SETYEMBRE 19, 2023
GERMANY
Ginantimpalaan ang 15 Kabataang Saksi Dahil sa Project Nila Tungkol sa Biktima ng mga Nazi na si Wilhelmine Pötter
Noong Hulyo 6, 2023, nanalo ng first prize ang isang grupo ng 15 kabataang Saksi ni Jehova mula sa lunsod ng Kassel, Germany, dahil sa project nila tungkol sa lakas ng loob ni Sister Wilhelmine Pötter, na namatay dahil sa pag-uusig ng mga Nazi.
Sa buong lunsod ng Kassel, naglagay ng maliliit na monumento ang Stolpersteine ng Kassel Foundation para alalahanin ang mga pinatay noong rehimeng Nazi. Isa sa mga inalaala ay si Wilhelmine at ang asawa niyang si Justus Pötter. Mayroon ding isang kalye na ipinangalan kay Wilhelmine sa kalapít na nayon ng Niestetal. Bilang bahagi ng ika-10 anibersaryo ng foundation, inimbitahan ang lahat ng estudyante sa buong lunsod na pumili ng isa o higit pang mga biktima ng pag-uusig ng mga Nazi, ilahad ang buhay nila, at talakayin ang aral na natutuhan nila.
Pinili si Wilhelmine ng grupo ng mga kapatid, edad 13 hanggang 23, para sa project nila. Gumawa sila ng 24-na-minutong video tungkol sa buhay niya na may pamagat na Diyos Lang ang Sinusunod. Sinabi sa video kung paano siya ibinilanggo ng mga Nazi noong 1937 at namatay noong 1942 sa piitang kampo ng Ravensbrück sa edad na 49. Gumawa rin ang mga estudyante ng maliliit na poster ng mga larawan ng mga liham ni Wilhelmine sa asawa at pamilya niya habang nasa bilangguan siya. Ang mga poster na ito ay idinispley sa kalye na ipinangalan kay Wilhelmine.
Sa isang liham sa kaniyang asawa, na may petsang Abril 25, 1937, isinulat ni Wilhelmine: “Mahal kong Justus, masaya akong malaman na pareho tayong nanatiling kalmado at matatag nang tanggapin natin ang hatol sa atin. Ipinauubaya na natin ngayon ang lahat ng bagay sa Panginoon, para patuloy niya tayong gabayan. Higit sa lahat, idinalangin ko sa Panginoon na patibayin tayo sa espirituwal at pisikal para matupad natin ang pangako natin sa kaniya na manatiling tapat hanggang sa wakas. Hindi niya hahayaang masubok tayo nang higit sa matitiis natin. Kaya lubusan tayong makakapagtiwala sa ating Panginoon.” Sinagot ang panalangin niya, at pareho silang nanatiling tapat hanggang kamatayan.
Ganito ang sinabi ni Sister Alexandra Altemeier, edad 23, sa video: “Alam ni Wilhelmine at ng asawa niya na bilang mga tagasunod ni Kristo, pag-uusigin sila. Handa silang pag-usigin, arestuhin, at mamatay pa nga dahil sa kanilang paniniwala kasi alam nilang hindi sila kalilimutan ng Diyos.” Tumulong din sa project na ito si Brother Ole Schröder, edad 18. Sinabi niya: “Talagang napatibay ako ng halimbawa ni Sister Pötter. Karapat-dapat tularan ang katapatan niya sa Diyos, ang pagtitiis niya, at ang pagiging masaya niya palagi. Ipinakita ng halimbawa niya kung gaano kahalaga ang pakikipagkaibigan sa Diyos.”
Sa award ceremony, ipinakita ang buong video sa 180 dumalo, kasama na ang iba pang estudyante, mga miyembro ng press, ang mayor ng bayan, ang head ng Department of Culture, at ang director ng school district.
Gaya ng ating mga kapatid na nakibahagi sa project na ito, napatibay rin tayo ng pananampalataya at lakas ng loob nina Justus at Wilhelmine. Sigurado tayo na hinding-hindi kalilimutan ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya.—Hebreo 6:10.