uri ng buhay ang tinamasa sana ni Moises sa Ehipto?
6 Pero makakarinig kayo ng mga tao na nagsasabing ang pakikiapid, paglalasing at paggamit ng droga, ay kasiyasiya. Subali’t pansamantala lamang ang sinasabi nilang kasiyahan. Huwag kayong padadaya sa isang landasin na magkakait sa inyo ng tunay at namamalaging kaligayahan. Isipin na lamang si Moises na pinalaki bilang “anak ng anak na babae ni Paraon.” Namuhay siya sa karangyaan ng maharlikang sambahayan sa sinaunang Ehipto. Nguni’t, sinasabi ng Bibliya na, nang siya’y lumaki, pinili niya ang “dustain na kasama ng bayan ng Diyos sa halip na tamasahin ang kumukupas na kaligayahan sa pagkakasala.” (Hebreo 11:24, 25) Kaya malamang na nagkaroon ng kaligayahan o kasiyahan sa mahalay, maluwag na pamumuhay na umiral sa gitna ng maharlikang sambahayan ng Ehipto. Kung gayon, bakit kaya tinalikuran ito ni Moises?
7. Bakit tumalikod si Moises sa “kumukupas na kaligayahan sa pagkakasala” sa maharlikang sambahayan ng Ehipto?
7 Sapagka’t si Moises ay sumampalataya sa Diyos na Jehova. At may alam siyang mas mainam kaysa alinmang kumukupas na kaligayahan sa kasalanan na maaari niyang lasapin sa maharlikang sambahayan ng Ehipto. Sinasabi ng Bibliya: “Minasdan niya ang gantimpalang kabayaran.” Nagbulaybulay si Moises, o nag-isip nang malalim, tungkol sa mga bagay na ipinangako ng Diyos. Sumampalataya siya sa layunin ng Diyos na lumikha ng isang matuwid na bagong kaayusan. Ang puso niya ay naantig dahil sa dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ni Jehova sa sangkatauhan. Hindi dahil lamang sa narinig o nabasa ni Moises ang tungkol kay Jehova. Sinasabi ng Bibliya na “siya’y nanatiling matatag na waring namamasdan ang Isa na hindi nakikita.” (Hebreo 11:26, 27) Si Jehova ay tunay na tunay kung para kay Moises, at gayon din ang kaniyang mga pangako sa buhay na walang-hanggan.
8. (a) Upang magtagumpay sa pakikipagpunyagi na gawin ang tama, ano ang kailangan natin? (b) Anong saloobin, na ipinahayag ng isang kabataan, ang matalino nating taglayin?
8 Totoo rin ba ito sa inyo? Itinuturing ba ninyo si Jehova bilang isang tunay na persona, bilang Ama na nagmamahal sa inyo? Nang mabasa ninyo ang mga pangako niya ng walang-hanggang buhay sa Paraiso sa lupa, nakikinikinita ba ninyo ang inyong sarili na naroroon at nagtatamasa ng mga pagpapalang ito? (Tingnan ang pahina 156 hanggang 162.) Upang magtagumpay sa pakikipagpunyagi laban sa mga panggigipit na gumawa ng masama, kailangan natin ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova. At gaya ni Moises, kailangan nating ‘masdan ang gantimpalang kabayaran.’ Isang 20-anyos na kabataan, na napaharap sa tukso ng pakikiapid, ay nagtaglay ng pangmalas ni Moises. Aniya: “Ang aking pag-asa sa buhay na walang-hanggan ay napakahalaga upang ipagpalit sa iilang sandali ng kahalayan.” Hindi ba ganito ang wastong saloobin na dapat taglayin?
