Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Ano ang Nagawa Na ng Diyos Upang Iligtas ang Sangkatauhan

Kung Ano ang Nagawa Na ng Diyos Upang Iligtas ang Sangkatauhan

Kabanata 7

Kung Ano ang Nagawa Na ng Diyos Upang Iligtas ang Sangkatauhan

1, 2. (a) Papaano nangyaring makilala ng isang Romanong senturion kung sino ang Anak ng Diyos? (b) Bakit pinahintulutan ni Jehova na mamatay si Jesus?

 ISANG hapon ng tagsibol halos 2,000 taon na ang nakalilipas, pinanonood ng isang Romanong senturion ang unti-unti at napakasakit na pagkamatay ng tatlong lalaki. Binigyan ng higit na pansin ng sundalong iyon ang isa sa kanila​—si Jesu-Kristo. Si Jesus ay ipinako sa isang tulos na kahoy. Ang kalangitan sa katanghaliang tapat ay nagdilim habang papalapit ang sandali ng kaniyang kamatayan. Nang siya’y mamatay, nayanig ang lupa nang buong-lakas, at napabulalas ang sundalo: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”​—Marcos 15:39.

2 Anak ng Diyos! Tama ang sundalong iyon. Katatapos pa lamang niyang masaksihan ang pinakamahalagang pangyayari na kailanma’y naganap sa ibabaw ng lupa. Sa ilang pagkakataon bago nito, tinawag mismo ng Diyos si Jesus na kaniyang Anak na iniibig. (Mateo 3:17; 17:5) Bakit kaya pinahintulutan ni Jehova na mamatay ang kaniyang Anak? Sapagkat ito ang paraan ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan.

PINILI PARA SA ISANG PANTANGING LAYUNIN

3. Bakit angkop lamang na ang bugtong na Anak ng Diyos ang piliin para sa isang pantanging layunin hinggil sa sangkatauhan?

3 Gaya ng natutuhan na natin sa aklat na ito, si Jesus ay umiral na bago naging tao. Siya’y tinatawag na “bugtong na Anak” ng Diyos sapagkat tuwiran siyang nilalang ni Jehova. Mula noon ay ginamit na ng Diyos si Jesus sa paglalang ng lahat ng iba pang mga bagay. (Juan 3:18; Colosas 1:16) Pantanging kinagigiliwan ni Jesus ang sangkatauhan. (Kawikaan 8:​30, 31) Hindi nakapagtataka kung gayon, na pinili ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak upang maglingkod sa isang pantanging layunin nang mapasailalim sa hatol na kamatayan ang sangkatauhan!

4, 5. Bago pumarito si Jesus sa lupa, ano ang isiniwalat ng Bibliya tungkol sa Mesianikong Binhi?

4 Nang ipataw kina Adan, Eva, at Satanas ang hatol sa halamanan ng Eden, binanggit ng Diyos ang darating na Tagapagligtas bilang isang “binhi.” Ang Binhing ito, o supling, ay darating upang alisin ang nakapangingilabot na kasamaang idinulot ni Satanas na Diyablo, “ang orihinal na serpiyente.” Sa katunayan, dudurugin ng ipinangakong Binhi si Satanas at ang lahat niyaong sumusunod sa kaniya.​—Genesis 3:15; 1 Juan 3:8; Apocalipsis 12:9.

5 Sa nagdaang mga siglo, unti-unti pang isiniwalat ng Diyos ang tungkol sa Binhi, na tinawag ding Mesiyas. Gaya ng ipinakita sa tsart sa pahina 37, napakaraming hula ang nagbigay ng mga detalye tungkol sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang buhay sa lupa. Halimbawa, siya’y magbabatá ng katakut-takot na pang-aapi upang matupad ang kaniyang papel ukol sa layunin ng Diyos.​—Isaias 53:​3-5.

KUNG BAKIT MAMAMATAY ANG MESIYAS

6. Ayon sa Daniel 9:​24-26, ano ang gaganapin ng Mesiyas, at papaano?

6 Ang hulang nakaulat sa Daniel 9:​24-26 ay patiunang bumanggit na ang Mesiyas​—ang Pinahirang Isa ng Diyos​—ay gaganap ng isang dakilang layunin. Siya’y paririto sa lupa “upang wakasan ang paglabag at utasin ang kasalanan, at magbayad-sala sa pagkakamali, at magdala ng katuwiran” magpakailanman. Aalisin ng Mesiyas ang hatol na kamatayan sa tapat na sangkatauhan. Ngunit papaano niya ito gagawin? Ipinaliliwanag ng hula na siya’y ‘puputulin,’ o papatayin.

