Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 67

Nagtiwala si Josapat kay Jehova

Nagtiwala si Josapat kay Jehova

ALAM mo ba kung ano ang ginagawa ng mga lalaki? Papunta sila sa digmaan. Ang mga nasa unahan ay kumakanta. Pero maaari mong itanong: ‘Bakit wala silang espada at sibat?’ Tingnan natin.

Si Josapat ang hari ng dalawang-tribong kaharian ng Israel sa timog. Nabuhay siya kasabay nina Haring Ahab at Jesebel. Pero mabuting hari si Josapat. Kaya sa loob ng maraming taon, ang mga tao sa dalawang-tribong kaharian ay nabuhay nang maalwan.

Pero nabalitaan ni Josapat na isang malaking hukbo ang dumarating mula sa mga bansa ng Moab, Amon at Bundok Seir para salakayin ang kaniyang bayan. Nagpunta ang mga Israelita sa templo at doon nanalangin si Josapat kay Jehova para humingi ng tulong.

Nakinig si Jehova. Sa pamamagitan ng isa sa kaniyang mga lingkod ay ipinasabi niya sa bayan: ‘Ang digmaan ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos. Hindi kayo kailangang makipaglaban. Manood na lang kayo, at tingnan kung papaano kayo ililigtas ni Jehova.’

Kinaumagahan, sinabi ni Josapat sa bayan: ‘Magtiwala kayo kay Jehova.’ Kaya naglagay siya ng mga mang-aawit sa unahan ng mga sundalo, at habang nagmamartsa, umaawit sila ng papuri kay Jehova. Alam mo ba kung ano ang mangyayari? Pinag-away-away ni Jehova ang mga kaaway na sundalo, kaya nang dumating ang mga Israelita, lahat ng sundalong kaaway ay patay na!

Hindi ba matalino si Josapat dahil sa pagtitiwala kay Jehova? Matalino tayo, kung magtitiwala rin tayo sa Kaniya!