PAGKATUTO MULA SA MGA PAGKAKAMALI NG IBA
9. Papaano nabigo si Haring David sa pakikipagpunyagi na gawin ang tama?
9 Hindi kayo maaaring magpabaya sa pakikipagpunyaging ito, gaya ng minsang nagawa ni Haring David. Isang araw mula sa kaniyang bubungan ay natanaw niyang naliligo ang magandang si Batseba. Sa halip na tumalikod bago tumubo ang masamang hangarin sa kaniyang puso, patuloy siyang tumingin. Sumidhi ang kaniyang pagnanais na makisiping kay Batseba, kaya’t ipinasundo niya ito at dinala sa kaniyang palasyo. Di nagtagal, palibhasa’y nagbuntis ito, at hindi niya mapagtakpan ang kanilang pangangalunya, isinaayos niya na ang asawa nito ay mapatay sa digmaan.—2 Samuel 11:1-17.
10. (a) Papaano pinarusahan si David sa kasalanan niya? (b) Ano sana ang nakapigil kay David upang huwag mahulog sa pangangalunya?
10 Tunay na yao’y isang malubhang pagkakasala. At talaga namang pinagdusahan ito ni David. Hindi lamang siya lubhang nabagabag dahil sa kaniyang ginawa, kundi pinarusahan siya ni Jehova sa pamamagitan ng pagdadala ng ligalig sa kaniyang sambahayan habang siya ay nabubuhay. (Awit 51:3, 4; 2 Samuel 12:10-12) Ang puso ni David ay naging mas tuso kaysa kaniyang inakala; nadaig siya ng kaniyang masasamang hangarin. Pagkaraan nito’y sinabi niya: “Narito! Sa pagkakasala ay iniluwal ako na may kahirapan, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5) Subali’t ang kasamaang ginawa ni David kay Batseba ay hindi sana nangyari. Ang problema niya’y nagpatuloy siya sa pagtingin; at hindi niya iniwasan ang situwasyon na nagpasidhi sa kaniyang seksuwal na pita ukol sa asawa ng ibang lalaki.
11. (a) Ano ang dapat nating matutuhan sa karanasan ni David? (b) Anong mga gawain ang masasabi ninyong pupukaw sa “mahalay na pita”? (c) Gaya ng sinabi ng isang kabataan, ano ang iniiwasan ng isang matalinong tao?
11 Mula sa karanasan ni David ay dapat nating matutuhan na mag-ingat sa mga kalagayan na pupukaw sa di-wastong damdamin sa sekso. Halimbawa, ano ang mangyayari kapag nagbasa kayo ng mga aklat at nanood ng programa sa telebisyon at mga pelikula na nagtatampok ng sekso? Malamang na mapukaw ang seksuwal na pita. Kaya iwasan ang mga gawain at libangan na magpapasidhi sa mga “mahalay na pita.” (Colosas 3:5; 1 Tesalonica 4:3-5; Efeso 5:3-5) Huwag ninyong ilalagay ang sarili sa isang situwasyon na aakay sa inyo sa pakikiapid. Isang 17-anyos ang may katalinuhang nagkomento: “Kahit sino ay makapagsasabi, ‘alam namin kung kailan kami hihinto.’ Totoo, maaaring alam ng isa kung kailan, pero ilan ang makagagawa noon? Mas mabuti pang iwasan ang gayong situwasyon.”
12. Anong halimbawa ni Jose ang dapat nating isaisip?
12 Kung naalaala lamang ni David ang halimbawa ni Jose, naiwasan sana niya ang malaking pagkakasalang yaon laban sa Diyos. Sa Ehipto noon, si Jose ay pinagkatiwalaan na mamahala sa sambahayan ni Potipar. Kapag wala si Potipar, sinisikap ng kaniyang hibang-sa-seksong asawa na tuksuhin ang makisig na si Jose, sa pagsasabing: “Sipingan mo ako.” Subali’t tumanggi si Jose. Kaya isang araw ay niyapos siya ng babae at pinilit siyang sumiping. Subali’t nagpumiglas si Jose at tumakas. Pinatibay niya ang kaniyang puso sa pamamagitan ng pag-iisip, hindi ang bigyang lugod ang kaniyang pita sa sekso, kundi ang gawin ang matuwid sa paningin ng Diyos. “Papaano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala laban sa Diyos?” tanong niya.—Genesis 39:7-12.
