Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Labanan ang Balakyot na mga Puwersang Espiritu

Labanan ang Balakyot na mga Puwersang Espiritu

Kabanata 12

Labanan ang Balakyot na mga Puwersang Espiritu

1. Papaano tumugon si Jesus nang mákasagupa niya ang balakyot na mga espiritu?

 KARAKA-RAKA pagkatapos ng kaniyang bautismo, pumunta si Jesu-Kristo sa ilang ng Judea upang manalangin at magbulay-bulay. Doon ay sinikap ni Satanas na Diyablo na ulukan siyang labagin ang batas ng Diyos. Gayunman, tinanggihan ni Jesus ang pain ng Diyablo at hindi nagpahúli sa kaniyang bitag. Nákasagupa ni Jesus ang iba pang balakyot na mga espiritu sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. Ngunit, paulit-ulit na sinaway niya sila at nilabanan.​—Lucas 4:​1-13; 8:​26-34; 9:​37-43.

2. Anu-anong tanong ang ating isasaalang-alang?

2 Ang mga ulat ng Bibliya na naglalarawan ng mga pagsasagupang iyon ay dapat makakumbinsi sa atin na talagang may balakyot na mga puwersang espiritu. Sinisikap nilang iligaw ang mga tao. Gayunman, malalabanan natin ang masasamang espiritung ito. Ngunit saan ba nanggaling ang balakyot na mga espiritu? Bakit sila nagsisikap na dayain ang mga tao? At anong mga paraan ang ginagamit nila upang matamo ang kanilang mga layunin? Ang pagkaalam ng mga sagot sa mga tanong na katulad nito ay tutulong sa iyo upang labanan ang balakyot na mga puwersang espiritu.

BALAKYOT NA MGA ESPIRITU​—ANG KANILANG PINAGMULAN AT LAYUNIN

3. Papaano nagkaroon ng Satanas na Diyablo?

3 Gumawa ang Diyos na Jehova ng makapal na bilang ng mga espiritung nilalang matagal pa bago niya lalangin ang mga tao. (Job 38:​4, 7) Gaya ng ipinaliwanag sa Kabanata 6, isa sa mga anghel na ito ang nagnasang siya ang sambahin ng mga tao sa halip na sambahin si Jehova. Sa pagtataguyod ng layuning iyan, lumaban ang balakyot na anghel na ito at siniraang-puri ang Maylalang, anupat ipinaramdam pa nga sa unang babae na sinungaling daw ang Diyos. Angkop lamang kung gayon, na ang rebeldeng espiritung nilalang na ito ay nakilala bilang Satanas (mánlalabán) na Diyablo (maninirang-puri).​—Genesis 3:​1-5; Job 1:6.

4. Papaano nagkasala ang ilang anghel noong kaarawan ni Noe?

4 Pagkaraan, pumanig ang iba pang mga anghel kay Satanas na Diyablo. Noong kaarawan ng matuwid na si Noe, iniwan ng ilan sa mga ito ang kanilang paglilingkod sa langit at nagkatawang-tao upang masapatan ang kanilang kayamuan sa seksuwal na pakikipagtalik sa makalupang mga babae. Walang alinlangang inimpluwensiyahan ni Satanas ang mga anghel na iyon upang tahakin ang masuwaying landas na iyan. Ito’y humantong sa pagkakaroon ng mga supling na magkahalong espiritu at tao na tinawag na Nefilim, na naging mararahas na mang-aapi. Nang pangyarihin ng Diyos ang malaking Delubyo, pinuksa nito ang nágpakasamáng sangkatauhan at ang di-natural na mga supling na ito ng masuwaying mga anghel. Tinakasan ng mga rebeldeng anghel ang kapuksaan sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo ng kanilang katawang-laman at pagbabalik sa daigdig ng mga espiritu. Ngunit pinigilan ng Diyos ang mga demonyong ito sa pamamagitan ng pagtatakwil sa kanila sa espirituwal na kadiliman. (Genesis 6:​1-7, 17; Judas 6) Sa kabila nito, si Satanas, “ang tagapamahala ng mga demonyo,” at ang kaniyang balakyot na mga anghel ay nagpatuloy pa rin sa kanilang paghihimagsik. (Lucas 11:15) Ano ang kanilang layunin?