7. Bakit naghandog ang mga Judio ng mga haing hayop, at ano ang inilarawan nito?

7 Pamilyar ang mga sinaunang Israelita sa idea ng pagbabayad-sala sa pagkakamali. Sa kanilang pagsamba sa ilalim ng Batas na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, sila’y palagiang naghahandog ng mga haing hayop. Ang mga ito’y nagpaalaala sa mamamayan ng Israel na ang mga tao’y nangangailangan ng bagay na maibabayad-sala, o maitatakip, sa kanilang mga kasalanan. Binuod ni apostol Pablo ang simulain sa ganitong paraan: “Malibang dugo ang ibuhos ay walang kapatawarang magaganap.” (Hebreo 9:22) Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Batas Mosaiko na may mga kahilingan, gaya ng mga hain. (Roma 10:4; Colosas 2:​16, 17) Alam din nila na ang mga haing hayop ay hindi makapaglalaan ng namamalagi at lubusang kapatawaran ng mga kasalanan. Sa halip, ang mga sakripisyong handog na ito ay lumalarawan sa higit pang mahalagang hain​—ang sa Mesiyas, o Kristo. (Hebreo 10:​4, 10; ihambing ang Galacia 3:24.) Gayunman, marahil ay itatanong mo, ‘Talaga bang kailangang mamatay ang Mesiyas?’

8, 9. Anong mahahalagang bagay ang iniwala nina Adan at Eva, at papaano nakaapekto sa kanilang mga inapo ang kanilang ikinilos?

8 Oo, kailangang mamatay ang Mesiyas upang iligtas ang sangkatauhan. Upang maunawaan kung bakit, dapat nating sariwain sa alaala ang halamanan ng Eden at sikaping mailarawan kung gaano kalaki ang naiwala nina Adan at Eva nang sila’y maghimagsik laban sa Diyos. Mapapasakanila sana ang buhay na walang-hanggan! Bilang mga anak ng Diyos, tinamasa rin nila ang personal na pakikipag-ugnayan sa kaniya. Subalit nang tanggihan nila ang pamamahala ni Jehova, iniwala nilang lahat iyon at nagdala ng kasalanan at kamatayan sa lahi ng mga tao.​—Roma 5:12.

9 Maituturing na nilustay ng ating unang mga magulang ang isang napakalaking kayamanan, na nagpabaon sa kanilang mga sarili sa napakalaking pagkakautang. Inilipat nina Adan at Eva ang pagkakautang na iyan sa kanilang mga supling. Sa dahilang tayo’y hindi ipinanganak na sakdal at walang-kasalanan, bawat isa sa atin ay makasalanan at namamatay. Kapag tayo’y nagkakasakit o nakapagbibitiw ng masakit na salitang pinagsisisihan natin, nararanasan natin ang bunga ng ating minanang pagkakautang​—ang di-kasakdalan ng tao. (Roma 7:​21-25) Ang ating tanging pag-asa ay ang maibalik ang iniwala ni Adan. Gayunman, hindi natin kayang tamuhin sa ganang sarili ang sakdal na buhay-tao. Yamang lahat ng di-sakdal na tao ay nagkakasala, lahat tayo ay karapat-dapat sa kamatayan, hindi sa buhay.​—Roma 6:23.

10. Ano ang kailangan upang matubos ang iniwala ni Adan?

10 Gayunman, mayroon pa kayang maihahandog bilang kapalit sa buhay na iniwala ni Adan? Ang pamantayan ng Diyos ng katarungan ay humihiling ng pagiging timbang, “kaluluwa para sa kaluluwa.” (Exodo 21:23) Kaya buhay ang kailangang ihandog upang mabayaran ang buhay na naiwala. Hindi sapat ang basta kung kaninong buhay lamang. Sinasabi sa Awit 49:​7, 8 ang tungkol sa di-sakdal na mga tao: “Walang isa man sa kanila ang makatutubos sa anumang paraan sa isang kapatid, ni makapagbibigay sa Diyos ng isang pantubos para sa kaniya; (at ang halagang pantubos ng kanilang kaluluwa ay napakamahal anupat ito’y huminto na sa panahong walang-takda).” Kung gayon, lubusan na bang nawala ang pag-asa? Tiyak na hindi.

11. (a) Ano ang tinutukoy sa Hebreo ng salitang “pantubos”? (b) Sino lamang ang makatutubos sa sangkatauhan, at bakit?

