MARSO 23, 2022 | UPDATED: OKTUBRE 11, 2024
RUSSIA
UPDATE—NABAGO ANG HATOL | Tinulungan ni Jehova ang Anim na Tapat na Kapatid
Noong Oktubre 10, 2024, inilabas ng Khabarovsk Territory Court ang desisyon tungkol sa apela nina Sister Maya Karpushkina, Brother Stanislav Kim, Brother Nikolay Polevodov, Sister Svetlana Sedova, Brother Vitaliy Zhuk, at ang asawa niyang si Tatyana. Nabawasan ng tig-iisang taon ang hatol na suspended sentence kina Maya, Svetlana, at Tatyana. Nabago naman ang hatol na ibinigay kina Stanislav, Vitaliy, at Nikolay. Imbes na mabilanggo, binigyan si Stanislav ng suspended sentence na pitong taon at dalawang buwan, pitong taon at apat na buwan naman kay Vitaliy, at pitong taon at anim na buwan kay Nikolay. Pinalaya ang mga kapatid ng araw ding iyon.
Noong Hunyo 20, 2024, hinatulan ng Industrialniy District Court of the Khabarovsk Territory sina Sister Maya Karpushkina, Brother Stanislav Kim, Brother Nikolay Polevodov, Sister Svetlana Sedova, Brother Vitaliy Zhuk, at ang asawa niyang si Tatyana. Nahatulan si Maya ng apat-na-taóng suspended prison sentence. Pinatawan naman sina Svetlana at Tatyana ng limang-taóng suspended prison sentence. Hindi makukulong sa ngayon ang mga sister. Nasentensiyahang mabilanggo si Stanislav nang walong taon at dalawang buwan. Walong taon at apat na buwan naman ang sentensiya kay Vitaliy, at walong taon at anim na buwan ang kay Nikolay. Ang mga ito ang pinakamabigat na hatol mula nang ipagbawal ang gawain natin noong 2017. Agad na ibinilanggo ang mga brother pagkagaling sa korte.
Time Line
Nobyembre 10, 2018
Pinahinto ng mga awtoridad ang isang pagtitipon ng mga 55 katao sa isang café. Ang lahat ng naroroon, kasama ang mga menor-de-edad, ay pinagtatanong, at kinunan ng fingerprint at litrato
Nobyembre 12, 2018
Sina Stanislav, Nikolay, at Vitaliy ay ikinulong sa pretrial detention center. Sina Maya, Svetlana, at Tatyana naman ay pinagbawalang umalis ng kanilang lugar
Enero 14, 2019
Pinalaya sina Nikolay at Vitaliy mula sa kulungan at ikinulong sa sariling bahay
Enero 29, 2019
Pinalaya si Stanislav mula sa kulungan at ikinulong sa sariling bahay
Hulyo 18, 2019
Ang kaso ay ipinadala sa Industrialniy District Court ng Khabarovsk Territory
Agosto 2, 2019
Pinalaya si Nikolay mula sa pagkakakulong sa sarili niyang bahay
Setyembre 9, 2019
Hiwalay na kaso tungkol kina Stanislav at Nikolay ang ipinadala sa Zheleznodorozhniy District Court ng Khabarovsk
Nobyembre 5, 2019
Inilagay si Nikolay sa ilalim ng recognizance agreement
Enero 18, 2020
Pinalaya sina Stanislav at Vitaliy mula sa pagkakakulong sa sarili nilang bahay
Pebrero 4, 2020
Sina Stanislav at Nikolay ay nahatulang nagkasala sa magkahiwalay na kaso. Binigyan sila ng dalawang-taóng suspended prison sentence at probation ng Zheleznodorozhniy District Court ng Khabarovsk
Agosto 3, 2020
Ang kaso na nasa Industrialniy District Court ay ibinalik sa tanggapan ng prosecutor, kaya nagpasiya ang prosecutor na iapela ang kaso
Setyembre 29, 2020
Isinaalang-alang ng Khabarovsk Regional Court ang apela ng prosecutor. Sina Stanislav at Nikolay ay pinayagang makipag-usap sa hukom. Sinabi nila na gaya ng ibang bansa, pumirma ang Russian Federation sa internasyonal na kasunduan na nangakong hindi lalabagin ang mga karapatan ng mga mamamayan nito at ang kalayaang sumamba
Oktubre 12, 2020
Sumang-ayon ang Khabarovsk Regional Court sa desisyon ng Industrialniy District Court at ang kaso ay ibinalik sa tanggapan ng prosecutor
Disyembre 15, 2021
Ang kaso ay ibinigay ulit sa Industrialniy District Court
Profile
Alam nating patuloy na tutulungan ni Jehova ang mahal na mga kapatid na ito at ang marami pang iba na bumubuo sa makabagong panahong ‘malaking ulap ng mga saksi.’—Hebreo 12:1.