5. Ano ang layunin ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo, at ano ang ginagamit nila upang masilo ang mga tao?

5 Ang masamang balak ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ay ang italikod ang mga tao sa Diyos na Jehova. Kaya nga, ang mga tao’y patuloy na inililigaw, tinatakot, at sinasalakay ng mga balakyot na ito sa buong kasaysayan nila. (Apocalipsis 12:9) Pinatutunayan ng mga modernong halimbawa na mas mabalasik higit kailanman ang pananalakay ng mga demonyo ngayon kaysa noon. Upang masilo ang mga tao, madalas na gumagamit ang mga demonyo ng espiritismo sa lahat ng anyo nito. Papaano ginagamit ng mga demonyo ang pain na ito, at papaano mo maipagtatanggol ang iyong sarili?

KUNG PAPAANO SINISIKAP NG BALAKYOT NA MGA ESPIRITU NA MAILIGAW KA

6. Ano ang espiritismo, at anu-ano ang ilang anyo nito?

6 Ano ba ang espiritismo? Ito ay ang pakikisangkot sa mga demonyo, o balakyot na mga espiritu, tuwiran man o sa pamamagitan ng isang midyum. Ang layunin ng mga demonyo sa paggamit ng espiritismo ay gaya ng paggamit ng mángangasó sa pain: Umaakit ito ng mga biktima. At kung papaanong ang mga mángangasó ay gumagamit ng iba’t ibang pain upang maakit ang mga hayop tungo sa bitag, gayundin ang balakyot na mga espiritu ay humihimok ukol sa iba’t ibang anyo ng espiritismo upang makontrol nila ang mga tao. (Ihambing ang Awit 119:110.) Ang ilan sa mga anyong ito ay ang panghuhula, madyik, paghanap ng mga tanda, panggagaway, pangkukulam, pagsangguni sa mga midyum, at pakikipag-usap sa mga patay.

7. Gaano kalawak ang espiritismo, at bakit ito umuunlad kahit sa di-umano’y mga Kristiyanong lupain?

7 Nagtatagumpay ang pain, sapagkat naaakit sa espiritismo ang mga tao sa buong daigdig. Yaong nakatira sa mga kagubatan ay pumupunta sa mga albularyo, at ang mga nag-oopisina sa siyudad ay sumasangguni naman sa mga astrologo. Umuunlad ang espiritismo kahit sa diumano’y mga Kristiyanong lupain. Ipinahihiwatig ng pagsasaliksik na sa Estados Unidos lamang, mga 30 magasin na may pinagsama-samang sirkulasyon na mahigit na 10,000,000 ang nakaukol sa iba’t ibang anyo ng espiritismo. Gumugugol ang mga taga-Brazil ng mahigit na 500 milyong dolyar taun-taon para sa mga kagamitang ukol sa espiritismo. Gayunman, 80 porsiyento ng pumupunta sa mga sentro ng pagsamba ukol sa espiritismo sa bansang iyan ay mga binyagang Katoliko na nagmimisa rin. Yamang ang ilang klerigo ay nagsasagawa ng espiritismo, maraming relihiyosong tao ang nag-aakala na ang pagsasagawa nito ay kaayaaya sa Diyos. Ngunit totoo nga ba ito?