TULONG NA KAILANGAN NINYO UPANG MAGTAGUMPAY
13, 14. (a) Ano ang kailangan upang magwagi sa pakikipagpunyaging ito? (b) Anong pagbabago ang ginawa niyaong mga naging Kristiyano sa Corinto at sa tulong ng ano? (c) Dati ay anong uri ng mga tao sina Pablo at Tito?
13 Upang magwagi sa labanang ito dapat ninyong patimuin sa inyong puso ang kaalaman ng Bibliya upang mapakilos kayo nito. Subali’t kailangan ring makisama kayo sa bayan ng Diyos, at maging bahagi ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Sa tulong nito, gaano man kalubha ang inyong pagkalulong sa kasamaan, kayo ay maaaring magbago. Tungkol sa mga tao sa sinaunang Corinto na nagbago, ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Huwag kayong padaya. Ni ang mga mapakiapid, ni ang mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga sumisiping sa kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga manlalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni mga manghuhuthot ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Diyos. Subali’t dating ganiyan ang marami sa inyo. Datapuwa’t kayo’y nangahugasan na.”—1 Corinto 6:9-11.
14 Isip-isipin yaon! Marami sa sinaunang mga Kristiyanong yaon ay dating mga mapakiapid, mangangalunya, homoseksuwal, magnanakaw at lasenggo. Subali’t sa tulong ng organisasyong Kristiyano sila ay nagbago. Si apostol Pablo mismo ay dating gumawa ng masama. (1 Timoteo 1:15) Sumulat siya sa kaniyang kapuwa Kristiyano, si Tito: “Sapagka’t tayo man nang una ay mga mangmang, masuwayin, mga nadaya, na napaalipin sa sarisaring pita at kalayawan.”—Tito 3:3.
15. (a) Ano ang nagpapakita na hindi naging madali para kay Pablo na gawin ang tama? (b) Papaano tayo makikinabang mula sa halimbawa ni Pablo?
15 Nang maging Kristiyano na si Pablo, naging madali ba para sa kaniya na gawin ang mabuti? Hindi. Nagkaroon si Pablo ng habang-buhay na pakikipagpunyagi laban sa masasamang pita at kalayawan na noong una’y umalipin sa kaniya. Sumulat siya: “Hinahampas ko ang aking katawan at inaalipin ito, upang, pagkapangaral ko sa iba, ay huwag naman sana akong maitakwil.” (1 Corinto 9:27) ‘Hinigpitan’ ni Pablo ang kaniyang sarili. Pinilit niya ang sarili na gawin ang tama, kahit na hinihila siya ng kaniyang katawan sa paggawa ng masama. Kaya kung gagayahin ninyo siya, magtatagumpay din kayo sa pakikipagpunyaging ito.
16. Anong makabagong mga halimbawa ang tutulong sa atin upang magtagumpay sa pakikipagpunyagi na gawin ang tama?
16 Kung nahihirapan kayo na daigin ang isang masamang bisyo, dumalo kayo sa susunod na malaking asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Walang pagsalang maaakit kayo dahil sa wagas na pag-uugali at kagalakan ng nangaroroon. Gayunma’y marami sa kanila ay dating bahagi ng sanlibutang ito na doo’y palasak ang pakikiapid, pangangalunya, paglalasing, homoseksuwalidad, paninigarilyo, pagkasugapa sa droga, pagnanakaw, pandaraya, pagsisinungaling at pagsusugal. Marami sa kanila ay dating gumagawa ng ganito. (1 Pedro 4:3, 4) At saka, habang nakikisama kayo sa mga Saksi ni Jehova sa mas maliliit na pulong sa kongregasyon, na dapat sanang gawin nang walang pag-aatubili, makakapiling ninyo ang mga tao na nakipagpunyagi upang madaig ang masasamang bisyo at hilig na maaaring pinaglalabanan ninyo ngayon. Kaya laksan ang inyong loob! Nagtatagumpay sila sa pakikipagpunyagi upang magawa ang tama. Magagawa din ninyo ito sa tulong ng Diyos.
