Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?
KABANATA 1
Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?
“Sinubukan kong sabihin sa mga magulang ko ang nararamdaman ko, kaso iba ang datíng sa kanila; hindi nila ako pinatapos. Nag-ipon pa naman ako ng lakas ng loob, ganun lang pala ang mangyayari!”—Rosa.
NOONG bata ka pa, malamang na mga magulang mo ang una mong hinihingan ng payo. Kahit ano, ikinukuwento mo sa kanila. Malaya mong nasasabi ang mga naiisip at niloloob mo, at tiwala ka sa kanilang payo.
Pero ngayon, baka iniisip mong hindi ka na naiintindihan ng mga magulang mo. “Minsan, habang naghahapunan kami, umiyak ako at naglabas ng sama ng loob,” ang sabi ng dalagitang si Edie. “Nakinig ang mga magulang ko, pero
parang hindi naman nila ako naintindihan.” Ang sumunod na nangyari? “Nagkulong na lang ako sa kuwarto at nag-iiyak!”Kung minsan naman, mas pinipili mong huwag na lang magsabi sa mga magulang mo. “Marami akong ikinukuwento sa mga magulang ko,” ang sabi ng batang si Christopher. “Pero hindi lahat ng nasa isip ko, sinasabi ko.”
Mali bang sarilinin mo na lang ang ilang bagay na nasa isip mo? Hindi naman—hangga’t hindi ka nanlilinlang. (Kawikaan 3:32) Gayunman, hindi ka man naiintindihan ng mga magulang mo o ikaw ang ayaw magsalita, isang bagay ang tiyak: Kailangan mong makipag-usap sa iyong mga magulang—at kailangan ka nilang marinig.
Huwag Magsawa
Maihahalintulad sa pagmamaneho ang pakikipag-usap sa mga magulang. Kapag natiyempo ka sa daang may harang, maghahanap ka ng ibang daan; hindi ka susuko. Tingnan ang dalawang sitwasyon.
HARANG 1 May kailangan kang ipakipag-usap, pero parang hindi naman nakikinig ang mga magulang mo. “Ang hirap kausap ni Tatay,” ang reklamo ni Leah. “Minsan, ang dami ko nang nasabi, tapos sasabihin niya, ‘Ha? Ano ’ka mo?’”
TANONG: Paano kung may problema si Leah na kailangan niya talagang ipakipag-usap? May mga opsyon siya.
Opsyon A
Sigawan ang tatay niya. “Ano ba ’Tay! Makinig naman kayo!”
Opsyon B
Huwag nang makipag-usap sa tatay niya. Puwedeng hindi na lang sabihin ni Leah ang kaniyang problema.
Opsyon C
Maghintay ng tamang tiyempo para muling ipakipag-usap ang problema. Puwedeng makipag-usap nang sarilinan si Leah sa tatay niya sa ibang pagkakataon, o puwede pa nga niya itong daanin sa sulat.
Sa palagay mo, aling opsyon ang dapat piliin ni Leah? ․․․․․
Suriin natin ang bawat opsyon para malaman kung ano ang posibleng maging resulta.
Abala ang tatay ni Leah—kaya hindi nito alam kung ano ang problema ng anak niya. Sa Opsyon A, baka hindi maintindihan ng tatay ni Leah kung bakit siya sumisigaw at lalo itong hindi makinig sa kaniya. Bukod diyan, kawalang-galang ito. (Efeso 6:2) Kaya walang magandang patutunguhan ang opsyon na ito.
Ang Opsyon B ang malamang na pinakamadaling solusyon pero hindi ito ang pinakamabuti. Bakit? Dahil “nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.” (Kawikaan 15:22) Para malutas ang problema ni Leah, kailangan niyang makipag-usap sa tatay niya—at para makatulong siya, kailangan niyang malaman kung ano ang nangyayari. Kung walang pag-uusap, walang solusyon.
Pero sa Opsyon C, hindi magiging dead end ang isang harang sa daan. Sa opsyon na ito, susubukan ni Leah na makipag-usap sa tatay niya sa ibang pagkakataon. At kung dadaanin niya ito sa sulat, baka gumaan agad ang pakiramdam ni Leah. Sa sulat, masasabi niya ang talagang gusto niyang sabihin. Kapag nabasa ng tatay niya ang sulat, malalaman nito ang niloloob niya. Kaya maiintindihan nito ang kalagayan ni Leah. Sa Opsyon C, parehong makikinabang si Leah at ang tatay niya.
Ano pa kaya ang puwedeng gawin ni Leah? Isulat sa ibaba ang naisip mo at kung ano ang posibleng maging resulta nito.
․․․․․
HARANG 2 Gustong makipag-usap ng mga magulang mo, pero ayaw mo naman. “Nai-stress ka na nga, tatanungin ka pa tungkol sa eskuwela pag-uwi mo. ’Yun pa naman ang ayaw ko,” ang sabi ni Sarah. “Gusto ko nga sana, kalimutan muna ang eskuwela, kaso tanong agad nila: ‘Kumusta
sa eskuwela? May problema ba?’” Siguradong maganda naman ang intensiyon ng mga magulang ni Sarah. Pero ang reklamo niya, “Ayokong pag-usapan ang eskuwela kapag pagód ako.”TANONG: Ano ang puwedeng gawin ni Sarah? Gaya sa naunang halimbawa, may mga opsyon siya. Narito ang tatlo.