KUNG BAKIT HINAHATULAN NG BIBLIYA ANG PAGSASAGAWA NG ESPIRITISMO

8. Ano ang maka-Kasulatang pangmalas hinggil sa espiritismo?

8 Kung ikaw ay naturuan na ang ilang anyo ng espiritismo ay mga paraan ng pakikipagtalastasan sa mabubuting espiritu, baka magulat ka kapag nalaman mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa espiritismo. Binabalaan ang bayan ni Jehova: “Huwag kayong babaling sa mga midyum ng espiritu, at huwag kayong sasangguni sa mga propesyonal na tagapanghula ng mga pangyayari, upang maging di-malinis dahil sa kanila.” (Levitico 19:31; 20:​6, 27) Ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay nagbibigay ng babala na “yaong nagsasagawa ng espiritismo” ay hahantong sa “lawa na nagniningas sa apoy at asupre. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang [walang-hanggang] kamatayan.” (Apocalipsis 21:8; 22:15) Lahat ng anyo ng espiritismo ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova. (Deuteronomio 18:​10-12) Bakit nagkagayon?

9. Bakit makatitiyak tayo na ang kasalukuyang mga mensahe mula sa daigdig ng mga espiritu ay hindi mula kay Jehova?

9 Nagsugo si Jehova ng mabubuting espiritu, o matuwid na mga anghel, upang makipagtalastasan sa ilang tao bago makumpleto ang Bibliya. Mula nang makumpleto ito, naglaan na ang Salita ng Diyos ng patnubay na kailangan ng mga tao upang kaayaayang mapaglingkuran si Jehova. (2 Timoteo 3:​16, 17; Hebreo 1:​1, 2) Hindi niya binabale-wala ang kaniyang banal na Salita sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga mensahe sa mga midyum. Lahat ng kasalukuyang mga mensaheng ito na mula sa daigdig ng mga espiritu ay mula sa balakyot na mga espiritu. Ang pagsasagawa ng espiritismo ay maaaring humantong sa panliligalig ng mga demonyo o maging sa pagiging inaalihan ng balakyot na mga espiritu. Kaya nga, maibiging nagbababala ang Diyos sa atin na huwag makisangkot sa anumang gawaing may kaugnayan sa espiritismo. (Deuteronomio 18:14; Galacia 5:​19-21) Isa pa, kung patuloy pa rin tayo sa pagsasagawa ng espiritismo matapos malaman ang pangmalas ni Jehova rito, magiging kapanig tayo ng rebeldeng balakyot na mga espiritu at magiging kaaway ng Diyos.​—1 Samuel 15:23; 1 Cronica 10:​13, 14; Awit 5:4.

10. Ano ang panghuhula, at bakit dapat natin itong iwasan?

10 Ang isang popular na anyo ng espiritismo ay ang panghuhula​—ang pagtatangkang matuklasan ang hinaharap o ang mga bagay na lingid sa kaalaman sa tulong ng mga espiritu. Ang ilang anyo ng panghuhula ay astrolohiya, pagtitig sa bolang kristal, pagbibigay-kahulugan sa mga panaginip, pagbasa ng palad, at pagsasabi ng kapalaran sa paggamit ng mga barahang tarot. Itinuturing ng marami na ang panghuhula ay isang katuwaan lamang at di-nakasasamâ, ngunit ipinakikita ng Bibliya na ang mga manghuhula ng kapalaran at ang balakyot na mga espiritu ay may malapit na kaugnayan. Halimbawa, binabanggit sa Gawa 16:​16-19 ang “isang demonyo ng panghuhula” na nagpangyari sa isang batang babae na maisagawa “ang sining ng panghuhula.” Gayunman, nawala ang kaniyang kakayahang sabihin ang hinaharap matapos palayasin ang demonyo. Maliwanag, ang panghuhula ay isang pain na ginagamit ng mga demonyo upang akitin ang mga tao sa kanilang bitag.

