Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 14, 2022
ZAMBIA

Kristiyanong Griegong Kasulatan, Ini-release sa Mbunda

Kristiyanong Griegong Kasulatan, Ini-release sa Mbunda

Ini-release ni Brother Cephas Kalinda, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Zambia, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Mbunda noong Nobyembre 5, 2022. Ini-release ang Bibliya sa isang patiunang inirekord na programa na pinanood ng mahigit 1,500 via streaming. Pagkatapos i-release, mada-download na ang elektronikong mga kopya ng Bibliya. Makukuha naman ang inimprentang kopya sa Enero 2023.

Ang Mbunda ay sinasalita pangunahin na sa Angola at Zambia. Noong mga 1930’s, nangaral ang mga Saksi ni Jehova sa mga taong nagsasalita ng Mbunda sa Northern Rhodesia (Zambia ngayon). Noong 2014, itinatag ang isang Mbunda translation team. Ang remote translation office ay nasa Mongu, sa Western Province ng Zambia.

Ang Silozi at Mbunda remote translation office sa Mongu, Zambia

Bukod sa Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, mayroon lang isang Bibliya sa wikang Mbunda. Pero mahal ito at mahirap maintindihan. Kaya bago ito i-release, ginagamit ng mga Saksi ni Jehova na nagsasalita ng Mbunda ang Bagong Sanlibutang Salin sa ibang mga wika.

Ganito ang sabi ng isa sa mga translator tungkol sa ini-release na Bibliya: “Natural ito, malinaw, madaling basahin at, ang mas mahalaga, tumpak ang inihahatid nitong mga katotohanan sa Bibliya.”

Ganito naman ang sinabi ng isa pang translator tungkol sa mga naging problema sa naunang salin ng Bibliya kapag ginagamit nila ito sa pangangaral: “Hindi lumilitaw ang pangalang Jehova sa anumang talata sa naunang salin. Sa halip, ginagamit nito ang titulong ‘Aming Panginoong Diyos’ kapag tinutukoy si Jehova. Kaya hindi kilala ng mga tao ang pangalan ng Diyos. Pero ginagamit ng bagong release na Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pangalang Jehova nang 237 ulit.”

Sigurado kami na makakatulong ang bagong saling ito sa mga kapatid na nagsasalita ng Mbunda para maging mas malapít sila kay Jehova at mas tumibay pa ang pananampalataya nila sa kaniya.—Santiago 4:8.