11 Sa wikang Hebreo, ang salitang “pantubos” ay tumutukoy sa halagang ibinayad upang tubusin ang isang bihag at nagpapahiwatig din ng katumbasan. Tanging isang lalaking may sakdal na buhay-tao ang makapaghahandog ng panumbas sa iniwala ni Adan. Pagkatapos ni Adan, ang tanging sakdal na taong ipinanganak sa lupa ay si Jesu-Kristo. Kaya nga, tinatawag ng Bibliya si Jesus na “ang huling Adan” at tinitiyak sa atin na si Kristo ay “nagbigay ng kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat.” (1 Corinto 15:45; 1 Timoteo 2:​5, 6) Samantalang ipinamana ni Adan ang kamatayan sa kaniyang mga anak, ang pamana naman ni Jesus ay buhay na walang-hanggan. Ang 1 Corinto 15:22 ay nagpapaliwanag: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” Kung gayon, angkop lamang na tawagin si Jesus na “Walang-hanggang Ama.”​—Isaias 9:6, 7.

KUNG PAPAANO IBINAYAD ANG PANTUBOS

12. Kailan naging Mesiyas si Jesus, at anong landasin sa buhay ang kaniyang itinaguyod pagkatapos niyaon?

12 Noong taglagas ng 29 C.E., pumunta si Jesus sa kaniyang kamag-anak na si Juan upang magpabautismo at sa gayon ay iharap ang kaniyang sarili upang ganapin ang kalooban ng Diyos. Sa pagkakataong iyon ay pinahiran ni Jehova si Jesus ng banal na espiritu. Sa gayon ay naging Mesiyas, o Kristo, si Jesus, ang isa na pinahiran ng Diyos. (Mateo 3:​16, 17) Pagkatapos noon ay pinasimulan ni Jesus ang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo. Naglakbay siya sa palibot ng kaniyang tinubuang-bayan, na nangangaral ng tungkol sa Kaharian ng Diyos at nagtitipon ng tapat na mga tagasunod. Gayunman, gaya ng inihula, kabi-kabila agad ang pagsalansang sa kaniya.​—Awit 118:22; Gawa 4:​8-11.

13. Anu-anong pangyayari ang umakay sa kamatayan ni Jesus bilang isang tagapag-ingat ng katapatan?

13 Buong-tapang na ibinunyag ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng mga lider ng relihiyon, at sinikap nilang mapatay siya. Sa wakas ay nagpanukala sila ng isang buhong na pakana na may kasangkot na pagkakanulo, maling pag-aresto, ilegal na paglilitis, at maling paratang ng sedisyon. Si Jesus ay sinuntok, niluraan, nilibak, at hinampas ng latigo na sinadya upang lurayin ang kaniyang laman. Pagkatapos noon ay sinentensiyahan siya ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato ng kamatayan sa isang pahirapang tulos. Siya’y ipinako sa isang posteng kahoy at ibinitin doon nang patayo. Parang hinuhugot ang bawat paghinga dahil sa sakit, at inabot pa ng ilang oras bago siya namatay. Sa bawat sandali ng kalunus-lunos na paghihirap na iyan, napanatili ni Jesus ang kaniyang sakdal na katapatan sa Diyos.

14. Bakit pinahintulutan ng Diyos na magdusa at mamatay ang kaniyang Anak?

14 Sa ganiyang paraan, noong Nisan 14, 33 C.E., ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay bilang “isang pantubos kapalit ng marami.” (Marcos 10:45; 1 Timoteo 2:​5, 6) Mula sa langit, nakita ni Jehova ang pagdurusa at pagkamatay ng kaniyang pinakamamahal na Anak. Bakit kaya pinahintulutan ng Diyos na maganap ang gayong kalunus-lunos na bagay? Ginawa niya iyon sapagkat inibig niya ang sangkatauhan. Sabi ni Jesus: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ang kamatayan ni Jesus ay nagtuturo rin sa atin na si Jehova ay isang Diyos ng sakdal na katarungan. (Deuteronomio 32:4) Marahil ay iisipin ng iba kung bakit hindi iniurong ng Diyos ang kaniyang simulain ng katarungan na humihiling ng kaluluwa para sa kaluluwa at ipagwalang-bahala na lamang ang halagang dapat ibayad dahil sa kasalanan ni Adan. Ang dahilan ay sapagkat si Jehova ay palaging sumusunod at nagtataguyod sa kaniyang mga batas, kahit mangahulugan ito ng napakalaking sakripisyo para sa kaniya.

15. Yamang hindi magiging makatarungan kung pababayaang magwakas sa habang-panahon ang buhay ni Jesus, ano ang ginawa ni Jehova?

15 Hiniling din ng katarungan ni Jehova na ang kamatayan ni Jesus ay magkaroon ng isang maligayang kinalabasan. Tutal, masasabi bang katarungan ang pabayaang matulog sa kamatayan magpakailanman ang tapat na si Jesus? Siyempre hindi! Inihula ng Hebreong Kasulatan na ang tapat na isa ng Diyos ay hindi mananatili sa libingan. (Awit 16:10; Gawa 13:35) Siya’y natulog sa kamatayan sa loob ng ilang bahagi ng tatlong araw, at pagkatapos ay binuhay siyang muli ni Jehova bilang makapangyarihang espiritung nilalang.​—1 Pedro 3:18.