11. Papaanong humahantong sa isang bitag ang mga pagtatangkang makipag-usap sa mga patay?

11 Kung ikaw ay namimighati dahil sa pagkamatay ng isang minamahal na miyembro ng pamilya o isang matalik na kaibigan, madali kang mahihikayat sa isa pang pain. Baka bigyan ka ng tanging impormasyon ng isang midyum ng mga espiritu o baka makipag-usap sa isang tinig na waring boses niyaong namatay. Mag-ingat ka! Ang pagtatangkang makipag-usap sa mga patay ay hahantong sa isang bitag. Bakit? Sapagkat ang patay ay hindi na nakapagsasalita. Gaya ng maaalaala mo marahil, maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos na sa kamatayan ang isang tao ay “bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” Ang mga patay ‘ay walang nalalamang anuman.’ (Awit 146:4; Eclesiastes 9:​5, 10) Bukod doon, talaga namang kilala na ang mga demonyo sa pagtulad sa tinig ng mga patay at siyang nagbibigay sa midyum ng espiritu ng mga impormasyon tungkol sa isang yumao. (1 Samuel 28:​3-19) Kaya nga “sinumang sumasangguni sa patay” ay nabibitag ng balakyot na mga espiritu at gumagawang salungat sa kalooban ng Diyos na Jehova.​—Deuteronomio 18:​11, 12; Isaias 8:19.

MULA SA PANG-AAKIT TUNGO SA PAGSALAKAY

12, 13. Anong ebidensiya mayroon na ang mga demonyo ay nagpupumilit sa panunukso at panliligalig sa mga tao?

12 Kapag sumusunod ka sa payo ng Salita ng Diyos tungkol sa espiritismo, tinatanggihan mo ang pain ng mga demonyo. (Ihambing ang Awit 141:​9, 10; Roma 12:9.) Nangangahulugan ba ito na hihinto na ang balakyot na mga espiritu sa pagsisikap na mabihag ka? Hinding-hindi! Pagkatapos na tatlong ulit na tuksuhin si Jesus, si Satanas ay “humiwalay sa kaniya hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Lucas 4:13) Kahawig din nito, ang suwail na mga espiritu ay hindi lamang umaakit sa mga tao kundi sumasalakay rin sa kanila.

13 Alalahanin ang ating naunang pagsasaalang-alang sa pagsalakay ni Satanas sa lingkod ng Diyos na si Job. Pinapangyari ng Diyablo na mawala ang hayupan niya at mamatay ang halos lahat ng mga alipin niya. Pinatay pa man din ni Satanas ang mga anak ni Job. Sumunod, sinalot niya mismo si Job ng isang napakasakit na karamdaman. Subalit pinanatili ni Job ang kaniyang katapatan sa Diyos at siya’y lubusang pinagpala. (Job 1:​7-19; 2:​7, 8; 42:12) Mula noon, pinapangyari ng mga demonyo na ang ilang tao ay gawing pipi o kaya’y mabulag at nagpatuloy na ikatuwa ang pagdurusa ng mga tao. (Mateo 9:​32, 33; 12:22; Marcos 5:​2-5) Sa ngayon, ipinakikita ng mga ulat na nililigalig ng mga demonyo ang ilan sa seksuwal na paraan at itinutulak ang iba hanggang sa mabaliw. Inuudyukan pa nga ang iba na pumaslang at magpatiwakal, na pawang kasalanan sa Diyos. (Deuteronomio 5:17; 1 Juan 3:15) Gayunman, ang libu-libong tao na minsa’y nabitag ng balakyot na mga espiritung ito ay nakaalpas. Papaano nila ito nagawa? Nagawa nila ito sa pamamagitan ng pagkuha ng kinakailangang mga hakbang.

KUNG PAPAANO MAPAGLALABANAN ANG BALAKYOT NA MGA ESPIRITU

14. Kasuwato ng halimbawa ng unang-siglong mga Kristiyanong taga-Efeso, papaano mo mapaglalabanan ang balakyot na mga espiritu?

