MAYO 26, 2020
ITALY
Interbyu sa Isang Doktor sa Italy
Si Brother Giandomenico Gullà ay isang doktor sa emergency room sa ospital sa Erba, malapit sa Como, Italy. Marami siyang inaasikaso dahil sa COVID-19 pandemic. Pero nakatulong ang pananampalataya niya para magkaroon siya ng kapayapaan ng isip. Kaya naman nagagawa niyang aliwin ang iba. (2 Corinto 1:4) Makikita ito sa mga karanasang ibinahagi niya sa isang interbyu sa Public Information Desk sa sangay sa Italy.
Narito ang bahagi ng interbyu kay Brother Gullà, na bahagyang binago para maging mas malinaw.
Ano ang mga sitwasyong napaharap sa iyo sa panahong ito ng pandemic?
Giandomenico Gullà: Sa pinagtatrabahuhan kong ospital, napakabilis ng mga pangyayari, parang tsunami. Muling inorganisa ang buong ospital para bumuo ng mga departamento na nakapokus sa mga pasyente ng COVID-19. Sa ganitong malungkot na sitwasyon, nakabukod ang mga pasyente sa kanilang pamilya, kamag-anak, o kaibigan. Kaya ako ang tumatawag sa kani-kanilang pamilya para ipaalam ang kalagayan ng pasyente. Isang gabi, nag-video call ako sa isang lalaki para sabihing nag-aagaw-buhay na ang nanay niya. Kaya nakita niya ang nanay niya sa huling pagkakataon, kahit na wala na itong malay. Nakakadurog ng puso.
Paano ka natulungan ng Bibliya?
GG: Talagang natulungan ako ng pag-aaral ng Bibliya na maging kalmado. Ang iba kong kasama, hiráp na hiráp at nawawala na sa sarili. Lalo kong nauunawaan na inihanda tayo ni Jehova para sa mahihirap na panahong ito. Para sa akin, ang pandemic ay isang katibayan na natutupad na ang mga hula sa Bibliya. Nakatulong ito sa akin na maging panatag. Napatibay nito nang husto ang pananampalataya ko.
Paano nakatulong sa iyo ang kaaliwan mula kay Jehova na aliwin din ang iba?
GG: Pinapalakas ako ng espiritu Niya. Tumulong ito sa akin, sa pamilya ko, at sa trabaho ko. Nakatulong din ito sa akin na tulungan ang mga kapatid na naapektuhan ng pandemic.
Puwede mo bang sabihin kung paano ka tinutulungan ni Jehova na aliwin ang pamilya mo?
GG: Kahit na nagtatrabaho ako ng mas mahabang oras, sinisikap kong mapanatili ang espirituwal na rutin kasama ng pamilya ko. Nakita kong napapatibay nito ang asawa ko. Mas nagkakaisa kami. Nakakatulong din ang pampamilyang pagsamba namin na aliwin ang anak naming babae, si Ginevra, na halos tatlong taóng gulang na. Nadarama rin niyang nagbago ang mga bagay-bagay. Bakas ang pag-aalala sa kaniya. Sinasabi niya: ‘Ayaw kong magtrabaho si Daddy kasi may coronavirus,’ o ‘Natatakot ako baka hindi na makabalik si Daddy.’ Para pakalmahin siya, pinapatugtog namin ang mga original song, at ngingiti na siya.
Puwede ka bang magkuwento ng isang halimbawa kung paano mo natulungan ang isa sa mga katrabaho mo?
GG: Isang katrabaho ko ang nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Nakilala ko siya sa ospital na pinagtrabahuhan ko mga ilang taon na ang nakakalipas. Napag-uusapan namin ang tungkol sa Bibliya. Nagsimula siyang mag-aral bago ang pandemic at nagdesisyon siyang ituloy ang pag-aaral. Kasalukuyan kaming nag-aaral sa pamamagitan ng videoconference—minsan, dalawang beses isang linggo. Natuwa ako nang sabihin niya: “Bumuti ang buhay ko dahil sa pag-aaral ng Bibliya. Naging payapa ang isip ko. Natututuhan ko ang sagot sa maraming tanong tungkol sa pag-iral ng tao at sa kalagayan ngayon. Napapatibay ako ng pananampalataya na umasa sa hinaharap.”
Tumutulong ka rin ba sa mga kapatid sa kongregasyon?
GG: Nakakalungkot, isang sister sa kongregasyon namin [si Sister Daniela Sgreva] ang nahawahan ng COVID-19 at kinailangang maospital. Tinawagan ko ang dalawang brother na may ambulansiya para madala siya sa ospital. Nagbiyahe nang mahigit 50 kilometro ang mga brother na iyon para sunduin siya. Tuwang-tuwa siya nang makita niya sila! Pagdating sa ospital, natuwa siya nang makita niya kami sa emergency room. Sinalubong ko siya, at dahil medical staff kami, napapaligiran siya ng mga kapatid na malapít sa kaniya! Talagang napatibay siya ng pag-ibig at suporta ng mga kapatid. Buong pasasalamat niyang sinabi: “Alam kong nauunawaan tayo ni Jehova, pero higit pa ang ginawa niya kaysa inaasahan ko!”
Sa pagdaan ng mga araw, lalo pa akong nagtitiwala kay Jehova at sa lakas niya. Kapag nagbibiyahe ako sakay ng kotse ko papunta sa trabaho at pauwi ng bahay, nakikinig ako ng mga original song, na nagbibigay sa akin ng lakas na kailangan ko sa araw na iyon. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa lahat ng tulong niya, at habang pinapakinggan ko ang kantang Hindi Tayo Iiwan ni Jehova, sinasabi ko: ‘Hindi niya tayo iiwan. Sa tulong niya, sa pag-ibig niya, lahat makakaya.’