Pumunta sa nilalaman

Unang palapag ng “Wedontdothat” na exhibit sa Center for Humanistic Education

ABRIL 28, 2022
ISRAEL

Exhibit Tungkol sa Pag-uusig ng mga Nazi sa mga Saksi ni Jehova, Binuksan sa Israel

Exhibit Tungkol sa Pag-uusig ng mga Nazi sa mga Saksi ni Jehova, Binuksan sa Israel

Isang bagong exhibit tungkol sa matatag na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova na pinag-usig ng mga Nazi ang binuksan sa Israel noong Marso 7, 2022. Ang exhibit ay nasa Center for Humanistic Education sa Ghetto Fighters’ House Museum sa Western Galilee at mababasa sa mga wikang Arabic, English, at Hebreo. Ang exhibit ay hanggang Marso 2023. Para ihanda ang exhibit, ang mga tauhan sa museum ay gumawang kasama ng 50 kapatid mula sa buong daigdig. Tumulong ang mga kapatid sa historical research, graphic design, at translation ng exhibit.

Ang interactive na exhibit ay pinamagatang “Wedontdothat,” na nangangahulugang “Hindi namin ginagawa iyan.” Ito ang bansag ng isang miyembro ng German civil defense kay Brother Joachim Alfermann, isa sa mga Saksi ni Jehova na pinag-usig ng mga Nazi. a Kahit na pinagbantaan, binugbog, at ikinulong sa bartolina, tumanggi si Joachim na magsanay bilang sundalo, na sinasabing: “Hindi namin ginagawa iyan.” Ipinadala siya sa concentration camp dahil ayaw niyang humawak ng sandata. Sinabi ng tagapangasiwa ng exhibit na si Mrs. Yaara Galor: “Alam namin na pinatay ang mga Judio dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Pero milyon-milyong tao pa ang pinatay din. . . . Bawat isa sa mga grupong ito ay may kani-kaniyang natatanging kuwento.”

Entrance ng Center for Humanistic Education

Si Dr. Gideon Greif ay isang eksperto tungkol sa Holocaust at isang Auschwitz historian. Sa panimulang programa ng exhibit, binanggit niya ang tungkol sa pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova na pumirma sa isang kapahayagan na nagtatakwil ng kanilang pananampalataya. Sinabi niya: “Madali lang sanang makakalaya [ang mga Saksi ni Jehova]—pipirma lang sila, na isang minuto lang ang itatagal. Ipinapakita nito na kahit sa pinakamahirap na panahon sa kasaysayan ng daigdig, may mga tao na nakapanindigang matatag sa mataas na pamantayang moral, kapuwa sa salita at sa gawa. Kaya, ang mga Saksi ni Jehova ay karapat-dapat pag-usapan, alalahanin, kilalanin, at pag-aralan.”

Isang sister na naglilingkod sa sangay sa Israel at nakadalo sa exhibit ang nagsabi: “Naiiyak ako kapag naiisip ko na mayroon tayong exhibit dito sa Israel sa isang museum na bukás sa publiko . . . Hindi ko malilimutan na marinig mula sa tauhan ng museum na sinasabi ‘Mga Saksi ni Jehova’ sa wikang Hebreo. Talagang naluwalhati ang pangalan ni Jehova sa exhibit na ito.”

Si Brother David Simozrag mula sa tanggapang pansangay ng Israel na nagsasalita sa pagbubukas ng exhibit

Nagtitiwala tayo na ang mga makakapunta sa exhibit na ito ay matututong magpahalaga sa lakas ng loob at pananampalataya ng ating mga kapatid sa Nazi Germany. Maaaring mapakilos ng kanilang katapatan ang mga lingkod ni Jehova ngayon na patuloy na ‘takbuhin nang may pagtitiis ang takbuhan.’—Hebreo 12:1.