17. (a) Anong pakikisama ang kailangan upang magtagumpay tayo sa pakikipagbaka? (b) Kanino tayo makatatanggap ng tulong sa mga suliranin?
17 Kung matagal-tagal na rin kayong nakikipag-aral ng Bibliya kasama ang mga Saksi ni Jehova, malamang na nakadalo na kayo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Gawin ninyong regular ang ganitong pagdalo sa pulong. Lahat tayo ay nangangailangan ng espirituwal na pampasigla na makakamit sa ganitong Kristiyanong pakikipagsamahan. (Hebreo 10:24, 25) Makipagkilala sa “matatandang lalaki,” o mga “elder” sa kongregasyon. Pananagutan nilang “pastulan ang kawan ng Diyos.” (1 Pedro 5:1-3; Gawa 20:28) Kaya huwag kayong mag-atubiling lapitan sila kung nangangailangan ng tulong sa pananagumpay sa isang kaugalian na salungat sa mga batas ng Diyos. Matutuklasan ninyo na sila’y maibigin, mabait at makonsiderasyon.—1 Tesalonica 2:7, 8.
18. Anong panghinaharap na pag-asa ang nagbibigay-lakas upang maipagpatuloy ang pakikipagpunyagi?
18 Ang panggigipit na gumawa ng masama ay hindi lamang nagmumula sa sanlibutan ni Satanas kundi mula mismo sa ating makasalanang laman. Kaya ang pananatiling tapat sa Diyos ay isang araw-araw na pakikibaka. Subali’t napakabuti sapagka’t ang pakikipagpunyagi ay hindi magpapatuloy magpakailanman! Di na matatagalan at si Satanas ay aalisin at ang kaniyang buong masamang sanlibutan ay lilipulin. At, sa bagong kaayusan ng Diyos na ngayo’y napakalapit na, iiral ang matuwid na mga kalagayan na magpapadali sa ating pagsisikap. Sa wakas lahat ng bahid ng kasalanan ay mapapawi na, at hindi na kakailanganin ang ganitong mahigpit na pakikipagpunyagi upang magawa ang tama.
19. Bakit dapat kayo handang gumawa ng alinmang pagsisikap na paluguran si Jehova?
19 Palaging isipin ang mga pagpapala ng bagong kaayusang yaon. Oo, isuot “ang pag-asa ng kaligtasan na gaya ng isang turbante.” (1 Tesalonica 5:8) Nawa ang saloobin ninyo’y maging gaya ng dalaga na nagsabi: “Iniisip ko ang lahat ng nagawa para sa akin at ipinangako sa akin ni Jehova. Hindi niya ako pinabayaan. Pinagpala niya ako sa napakaraming paraan. Alam kong hangad lamang niya ang pinakamabuti para sa akin, kaya gusto ko siyang paluguran. Sulit ang alinmang pagsisikap makamit lamang ang buhay na walang-hanggan.” Kung may katapatan nating itataguyod ang katuwiran, ‘lahat ng mabubuting pangako na binitiwan ni Jehova’ sa mga umiibig sa kaniya ay tiyak na matutupad.—Josue 21:45.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 219]
Yamang may kasiyahan ang buhay sa sinaunang Ehipto, bakit ito tinalikuran ni Moises?
[Mga larawan sa pahina 220, 221]
Patuloy na tumingin si David; hindi niya iniwasan ang situwasyong umakay sa imoralidad
[Larawan sa pahina 222]
Tumakas si Jose mula sa mga tukso ng asawa ni Potipar