Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagbabalik ni Kristo—Papaano Nakikita?

Ang Pagbabalik ni Kristo—Papaano Nakikita?

Kabanata 17

Ang Pagbabalik ni Kristo​—Papaano Nakikita?

1. (a) Anong pangako ang binitiwan ni Kristo? (b) Bakit may pangangailangan ukol sa pagbabalik ni Kristo?

 “AKO AY MULING PARIRITO.” (Juan 14:3) Ang pangakong ito ay binitiwan ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga apostol noong gabi bago siya namatay. Sasang-ayon kayo marahil na higit ang pangangailangan ngayon ukol sa kapayapaan, kalusugan at buhay na idudulot sa sangkatauhan ng pagbabalik ni Kristo taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. Subali’t papaano babalik si Kristo? Sino ang makakakita sa kaniya, at papaano?

2. (a) Sa pagbabalik niya, saan dinadala ni Kristo ang kaniyang pinahirang mga tagasunod, pati na ang mga apostol, upang doon manirahan? (b) Anong katawan ang taglay nila doon?

2 Sa kaniyang pagbabalik, hindi paririto si Kristo upang manirahan sa lupa. Sa halip, yaong mga maghaharing kasama niya ay kukunin upang manirahang kasama niya sa langit. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Ako ay muling paririto at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon ay dumoon din naman kayo.” (Juan 14:3) Kaya, sa pagbabalik ni Kristo, yaong mga dadalhin sa langit ay nagiging mga espiritu, at makikita nila si Kristo sa kaniyang niluwalhating espiritung katawan. (1 Corinto 15:44) Subali’t ang kalakhang bahagi ng sangkatauhan, na hindi aakyat sa langit, ay makakakita kaya kay Jesus sa kaniyang pagbabalik?

KUNG BAKIT HINDI SIYA MAKABABALIK BILANG TAO

3. Anong katibayan sa Bibliya ang nagpapakita na hindi na muling makikita ng tao si Kristo?

3 Nang gabi ring yaon patuloy pang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Sandali na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” (Juan 14:19) Ang “sanlibutan” ay tumutukoy sa sangkatauhan. Kaya maliwanag na sinabi dito ni Jesus na ang mga tao sa lupa ay hindi na makakakita sa kaniya pagkaraan niyang umakyat sa langit. Sumulat si apostol Pablo: “Bagaman nakilala natin si Kristo ayon sa laman, tiyak na hindi na natin siya nakikilala na gayon.”​—2 Corinto 5:16.

4. Ano ang nagpapakita na si Kristo ay babalik bilang isang makapangyarihang di-nakikitang espiritu?

4 Gayunma’y marami ang naniniwala na si Kristo ay magbabalik sa mismong katawan na tinaglay niya sa kamatayan, at na lahat ng nabubuhay sa lupa ay makakakita sa kaniya. Subali’t sinasabi ng Bibliya na si Kristo ay babalik sa kaluwalhatian kasama ang lahat ng mga anghel, at na siya “ay nakaluklok sa kaniyang maluwalhating trono.” (Mateo 25:31) Kung si Jesus ay paririto bilang tao at luluklok sa isang makalupang trono, magiging mas mababa siya kay sa mga anghel. Sa halip ay paririto siya bilang pinakamakapangyarihan at pinakamaluwalhati sa lahat ng espiritung mga anak ng Diyos at sa gayo’y hindi nakikita na gaya rin naman nila.​—Filipos 2:8-11.

