GEORGIA | 1998-2006
Patuloy Silang Naglingkod kay Jehova sa Kabila ng mga Banta
Hindi natakot ang ating mga kapatid, kundi patuloy silang nagtipong sama-sama. May-katalinuhang ipinagsanggalang ng mga elder ang mga mamamahayag. Naalaala ni Brother André Carbonneau, isang abogadong taga-Canada na nagtanggol sa ating mga kapatid noong mga taóng iyon: “Karaniwan nang pupuwesto ang isang brother na may cellphone malapit sa lugar ng pagpupulong. Agad niyang bababalaan ang mga elder tungkol sa posibleng pagsalakay kapag may nakita siyang papalapit na mga mang-uumog.”
Pagkatapos ng bawat insidente, dalawang kinatawan mula sa tanggapang pansangay ang dumadalaw sa mga kapatid para patibayin sila. “Kamangha-mangha,” ang sabi ni André, “karaniwang makikita ng mga kinatawan ng sangay ang lugar ng pagpupulong na punô ng maliligaya at nakangiting mga kapatid.”
Gayunding determinasyon ang ipinakita ng mga di-tuwirang naapektuhan ng mga pagsalakay, pati na ng mga estudyante sa Bibliya. Naalaala ni André ang pakikipag-usap sa isang babaeng malapit nang maging di-bautisadong mamamahayag. Sinabi nito sa kaniya, “Nang mapanood ko sa TV ang mga pagsalakay na iyon, nakita ko ang pagkakaiba ng tunay sa huwad na mga Kristiyano, at gusto kong maging isang tunay na Kristiyano.”
Lakas-Loob na Ipinagtanggol ang mga Kapananampalataya
Sa mahihirap na taóng iyon, ang mga mamamahayag ay nagpakita ng huwarang pananampalataya at lakas ng
loob sa pananatiling abala sa pangangaral. Gayunding pananampalataya ang ipinakita ng mga kapananampalataya nila na nagtanggol sa kanila sa korte.Madalas na may-kamaliang inirereport ng media na ang mga Saksi raw ay mga taong sumisira ng pamilya, tumatangging magpagamot, at lumalaban sa Estado. Talagang isinapanganib ng mga abogadong nagtanggol sa kanila ang reputasyon at karera nila.
Natatandaan ni John Burns, isang abogado mula sa sangay sa Canada, na tumulong sa mga kapatid sa Georgia noong panahong iyon: “Tumulong din ang lokal na mga Fil. 1:7.
kapatid na abogado. Sa kabila ng maaaring mangyari sa kanilang trabaho, hindi sila takót humarap sa korte at magpakilalang mga Saksi ni Jehova.” Nakatulong ang malalakas-loob na mga Saksing iyon sa “pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Nagsalita ang mga Georgiano Laban sa Karahasan
Samantala, nagpatuloy ang karahasan laban sa mga Saksi. Kaya simula noong Enero 8, 2001, ang mga Saksi ay nagpakalat ng petisyon na nananawagan para protektahan sila mula sa pagsalakay ng mga mang-uumog at usigin ang mga sumalakay sa mapayapang mga mamamayan.
Ipinaliwanag ni Brother Burns ang layunin ng petisyon: “Gusto naming ipakita na hindi sang-ayon ang karamihan ng mga taga-Georgia sa gayong karahasan laban sa mga Saksi ni Jehova at na ang maliit na grupo ng mga panatiko sa relihiyon ang may kagagawan nito.”
Sa loob lamang ng dalawang linggo, 133,375 adulto mula sa lahat ng rehiyon ng Georgia—na karamihan ay mga Ortodokso—ang pumirma sa petisyon. Kahit na iniharap ang petisyon kay Pangulong Shevardnadze, nagpatuloy pa rin ang karahasan. Patuloy at sadyang pinupuntirya ng mga panatiko sa relihiyon ang mga Saksi.
Samantala, patuloy na pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan. Habang abala ang mga panatiko sa relihiyon sa panggugulo sa mga lingkod ng Diyos, tinatawag naman ng Diyos na Jehova ang maraming taimtim na tao para lumabas mula sa huwad na relihiyon.
Paglabas Mula sa Huwad na Relihiyon
Si Babilina Kharatishvili ay isang debotong miyembro ng Simbahang Ortodokso ng Georgia. Nang siya ay mga edad 30, naglakbay siya sa mga bayan at nayon na nagtuturo sa mga tao tungkol sa buhay ng mga santo.
Pero gusto ni Babilina na makilala pa ang Diyos. Kaya dumalo siya sa mga lektyur sa isang seminaryong Ortodokso sa Georgia. Minsan, ipinakita ng isang klerigo sa kaniyang mga tagapakinig ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan at hinimok silang kumuha ng isang kopya nito mula sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya sa kanila, “Marami kayong matututuhan tungkol sa Bibliya sa aklat na ito.”
Nagulat si Babilina. Lagi niyang iniiwasan ang mga Saksi, at ngayon ay inirerekomenda ng isang klerigo ang kanilang mga aklat! Sinabi niya sa sarili, ‘Kung sa mga Saksi ni Jehova ko matututuhan ang tungkol sa Diyos, ano pa ang ginagawa ko rito?’ Agad niyang hinanap ang mga Saksi sa lunsod ng Poti at nag-aral ng Bibliya.
