Pumunta sa nilalaman

SINGAPORE

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Singapore

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Singapore

Nakakulong ngayon sa Singapore ang walong kabataang lalaki na mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya. Apat sa kanila ang dalawang beses nang ibinilanggo dahil naninindigan pa rin sila pagkatapos ng unang pagkakabilanggo nila. Hindi sila makakahiling ng legal na tulong sa Singapore dahil sapilitan ang paglilingkod sa militar sa bansang iyon at hindi kinikilala ng gobyerno ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa konsensiya.

Pagtuntong ng 18 anyos ng isang kabataang lalaki, kailangan siyang maglingkod sa militar ng Singapore. Kapag tumanggi siya dahil sa pagsunod sa kaniyang konsensiya, ikukulong siya nang hanggang 12 buwan sa isang kampong militar. Sa pagtatapos ng kaniyang pagkabilanggo, palalayain siya at saka uutusang magsuot ng uniporme ng sundalo at makibahagi sa pagsasanay. Kapag tumanggi uli siya, muli siyang lilitisin ng militar at sesentensiyahan ng hanggang 18-buwang pagkabilanggo. Ang mga kabataang lalaking Saksi ni Jehova na tumatangging magsundalo ay dalawang beses na sinesentensiyahan ng pagkabilanggo na umaabot nang 30 buwan.

Tumanggi ang Singapore na Sundin ang Utos ng UN

Matagal nang nananawagan ang United Nations sa mga miyembrong Estado na “kilalaning ang pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya ay isang lehitimong paggamit ng karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, konsensiya, at relihiyon na kinikilala ng Universal Declaration of Human Rights.” Kahit miyembro na ang Singapore mula pa noong 1965, hindi ito sang-ayon sa United Nations pagdating sa isyung ito. Sa isang liham sa UN Commission on Human Rights na may petsang Abril 24, 2002, sinabi ng isang opisyal ng gobyerno ng Singapore na “kapag ang paniniwala o pagkilos ng isa ay salungat [sa karapatang ipagtanggol ang bansa], dapat manaig ang karapatan ng estado na ingatan ang seguridad ng bansa.” Tahasang sinabi sa sulat ng opisyal, “Hindi namin kinikilala na kapit sa lahat ng bansa ang pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya.”

Time Line

  1. Setyembre 17, 2024

    May walong Saksi ni Jehova na nakabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya.

  2. Abril 24, 2002

    Kinumpirma ng isang opisyal ng gobyerno na hindi kinikilala ng Singapore ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa konsensiya.

  3. Pebrero 1995

    Tumindi ang paghihigpit at dumami ang inaarestong Saksi ni Jehova na mamamayan ng Singapore.

  4. Agosto 8, 1994

    Ibinasura ng Mataas na Hukuman ng Singapore ang apela ng mga Saksi.

  5. Enero 12, 1972

    Pinawalang-bisa ng gobyerno ng Singapore ang rehistro ng mga Saksi ni Jehova.