5. Bakit hindi makababalik si Kristo sa katawang tao?

5 Sa kabilang dako, noong nakalipas na 1,900 taon kinailangan ni Jesus na magpakababa at maging isang tao. Kinailangan niyang ihandog ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos sa atin. Ganito ang paliwanag minsan ni Jesus: “Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman sa ikabubuhay ng sanlibutan.” (Juan 6:51) Kaya inihandog ni Jesus ang kaniyang katawang laman bilang hain ukol sa sangkatauhan. Gaano katagal ang bisa ng handog na yaon? Sumasagot si apostol Pablo: “Tayo ay pinapaging-banal sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo minsan at magpakailanman.” (Hebreo 10:10) Palibhasa’y naihandog na ang kaniyang laman sa ikabubuhay ng sanlibutan, hindi ito maaaring bawiin ni Kristo at maging isang tao uli. Sa dahilang ito ang kaniyang pagbabalik ay hindi kailanman gagawin sa katawang tao na kaniyang inihandog minsan at magpakailanman.

HINDI DINALA SA LANGIT ANG KATAWANG LAMAN

6. Bakit marami ang naniniwala na dinala ni Kristo ang kaniyang katawang laman sa langit?

6 Gayumpaman, marami ang naniniwala na dinala ni Kristo sa langit ang kaniyang katawang laman. Itinuturo nila ang bagay na nang si Kristo ay buhayin mula sa mga patay, ang kaniyang katawang laman ay wala na sa libingan. (Marcos 16:5-7) Isa pa, pagkaraan ng kaniyang kamatayan nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad sa katawang laman upang ipakita sa kanila na siya ay nabubuhay. Minsan ay ipinasalat pa Niya kay apostol Tomas ang butas sa Kaniyang tagiliran para maniwala si Tomas na Siya ay talagang binuhay-muli. (Juan 20:24-27) Hindi ba ito nagpapatotoo na si Kristo ay binuhay sa mismong katawan na kaniyang taglay sa kamatayan?

7. Ano ang nagpapatotoo na si Kristo ay nagpunta sa langit bilang espiritung persona?

7 Hindi, hindi ganoon. Napakaliwanag ng Bibliya sa pagsasabi nito: “Si Kristo ay namatay nang minsan alang-alang sa mga kasalanan . . . , siya na pinatay sa laman, nguni’t binuhay sa espiritu.” (1 Pedro 3:18) Ang mga tao na may katawang laman-at-dugo ay hindi maaaring mabuhay sa langit. Hinggil sa makalangit na pagkabuhay-muli, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ito ay inihahasik na katawang laman, ibinabangon ito na katawang espiritu. . . . ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 15:44-50) Mga espiritung persona lamang na may katawang espiritu ang maaaring mabuhay sa langit.

8. Ano ang nangyari sa katawang tao ni Kristo?

8 Ano kung gayon ang nangyari sa katawang laman ni Jesus? Hindi ba’t ang kaniyang libingan ay nasumpungan ng kaniyang mga alagad na walang laman? Wala nga, sapagka’t kinuha ng Diyos ang katawan ni Jesus. Bakit ginawa ito ng Diyos? Tinupad nito ang nakasulat sa Bibliya. (Awit 16:10; Gawa 2:31) Kaya minabuti ng Diyos na kunin ang katawan ni Jesus, gaya ng pagkuha niya sa katawan ni Moises. (Deuteronomio 34:5, 6) At saka, kung ang katawan ay naiwan sa libingan, hindi mauunawaan ng mga alagad ni Jesus na siya’y binuhay mula sa mga patay, yamang nang panahong yaon ay hindi pa nila lubusang nasasakyan ang espirituwal na mga bagay.

9. Papaano naipasok ni Tomas ang kaniyang kamay sa sugat ng katawang isinuot ng binuhay-muling si Jesus?

9 Subali’t kung naipasok ni apostol Tomas ang kaniyang kamay sa butas sa tagiliran ni Jesus, hindi ba ito nagpapakita na si Jesus ay binuhay sa mismong katawan na ipinako sa tulos? Hindi, sapagka’t si Jesus ay nagsuot lamang ng katawang-laman o nagbihis ng katawang-tao, gaya ng ginawa ng mga anghel noong nakaraan. Upang kumbinsihin si Tomas kung sino Siya, ginamit Niya ang isang katawan na may mga sugat. Nagpakita siyang parang ganap na tao, na nakakakain at nakakainom, gaya din ng mga anghel na noong minsa’y naging panauhin ni Abraham.​—Genesis 18:8; Hebreo 13:2.

