Bakit Ko Dapat Pangalagaan ang Kalusugan Ko?
KABANATA 10
Bakit Ko Dapat Pangalagaan ang Kalusugan Ko?
Lagyan ng ✔ ang goal mo.
□ Bawasan ang stress
□ Kontrolin ang galit
□ Tumaas ang kumpiyansa
□ Maging mas alisto
□ Maging mas masigla
□ Gumanda ang kutis
□ Magbawas ng timbang
HINDI lahat ng bagay sa buhay ng kabataan, mapipili nila—ang mga magulang, mga kapatid, tirahan, at iba pa. Pero iba pagdating sa kalusugan. Bagaman may papel dito ang a
genes mo, kadalasan nang mas malaki ang epekto sa kalusugan mo ng pinipili mong lifestyle.‘Pero bata pa naman ako, bakit ko poproblemahin ang kalusugan ko?’ baka sabihin mo. Talaga nga kaya? Balikan ang mga goal sa pahina 71. Ilan ang nilagyan mo ng tsek? Maniwala ka man o hindi, napakahalaga ng magandang kalusugan para maabot ang mga tunguhing iyan.
“Hindi ko kaya kung puro whole wheat, low-fat, at sugar-free ang kakainin ko,” ang sabi ni Amber, 17. Baka ganiyan din ang katuwiran mo. Pero huwag kang mag-alala. Hindi naman ibig sabihin na bawal na sa iyo ang matatamis, o na kailangan mong mag-jogging nang kilu-kilometro bawat linggo. Baka nga ilang simpleng bagay lang ang kailangan mong baguhin para gumaan ang iyong pakiramdam, maging masigla, at magkaroon ng magandang pangangatawan. Tingnan natin kung ano ang ginawa ng ilang kabataan.
Kumain Nang Wasto, Gaganda ang Katawan Mo!
Ipinapayo ng Bibliya na maging katamtaman sa pagkain. “Huwag kang . . . kumain nang sobra,” ang sabi ng Kawikaan 23:20. (Contemporary English Version) Pero hindi laging madaling sundin iyan.
“Tulad ng maraming tin-edyer, lagi akong gutóm. Sabi nga ng mga magulang ko parang wala akong kabusugan!”—Andrew, 15.
“Tingin ko walang masama kahit ano’ng kainin ko kasi wala naman akong nakikitang diperensiya sa katawan ko.”—Danielle, 19.
Kailangan mo ba ng higit na
pagpipigil pagdating sa pagkain? Narito ang tip ng ilang kabataan:Pakiramdaman ang tiyan mo. “Dati, nagbibilang pa ako ng kalori,” ang sabi ni Julia, 19, “pero ngayon, basta naramdaman kong busog na ako, tumitigil na ako sa pagkain.”
Iwasan ang junk food. “Nang tigilan ko ang softdrinks,” ang sabi ni Peter, 21, “limang kilo agad ang nabawas sa timbang ko sa loob lang ng isang buwan!”
Baguhin ang di-magandang kaugalian sa pagkain. “Kapag ubós na ang nasa plato ko, hindi na ako kumukuha uli,” ang sabi ni Erin, 19.
Sekreto sa Tagumpay: Huwag magpalipas ng gutom. Mapaparami ka lang ng kain!
Mag-ehersisyo at Gagaan ang Pakiramdam Mo!
Sabi ng Bibliya: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang.” (1 Timoteo 4:8) Pero maraming kabataan ang tamad mag-ehersisyo.
“Noong haiskul ako, ang daming bumagsak sa P.E., eh ’yun nga ang pinakamadaling klase bukod sa recess!”—Richard, 21.
“Iniisip ng iba, ‘Bakit ka pa magpapawís at magpapagód sa katatakbo sa init ng araw kung puwede ka namang maglaro ng video game na kunwari’y iyon din ang ginagawa mo?’”—Ruth, 22.
Marinig mo pa lang ba ang salitang “ehersisyo,” napapagod ka na? Kung oo, tingnan ang tatlong kapakinabangan ng regular na pag-eehersisyo.
Pakinabang #1. Lalakas ang resistensiya mo. “Laging sinasabi ng tatay ko, ‘Kung wala kang panahon sa ehersisyo, maghanda-handa ka na sa pagkakasakit,’” ang sabi ni Rachel, 19.
Pakinabang #2. Maglalabas ng pamparelaks na mga hormone ang iyong utak. “Kapag natetensiyon ako sa kakaisip, malaking tulong ang pagtakbo,” ang sabi ni Emily, 16. “Maganda na sa katawan, nakakaginhawa pa.”