Opsyon A
Huwag makipag-usap. Puwedeng sabihin ni Sarah: “Huwag n’yo muna akong kausapin. Gusto kong mapag-isa!”
Opsyon B
Makipag-usap. Kahit nai-stress, sasagot si Sarah, pero napipilitan lang.
Opsyon C
Makipag-usap pa rin, pero ibahin ang paksa. Puwedeng sabihin ni Sarah na saka na lang nila pag-usapan ang tungkol sa eskuwela kapag okey na siya. Pagkatapos, puwede niyang itanong: “Kayo po, kumusta?”
Sa palagay mo, aling opsyon ang dapat piliin ni Sarah? ․․․․․
Muli, suriin natin ang bawat opsyon para malaman kung ano ang posibleng maging resulta.
Nai-stress si Sarah, at ayaw niyang makipag-usap. Pero kapag pinili niya ang Opsyon A, hindi lang siya mai-stress, makokonsiyensiya pa siya dahil sinigawan niya ang kaniyang mga magulang.—Kawikaan 29:11.
Isa pa, hindi magugustuhan ng mga magulang ni Sarah ang pagsigaw niya—o ang hindi niya pagkibo pagkatapos nito. Baka isipin nilang may itinatago si Sarah. Pipilitin nila siyang magsalita. Pero siyempre, lalo lang siyang maiinis. Kaya walang magandang ibubunga ang opsyon na ito.
Mas maganda ang Opsyon B kaysa opsyon A. Kasi kahit paano, makapag-uusap si Sarah at ang kaniyang mga magulang. Pero dahil walang gana si Sarah, hindi siya magiging open at hindi relaks ang pag-uusap nila.
Pero kung Opsyon C ang pipiliin ni Sarah, gagaan ang pakiramdam niya dahil ipagpapaliban muna ang pag-uusap tungkol sa eskuwela. Matutuwa rin ang mga magulang niya sa pagsisikap niyang makipag-usap sa kanila. Malamang na ito ang pinakamagandang opsyon dahil ikinakapit ng magkabilang panig ang simulain sa Filipos 2:4, na nagsasabi: “Ang bawat isa sa inyo’y dapat magmalasakit, hindi lamang sa sariling kapakanan kundi rin naman sa iba.”—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Mag-isip Bago Magsalita
Tandaan, puwedeng iba ang intindi ng magulang mo sa sinasabi mo. Halimbawa, kapag tinanong ka nila kung bakit hindi maganda ang mood mo, baka sumagot ka, “Ayoko pong pag-usapan ’yan.” Pero ang datíng sa magulang mo: “Wala akong tiwala sa inyo. Sa mga kaibigan ko, magsasabi ako, pero sa inyo, hindi.” Subukang sagutan ang sumusunod. Kunwari may mabigat kang problema at gusto kang tulungan ng magulang mo.
Kung sasabihin mo: “Huwag n’yo na ’kong intindihin. Ako na’ng bahala.”
Ang datíng sa magulang mo: ․․․․․
Mas maganda kung sasabihin mo: ․․․․․
Ang punto? Pag-isipang mabuti ang sasabihin mo. Maging magalang. (Colosas 4:6) Isipin mong kakampi sila, hindi kaaway. At aminin natin: Miyentras mas marami kang kakampi, mas maraming tutulong sa iyo para kayanin ang mga problema.
Paano kung nakakausap mo naman ang mga magulang mo, kaso, tuwing mag-uusap kayo, lagi kayong nagtatalo?
TEMANG TEKSTO
“Nagsasalita ako mula sa puso at nagsasabi nang tapat.”—Job 33:3, The Holy Bible in the Language of Today, ni William Beck.
TIP
Kung naaasiwa kang makipag-usap nang pormal sa (mga) magulang mo tungkol sa iyong problema, sabihin ito sa kanila habang namamasyal kayo, nagbibiyahe, o nagsa-shopping.
ALAM MO BA . . . ?
Hindi lang mga anak ang naaasiwang makipag-usap tungkol sa seryosong mga bagay, mga magulang din. Kung minsan nga, baka pakiramdam nila ay wala silang gaanong maitutulong.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kapag tinatamad akong makipag-usap sa mga magulang ko, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kapag pinipilit ako ng magulang ko na magkuwento tungkol sa isang bagay na ayokong pag-usapan, ang sasabihin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit mahalagang humanap ng tiyempo sa pakikipag-usap?—Kawikaan 25:11.
● Bakit sulit na makipag-usap sa mga magulang mo?—Job 12:12.
[Blurb sa pahina 10]
“Hindi laging madaling makipag-usap sa mga magulang, pero kung magiging open ka sa kanila, gagaan ang loob mo.”—Devenye
[Larawan sa pahina 8]
Hindi kailangang maging dead end ang isang harang sa daan—may iba pang paraan para makausap mo ang iyong mga magulang!