10. Ano ang nagpapakita na iba’t-ibang katawan ang isinuot ni Jesus?

10 Bagaman si Jesus ay napakita kay Tomas na taglay ang isang katawang kahawig niyaong kinamatayan Niya, nagsuot din naman Siya ng sarisaring katawan nang nagpapakita sa Kaniyang mga tagasunod. Kaya noong una inakala ni Maria Magdalena na siya’y isang hardinero. Sa ibang pagkakataon naman ay hindi agad siya nakilala ng kaniyang mga alagad. Sa mga pagkakataong yaon hindi ang kaniyang panlabas na anyo ang nagpakilala sa kaniya, kundi isang pangungusap o kilos na kanilang nakilala.​—Juan 20:14-16; 21:6, 7; Lucas 24:30, 31.

11, 12. (a) Sa papaanong paraan nilisan ni Kristo ang lupa? (b) Kaya sa papaanong paraan natin dapat asahan ang pagbabalik ni Kristo?

11 Sa loob ng 40 araw pagkatapos siyang buhaying-muli, si Jesus ay nagpakita sa pamamagitan ng katawang laman sa kaniyang mga alagad. (Gawa 1:3) Pagkatapos ay umakyat siya sa langit. Subali’t baka itatanong ng iba: ‘Hindi ba sinabi sa mga apostol ng dalawang anghel na naroroon na si Kristo “ay magbabalik sa gayon ding paraan na inyong nakikitang pagparoon niya sa langit”?’ (Gawa 1:11) Oo, sinabi nga nila. Subali’t pansinin na sinabi nila “sa gayon ding paraan,” hindi sa gayon ding katawan. At ano ba ang paraan ng paglisan ni Jesus? Tahimik, hindi nakikita ng karamihan. Tanging ang kaniyang mga apostol ang nakaalam nito. Hindi nalaman yaon ng sanlibutan.

12 Isaalang-alang kung papaano inilalarawan ng Bibliya ang paraan ng paglisan niya sa kaniyang mga apostol tungo sa langit. “Samantalang sila ay nakatingin, siya ay itinaas at dinala ng isang ulap mula sa kanilang paningin.” (Gawa 1:9) Kaya nang si Jesus ay magsimulang umakyat sa langit, ikinubli siya ng isang ulap mula sa paningin ng kaniyang mga apostol. Ang lumilisang si Jesus, nang magkagayon, ay hindi na nila makita. Sa kaniyang katawang espiritu ay umakyat siya sa langit. (1 Pedro 3:18) Kaya ang kaniyang pagbabalik ay hindi rin makikita, sa isang katawang espiritu.

KUNG PAPAANO MAKIKITA NG BAWA’T MATA

13. Papaano natin uunawain ang pangungusap na ‘makikita ng bawa’t mata’ si Kristo pagparito niya sa mga alapaap?

13 Papaano kung gayon natin uunawain ang mga salita sa Apocalipsis 1:7? Doo’y sumusulat si apostol Juan: “Narito! Pumaparito siyang nasasa mga alapaap, at makikita siya ng bawa’t mata, maging yaong mga nagsiulos sa kaniya; at lahat ng mga angkan sa lupa ay mananaghoy dahil sa kaniya.” Dito tumutukoy ang Bibliya sa pagkakita, hindi ng pisikal na mga mata, kundi sa diwa ng pagkaunawa o pagkakilala. Kaya, kapag nasasakyan o nauunawaan ng isang tao ang isang bagay, sinasabi niya, ‘Nakikita ko na.’ Sa katunayan, ang Bibliya ay tumutukoy sa “mga mata ng unawa.” (Efeso 1:18, King James Version) Kaya ang mga pananalitang, “makikita siya ng bawa’t mata” ay nangangahulugan na lahat ay makakaunawa o makakakilala na narito na si Kristo.

