Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Worldwide Design/Construction Department

Worldwide Design/Construction Department

DAHIL sa mabilis na paglago ng organisasyon ni Jehova, lalong nangailangan ng karagdagang mga Kingdom Hall, Assembly Hall, mga pasilidad para sa teokratikong paaralan, mga remote translation office, at mga gusali ng sangay sa iba’t ibang lugar. Kaya noong Oktubre 2013, ang Lupong Tagapamahala ay bumuo ng bagong departamento para magawa ang pagdidisenyo, pagtatayo, pagre-renovate, at pagmamantini ng ating mga pasilidad sa pinakamahusay at pinakamatipid na paraan. Ang bagong departamentong ito, na tinatawag na Worldwide Design/Construction Department (WDC), ay nasa ating pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, at kumikilos sa ilalim ng pangangasiwa ng Publishing Committee ng Lupong Tagapamahala.

Pinangangasiwaan ng WDC ang mga Regional Design/Construction Department na nasa mga tanggapang sangay sa Australia, Estados Unidos, Germany, at Timog Aprika. Ang mga departamentong ito ang nagsasaayos ng disenyo, konstruksiyon, at pagmamantini sa kani-kaniyang lugar. Tunguhin nilang mapabilis ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Noon, ang mga Kingdom Hall ay itinatayo sa tulong ng Regional Building Committee o ng programa para sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Ang dalawang kaayusang ito ay pinagsama na ngayon para magamit ang pinakamahusay na kakayahan ng mga ito sa pagpapabilis ng konstruksiyon.

Para maisaayos ang lumalaking pangangailangang ito ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall, bumuo ang bawat sangay ng isang Local Design/Construction Department. Ang departamentong ito ay direktang nagrereport sa lokal na Komite ng Sangay. May isang kapana-panabik na bahagi ang mga pagbabagong ito. Ang lahat ng sangay ay puwede na ngayong mag-atas ng buong-panahong mga construction servant para tulungan ang lokal na mga kapatid sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall.

Noong Abril 2014, mahigit 270 malalaking proyekto ang kailangang tapusin, kasama na ang 90 remote translation office, 35 Assembly Hall, at 130 proyekto ng sangay. Bukod diyan, kailangang-kailangan ang mga Kingdom Hall, anupat mahigit 14,000 ang kailangang itayo o i-renovate.

Talagang nakapagpapatibay makita na ang nagkakaisang bayan ni Jehova ay di-nahahadlangan ng mga hangganan ng mga bansa, kultura, at wika sa pagtatayo ng mga pasilidad na nagdudulot ng kapurihan at kaluwalhatian sa kaniyang banal na pangalan. “Napakarami pang dapat gawin,” ang sabi ni Dan Molchan ng Personnel Committee Office na nasa pandaigdig na punong-tanggapan, “at dahil dito, pinahahalagahan namin ang panalangin ng mga kapatid, at ang mga donasyon nila para suportahan ang gawain. At siyempre pa, laking pasasalamat namin sa mga brother at sister na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili para tumulong sa mga proyekto.”