14 Ano ang isang paraan upang mapaglabanan mo ang balakyot na mga espiritu at maingatan ang iyong sarili at ang iyong pamilya mula sa mga silò nila? Ang unang-siglong mga Kristiyano sa Efeso na nagsagawa ng espiritismo bago naging mananampalataya ay kumuha ng positibong mga hakbang. Mababasa natin na “tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng pagsasalamangka ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.” (Gawa 19:19) Kahit hindi ka pa nagsasagawa ng espiritismo, alisin na ang anumang ginagamit sa espiritismo o mga bagay na may bahid nito. Kabilang dito ang mga aklat, magasin, video, karatula, isinaplakang tugtugin, at mga bagay na ginagamit para sa layuning ukol sa espiritismo. Kabilang din ang mga idolo, anting-anting at ibang bagay na isinusuot bilang proteksiyon, at mga regalong tinanggap mula sa mga espiritista. (Deuteronomio 7:​25, 26; 1 Corinto 10:21) Bilang halimbawa: Isang mag-asawa sa Thailand ang matagal nang nililigalig ng mga demonyo. Pagkatapos ay inalis nila ang mga bagay na may kinalaman sa espiritismo. Ano ang naging resulta? Nawala ang makademonyong pagsalakay sa kanila at mula noon ay talagang sumulong na sila sa espirituwal.

15. Sa paglaban sa balakyot na mga puwersang espiritu, ano ang isa pang kinakailangang hakbang?

15 Upang mapaglabanan ang balakyot na mga espiritu, ang isa pang kinakailangang hakbang ay ang pagkakapit ng payo ni apostol Pablo na isuot ang kompletong bigay-Diyos na kagayakang pandigma. (Efeso 6:​11-17) Dapat patibayin ng mga Kristiyano ang kanilang depensa laban sa balakyot na mga espiritu. Ano ang nasasangkot sa hakbang na ito? “Higit sa lahat,” sabi ni Pablo, “kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipangsusugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.” Ang totoo, kung mas malakas ang iyong pananampalataya, mas malaki ang iyong kakayahang labanan ang balakyot na mga puwersang espiritu.​—Mateo 17:​14-20.

16. Papaano mo mapatitibay ang iyong pananampalataya?

16 Papaano mo mapatitibay ang iyong pananampalataya? Sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng payo nito sa iyong buhay. Ang tibay ng pananampalataya ng isa ay depende lalo na sa katatagan ng pundasyon nito​—ang kaalaman ng Diyos. Hindi ka ba sasang-ayon na ang tumpak na kaalaman na iyong natamo at dinibdib habang pinag-aaralan mo ang Bibliya ay nagpatibay ng iyong pananampalataya? (Roma 10:​10, 17) Walang-alinlangan kung gayon, habang ipinagpapatuloy mo ang pag-aaral na ito at kinauugalian ang pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, higit pang titibay ang iyong pananampalataya. (Roma 1:​11, 12; Colosas 2:​6, 7) Ito’y magiging isang mabisang proteksiyon laban sa mga pagsalakay ng demonyo.​—1 Juan 5:5.

17. Ano pang mga hakbang ang maaaring kailanganin sa paglaban sa balakyot na mga puwersang espiritu?

17 Ano pang mga hakbang ang maaaring kunin ng isang taong determinado sa paglaban sa balakyot na mga puwersang espiritu? Kinailangan ng mga Kristiyanong taga-Efeso ang proteksiyon sapagkat sila’y naninirahan sa isang lunsod na pinamumugaran ng demonismo. Kaya, sinabi sa kanila ni Pablo: “Magpatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa espiritu.” (Efeso 6:18) Yamang tayo’y nabubuhay sa isang sanlibutang pinamumugaran ng mga demonyo, ang marubdob na pananalangin para sa proteksiyon ng Diyos ay kailangang-kailangan sa paglaban sa balakyot na mga espiritu. (Mateo 6:13) Makatutulong hinggil sa bagay na ito ang espirituwal na tulong at pananalangin ng inatasang matatanda sa Kristiyanong kongregasyon.​—Santiago 5:​13-15.