14. (a) Sino ang tinutukoy na “mga nagsiulos sa kaniya”? (b) Bakit magkakaroon ng malaking pananaghoy kapag ang lahat ay nakakilala ng pagkanaririto ni Kristo?

14 Yaong mismong mga “nagsiulos” kay Jesus ay hindi na nabubuhay sa lupa. Kaya sila ay kumakatawan sa mga tao na, sa kanilang pagpapahirap sa makabagong mga tagasunod ni Kristo, ay tumutulad sa paggawi ng unang-siglong mga taong yaon. (Mateo 25:40, 45) Malapit na ang panahon ng pagpuksa ni Kristo sa mga balakyot na ito. Patiuna na silang binalaan tungkol dito. Kapag naganap ang pagpuksang ito, “makikita” o mauunawaan nila kung ano ang nangyayari. At ang kanilang panaghoy ay tunay na magiging malaki!

BABALIK BA SI KRISTO SA LUPA?

15. Papaano madalas gamitin ang salitang “magbalik”?

15 Ang pagbabalik ay hindi laging nangangahulugan ng pagpunta sa isang literal na dako. Kaya ang mga maysakit ay sinasabing ‘nagbabalik sa kalusugan.’ At ang isang dating tagapamahala ay masasabing ‘nagbalik sa kapangyarihan.’ Kahawig din nito, sinabi ng Diyos kay Abraham: “Babalik ako sa iyo, sa isang taon sa ganito ring panahon, at si Sara ay magkakaroon ng anak.” (Genesis 18:14; 21:1) Ang pagbabalik ni Jehova ay nangangahulugan, hindi ng literal na pagbabalik, kundi ng pagbabaling ng pansin kay Sara upang gawin ang kaniyang ipinangako.

16. (a) Sa papaanong paraan babalik si Kristo sa lupa? (b) Kailan nagbalik si Kristo, at ano ang naganap noon?

16 Sa gayon ding paraan, ang pagbabalik ni Kristo ay hindi nangangahulugan na siya’y literal na babalik sa lupa. Sa halip, ito ay nangangahulugan ng paggamit niya ng kapangyarihan ng Kaharian ukol sa lupang ito at pagbaling ng kaniyang pansin dito. Hindi niya kailangang lisanin ang kaniyang makalangit na trono at aktuwal na manaog sa lupa upang gawin ito. Gaya ng nakita na natin sa nakaraang kabanata, ipinakikita ng katibayan ng Bibliya na noong 1914 C.E., dumating ang panahon ng Diyos ukol sa pagbabalik ni Kristo at pagpapasimula ng pamamahala. Nang panahong yaon narinig ang sigaw sa langit: “Ngayo’y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo.”​—Apocalipsis 12:10.

17. Yamang hindi makikita ang pagbabalik ni Kristo, ano ang ibinigay niya para malaman natin na siya’y nakabalik na?

17 Yamang hindi makikita ang pagbabalik ni Kristo, may paraan ba upang matiyak na ito nga’y talagang naganap? Oo, mayroon. Si Kristo mismo ay nagbigay ng nakikitang “tanda” na sa pamamagitan nito’y malalaman natin na siya’y narito bagaman hindi nakikita at na malapit na ang katapusan ng sanlibutan. Suriin natin ang “tanda” na ito.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 142]

Inihandog ni Kristo ang kaniyang katawang laman bilang hain. Hindi niya ito maaaring bawiin at maging isang tao uli

[Mga larawan sa pahina 144, 145]

Bakit si Jesus ay napagkamalan ni Maria Magdalena na hardinero matapos buhaying muli?

Aling katawang laman ang ipinasalat kay Tomas ng binuhay-muling si Jesus?

[Larawan sa pahina 147]

Babalik si Kristo sa gayon ding paraan ng kaniyang paglisan sa lupa. Ano ang paraan ng paglisan niya?