Habang natututo nang higit mula sa Bibliya si Babilina, gumawa siya ng malalaking pagbabago sa buhay. Sinabi niya minsan: “Nang mabasa ko mismo sa Bibliya na masamang sumamba sa mga imahen, iniwasan ko ang lahat ng anyo ng idolatriya. Kumbinsido ako na tama ang ginawa ko.” Nang malapit na siyang mag-80 anyos, nagdesisyon siyang maging Saksi ni Jehova.
Nakalulungkot, noong 2001, nagkasakit at namatay si Babilina bago pa siya mabautismuhan. Ngunit nang maglaon, ang kaniyang apo, si Izabela, ay nabautismuhan at tapat na naglilingkod ngayon kay Jehova.
Gusto Niyang Magmadre
Si Eliso Dzidzishvili ay 28 anyos nang magdesisyon siyang magmadre. Dahil walang kumbentong malapit sa kaniyang bayan sa Tkibuli, lumipat siya sa Tbilisi noong 2001. Habang naghihintay na matanggap sa kumbento, nagtrabaho siya nang part-time bilang pribadong guro.
Nagkataong isa sa mga mag-aarál niya ay anak ng sister na si Nunu.Sinabi ni Eliso: “Madalas naming pag-usapan ang tungkol sa Bibliya. Puspusan kong ipinagtanggol ang relihiyong Ortodokso, habang matiyaga namang ipinakikita sa akin ni Nunu ang mga teksto sa Bibliya. Isang araw, sinabi niya na babasahin niya sa akin ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Habang binabasa namin ang mga parapo at tinitingnan ang mga teksto sa Bibliya, nalaman kong ang pagsamba sa mga imahen ay tuwirang paglabag sa utos ng Diyos.”
Nang maglaon, nagpunta si Eliso sa simbahan at nagtanong sa pari. Mula sa mga sagot ng pari, maliwanag na ang mga turo ng simbahan ay wala sa Bibliya. (Mar. 7:7, 8) Dahil kumbinsidong nasumpungan na niya ang katotohanan, agad siyang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at di-nagtagal ay nabautismuhan.
Pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa Kabila ng Pagsalansang
Noong 2001, parami nang paraming kongregasyon ang nangangailangan ng angkop na mga lugar para sa pagsamba. Ayon sa isang pagtaya, mga 70 Kingdom Hall ang kailangan. Kaya sinimulan ang isang programa sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa kabila ng pagsalansang.—Ezra 3:3.
Di-nagtagal, ni-remodel ng isang grupo sa konstruksiyon ang isang gusali na dating ginagamit ng ilang kongregasyon sa Tbilisi. Mabilis itong nasundan ng dalawa pang proyekto—isa sa Tbilisi at isa pa sa Chiatura, sa kanlurang Georgia.
Naalaala ni Brother Tamazi Khutsishvili, na nagtrabaho sa proyekto sa Chiatura: “Araw-araw na nagtatrabaho sa site ang 15 sa amin. Kalát na agad sa bayan na nagtatayo kami ng isang bagong bulwagan. Kung minsan, nababalitaan pa nga namin na gustong pumunta at sirain ng mga kaaway ang Kingdom Hall.”
Dahil sa gayong pagsalansang, paano magtatagumpay ang proyekto? Sinabi ni Tamazi: “Nagpatuloy kami sa *
paggawa at natapos namin ang Kingdom Hall sa loob ng tatlong buwan. Sa kabila ng mga banta, walang dumating na kaaway.”Isang Pinakahihintay na Tulong
Noong Oktubre 2003, sinimulan ang isang proyekto ng pagtatayo sa lunsod ng Samtredia. Pinagbantaan muli ng mga panatiko sa relihiyon ang mga kapatid doon. Sa katunayan, katatayo pa lang ng mga dingding at basa pa ang semento nang dumating ang mga kaaway at gibain ang gusali.
Pero noong Nobyembre 2003, may pagbabago sa Georgia na nagdulot ng kaginhawahan sa ating mga kapatid. Nagkaroon ng higit na pagpaparaya sa relihiyon
dahil sa isang pagbabago sa gobyerno. Bilang resulta, inaresto ang ilang miyembro ng panatikong grupo ng mga Ortodokso na sumalakay sa mga Saksi ni Jehova.Bumuhos ang mga Pagpapala sa Bayan ng Diyos
Nang matapos ang pag-uusig, tumanggap ng maraming espirituwal na pagpapala ang bayan ni Jehova sa Georgia. Sa 2004 pandistritong kombensiyon, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Georgiano.
Pagkatapos, noong 2006, sa “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon, isa pang di-malilimutang pangyayari ang naganap. Tuwang-tuwa ang
mga delegado nang marinig nilang si Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang magpapahayag. At laking gulat nila nang ipatalastas ni Brother Jackson ang paglalabas ng kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Georgiano!Naluha ang maraming delegado sa laki ng kanilang pasasalamat. Isang sister ang nagsabi: “Hindi ko maipaliwanag ang sayang nadama ko nang matanggap namin ang kumpletong Bibliya. . . . Talagang makasaysayang pangyayari ito.” Mahigit 17,000 ang nasiyahan sa espirituwal na piging na ito, na isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga lingkod ni Jehova sa Georgia.
^ par. 29 Mula 2001 hanggang 2003, pitong Kingdom Hall ang naitayo sa buong bansa.