Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Military Court of the Republic of Kazakhstan. Nakapaloob na larawan: Mga kopya ng desisyon noong Nobyembre 2023 at Abril 2024, tungkol sa pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya

MAYO 31, 2024
KAZAKHSTAN

Pinagtibay ng Isang Mahalagang Desisyon ang Karapatang Tumangging Magsundalo sa Kazakhstan

Pinagtibay ng Isang Mahalagang Desisyon ang Karapatang Tumangging Magsundalo sa Kazakhstan

Noong Mayo 23, 2024, nagkabisa ang isang desisyon tungkol sa karapatan ng isang tao na tumangging magsundalo dahil sa kaniyang paniniwala. Ang desisyong ito ay tungkol sa 20-taóng-gulang na si Brother Daniil Smal, na ang kaso ay inilarawan ng hukom na “di-pangkaraniwan.”

Si Daniil ay ipinatawag sa district military office noong Mayo 17, 2023. Magalang niyang ipinaliwanag ang kaniyang mga paniniwala. Nakita rin ng mga opisyal ang dokumento na nagpapatunay na kuwalipikado si Daniil na humingi ng eksemsiyon na magsundalo dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Pero tinanggihan ang kahilingan niya para sa eksemsiyon. Kinabukasan, sapilitang dinala ng mga awtoridad si Daniil sakay ng tren sa isang pasilidad ng militar na mga 2,000 kilometro ang layo sa bayan niyang Rudny. Sa mahirap na panahong ito, nanatili siyang neutral. Magalang siyang tumangging sumumpa sa militar, magsuot ng uniporme, o makibahagi sa mga pagsasanay. Ilang beses siyang nag-file ng apela pero hindi ito pinapakinggan at walang nangyayari. Kaya iniharap niya ang kaso sa legal na sistema ng bansa para malutas ito. Tumagal ang mga pagdinig sa kasong ito ng tatlong buwan.

Si Brother Daniil Smal na nakatayo sa labas ng Military Court of the Almaty Garrison noong Nobyembre 2023

Sa wakas, noong Nobyembre 9, 2023, nagdesisyon ang Military Court of the Almaty Garrison na ang pamimilit kay Daniil na magsundalo ay ilegal. Sinabi ng korte: “Ang desisyong piliting magsundalo si [Daniil] kahit labag ito sa paniniwala niya ay pagpapakita ng kawalang-galang sa karapatan niyang magpasiya batay sa kaniyang konsensiya at relihiyon.” Ipinag-utos din ng korte na palayain si Daniil sa military unit kung saan siya nanatili nang anim na buwan.

Pagkatapos ng desisyon ng korte, umapela ang militar. Pero noong Abril 16, 2024, pinagtibay ng Military Court of the Republic of Kazakhstan, pinakamataas na korteng militar ng bansa, ang desisyon ng nakabababang korte. Sinipi ng mahalagang desisyong ito ang international law at ang Constitution of Kazakhstan, na nagkabisa noong Mayo 23, 2024, na gumagarantiya sa mga mamamayan nito ng karapatan sa kalayaang magpasiya ayon sa konsensiya. Matatag na sinabi ng korte: “Walang karapatan ang estado na pilitin ang isang tao na labagin ang kaniyang konsensiya.”

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na kinilala ng korte sa Kazakhstan ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala. Sinabi ni Lev Gladyshev, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Kazakhstan: “Nagpapasalamat kami na kinilala ng korte ang legal na karapatan ni Daniil na tumangging magsundalo dahil sa kaniyang konsensiya. Ang hatol na ito ay makakatulong para sa mga kaso sa hinaharap at para maprotektahan ang mahalagang karapatang pantao sa Kazakhstan at Central Asia.”—1 Timoteo 2:1, 2.