Pakinabang #3. Mag-e-enjoy ka sa pag-eehersisyo. “Gustung-gusto ko sa labas,” ang sabi ni Ruth, 22, “kaya ginagawa kong ehersisyo ang pagbibisikleta, hiking, swimming, at snowboarding.”
Sekreto sa Tagumpay: Mag-iskedyul ng kahit 20 minuto, tatlong beses bawat linggo para sa ehersisyong mae-enjoy mo.
Matulog Nang Maaga—Bumangong Masigla!
Sabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Kapag kulang ka sa tulog, bagsak ang performance mo!
“Kapag kulang ako sa tulog, hindi ako gaanong makapag-isip. Hiráp akong mag-concentrate!”—Rachel, 19.
“Alas-dos pa lang ng hapon, pagód na pagód na ako, kaya halos makatulog ako kahit may kausap ako!”—Kristine, 19.
Kulang ka ba sa tulog? Narito ang ginawa ng ilang kabataan.
Huwag magpuyat. “Sinisikap kong matulog nang maaga,” ang sabi ni Catherine, 18.
Huwag magbabad sa kuwentuhan. “Kung minsan, gabing-gabi na kung tumawag o magtext ang mga kaibigan ko,” ang sabi ni Richard, 21, “pero alam ko na ngayon kung paano puputulin ang pag-uusap para makatulog ako nang maaga.”
Huwag pabagu-bago. “Nagse-set ako ng regular na oras ng pagtulog at paggising,” ang sabi ni Jennifer, 20.
Sekreto sa Tagumpay: Sikaping matulog nang di-bababa sa walong oras gabi-gabi.
Malaking tulong ang mga simpleng hakbang na ito para mapangalagaan mo ang iyong sarili. Tandaan, tutulong ang magandang kalusugan para gumaan ang iyong pakiramdam, maging masigla, at gumanda ang iyong pangangatawan. Bagaman hindi lahat ng bagay sa buhay ay makokontrol mo, iba naman pagdating sa kalusugan. Gaya nga ng sinabi ni Erin, 19, “Ang iyong kalusugan ay nakadepende sa iisang tao—sa iyo.”
Hindi ba kayo magkasundo ng mga magulang mo pagdating sa damit? Alamin ang dapat mong gawin.
[Talababa]
a Marami ang may kapansanan o problema sa kalusugan, at wala silang gaanong magawa rito. Pero may praktikal na mga mungkahi sa kabanatang ito na puwedeng makatulong sa kanila.
TEMANG TEKSTO
“Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang.”—1 Timoteo 4:8.
TIP
Maganda kung may partner ka sa pag-eehersisyo, kasi kahit tinatamad ka, mapipilitan ka dahil ayaw mo siyang ma-disappoint.
ALAM MO BA . . . ?
Kapag nag-eehersisyo ka, ang iyong utak ay naglalabas ng endorphin—isang natural na kemikal na nakakabawas ng kirot at nakakabuti ng pakiramdam.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Ang goal na kaya kong abutin sa pagdidiyeta ay ․․․․․
Ang goal na kaya kong abutin sa pag-eehersisyo ay ․․․․․
Sa susunod na buwan, sisikapin kong matulog nang hindi bababa sa oras bawat gabi. ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Ano ang kaugnayan ng kumpiyansa sa sarili at ng pangangalaga mo sa iyong kalusugan?
● Ano ang mas mahalaga kaysa pisikal na kalusugan?—1 Timoteo 4:8.
[Blurb sa pahina 74]
“Ang sarap ng pakiramdam kapag nag-eehersisyo ako. At nakikita kong may improvement sa katawan ko kaya mas nagiging confident ako!”—Emily
[Kahon sa pahina 73]
“Binago Ko ang Lifestyle Ko”
“Ang taba-taba ko noon. Ang bigat ng pakiramdam ko at hindi ako masaya sa hitsura ko! Ilang beses kong sinubukang magdiyeta para magbawas ng timbang, pero balik pa rin sa dati. Kaya noong 15 anyos na ako, naging desidido akong magpapayat sa tamang paraan—isang paraan na mapaninindigan ko. Bumili ako ng libro tungkol sa tamang nutrisyon at pag-eehersisyo, at sinunod ko ang mga nabasa ko. Desidido ako na hindi ako susuko kahit sumablay ako paminsan-minsan o masiraan ng loob. Effective ito! Sa loob lang ng isang taon, 25 kilo ang nabawas sa timbang ko! Dalawang taon ko na itong nami-maintain. Di ko akalaing papayat ako! Sa palagay ko, naging successful ako kasi hindi lang ako basta nag-diet—binago ko ang lifestyle ko.”—Catherine, 18.
[Larawan sa pahina 74]
Ang iyong kalusugan ay parang sasakyan—masisira ito kapag walang tamang maintenance