16. Ano ang ginawa ni Jesus pagbalik sa langit?

16 Sa kaniyang kamatayan, isinuko ni Jesus ang kaniyang buhay-tao minsan at magpakailanman. Nang siya’y ibangon upang mabuhay sa langit, siya’y naging isang nagbibigay-buhay na espiritu. Bukod diyan, nang umakyat si Jesus sa pinakabanal na dako sa sansinukob, siya’y napabalik-muli sa kaniyang pinakamamahal na Ama at pormal na iniharap sa Kaniya ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay-tao. (Hebreo 9:​23-28) Ang halaga ng pinakamamahal na buhay na iyan ay maaari nang ikapit ngayon sa masunuring sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin niyan para sa iyo?

ANG PANTUBOS NI KRISTO AT IKAW

17. Papaano natin masasamantala ang kapatawaran salig sa haing pantubos ni Kristo?

17 Isaalang-alang ang tatlong paraan na doo’y pinakikinabangan mo na ngayon pa lamang ang haing pantubos ni Kristo. Una, ito’y nagdudulot ng kapatawaran ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus, taglay natin “ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos,” oo, “ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali.” (Efeso 1:7) Kaya kahit na tayo’y makagawa ng isang mabigat na pagkakasala, makahihiling tayo ng kapatawaran sa Diyos sa pangalan ni Jesus. Kung tayo’y tunay na nagsisisi, ikinakapit ni Jehova sa atin ang halaga ng haing pantubos ng kaniyang Anak. Pinatatawad tayo ng Diyos, anupat ipinagkakaloob sa atin ang pagpapala ng isang mabuting budhi, sa halip na singilin tayo ng parusang kamatayan na ating napala dahil sa pagkakasala.​—Gawa 3:19; 1 Pedro 3:21.

18. Sa anong paraan naglalaan sa atin ng pag-asa ang hain ni Jesus?

18 Ikalawa, ang haing pantubos ni Kristo ay naglalaan ng saligan sa ating pag-asa sa kinabukasan. Sa pangitain, nakita ni apostol Juan na “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao” ang makaliligtas sa dumarating na kapaha-pahamak na wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Bakit naman sila makaliligtas gayong ang napakaraming iba ay lilipulin ng Diyos? Isang anghel ang nagsabi kay Juan na “nilabhan [ng malaking pulutong] ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,” si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 7:​9, 14) Hangga’t tayo’y nananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesu-Kristo at namumuhay kasuwato ng banal na mga kahilingan, tayo’y magiging malinis sa paningin ng Diyos at magtataglay ng pag-asang buhay na walang-hanggan.

19. Papaano pinatutunayan ng hain ni Kristo na siya at ang kaniyang Ama ay umiibig sa iyo?

19 Ikatlo, ang haing pantubos ang siyang sukdulang katibayan ng pag-ibig ni Jehova. Ang kamatayan ni Kristo ay nagtanghal ng dalawang pinakadakilang gawa ng pag-ibig sa kasaysayan ng sansinukob: (1) Ang pag-ibig ng Diyos sa pagsusugo ng kaniyang Anak upang mamatay alang-alang sa atin; (2) Ang pag-ibig ni Jesus sa kusang paghahandog ng sarili bilang pantubos. (Juan 15:13; Roma 5:8) Kung talagang tayo’y may pananampalataya, ang pag-ibig na ito’y kumakapit sa bawat isa sa atin. Sabi ni apostol Pablo: “[Ang] Anak ng Diyos . . . [ay] umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.”​—Galacia 2:20; Hebreo 2:9; 1 Juan 4:​9, 10.

20. Bakit tayo dapat manampalataya sa haing pantubos ni Jesus?

20 Samakatuwid, ipakita natin ang ating pagpapahalaga sa pag-ibig na ipinamalas ng Diyos at ni Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Ang paggawa nito ay umaakay sa buhay na walang-hanggan. (Juan 3:36) Gayunman, ang ating kaligtasan ay hindi siyang pinakamahalagang dahilan ng buhay at kamatayan ni Jesus sa lupa. Hindi, ang kaniyang pangunahing nasa isip ay isang mas malaking usapin, isa na pambuong sansinukob. Gaya ng makikita natin sa susunod na kabanata, tayong lahat ay sangkot sa usaping iyan sapagkat ipinakikita nito kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang kabalakyutan at pagdurusa na mamalagi nang gayong katagal sa sanlibutang ito.

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Bakit kinailangang mamatay si Jesus upang iligtas ang sangkatauhan?

Papaano ibinayad ang pantubos?

Sa anu-anong paraan nakikinabang ka sa pantubos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Buong-pahinang larawan sa pahina 67]