IPAGPATULOY ANG IYONG PAKIKIPAGLABAN SA BALAKYOT NA MGA ESPIRITU

18, 19. Ano ang maaaring gawin kapag muling nanligalig ang mga demonyo sa isang tao?

18 Gayunman, kahit matapos kunin ang mga saligang hakbang na ito, ang iba’y nililigalig pa rin ng balakyot na mga espiritu. Halimbawa, isang lalaki sa Côte d’Ivoire ang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at sinira ang lahat ng kaniyang mga anting-anting. Mula noon, siya’y sumulong na mainam, nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova, at nabautismuhan. Ngunit isang linggo pagkabautismo sa kaniya, nagsimula na namang ligaligin siya ng mga demonyo, at may mga tinig na nagsasabi sa kaniyang talikuran na ang kaniyang bagong-tuklas na pananampalataya. Kung ito’y nangyari sa iyo, ibig bang sabihin na nawala na sa iyo ang proteksiyon ni Jehova? Hindi naman.

19 Bagaman ang sakdal na taong si Jesu-Kristo ay may proteksiyon mula sa Diyos, narinig niya ang tinig ng balakyot na espiritung nilalang na si Satanas na Diyablo. Ipinakita ni Jesus ang dapat gawin kapag nangyari ito. Sinabi niya sa Diyablo: “Lumayas ka, Satanas!” (Mateo 4:​3-10) Kagaya nito, dapat na tanggihan mo ang pakikinig sa mga tinig mula sa daigdig ng mga espiritu. Labanan ang balakyot na mga espiritu sa pamamagitan ng paghingi ng tulong kay Jehova. Oo, manalangin nang malakas na ginagamit ang pangalan ng Diyos. Sabi ng Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at binibigyan ng proteksiyon.” Ganito ang ginawa ng Kristiyanong lalaki sa Côte d’Ivoire, at tumigil sa panliligalig sa kaniya ang balakyot na mga espiritu.​—Awit 124:8; 145:18.

20. Bilang sumaryo, ano ang magagawa mo upang labanan ang balakyot na mga espiritu?

20 Pinahihintulutan ni Jehova na manatili ang balakyot na mga espiritu, subalit ipinakikita niya ang kaniyang kapangyarihan, lalo na kung para sa kaniyang bayan, at ang kaniyang pangalan ay ipinahahayag na sa buong lupa. (Exodo 9:16) Kung ikaw ay mananatiling malapít sa Diyos, hindi ka kailangang matakot sa balakyot na mga espiritu. (Bilang 23:​21, 23; Santiago 4:​7, 8; 2 Pedro 2:9) Limitado lamang ang kanilang kapangyarihan. Sila’y pinarusahan noong kaarawan ni Noe, inihagis mula sa langit sa ating kapanahunan, at ngayo’y naghihintay sa pangwakas na hatol. (Judas 6; Apocalipsis 12:9; 20:​1-3, 7-10, 14) Sa katunayan, kinatatakutan nila ang nálalapít na kapuksaan nila. (Santiago 2:19) Kaya kung sisikapin ng balakyot na mga espiritu na akitin ka taglay ang ilang uri ng pain o kaya’y salakayin ka sa anumang paraan, malalabanan mo sila. (2 Corinto 2:11) Iwaksi ang anumang anyo ng espiritismo, ikapit ang payo ng Salita ng Diyos, at tamuhin ang pagsang-ayon ni Jehova. Gawin ito agad, sapagkat ang iyong buhay ay depende sa iyong paglaban sa balakyot na mga puwersang espiritu!

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Papaano sinisikap ng balakyot na mga espiritu na iligaw ang mga tao?

Bakit hinahatulan ng Bibliya ang espiritismo?

Papaano makaaalpas ang isang tao mula sa balakyot na mga puwersang espiritu?

Bakit dapat mong patuloy na labanan ang balakyot na mga espiritu?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 110]

Papaano mo minamalas ang espiritismo sa iba’t ibang anyo nito?